Kadakilaan


Ika-29 Linggo Sa Karaniwang Panahon
21 Oktubre 2012
Basahin ang Ebanghelyo: Marcos 10:35-45

"Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinuman ba ninyo ang kopa na aking iinuman? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?" (Marcos 10:38)


Isang kabataang lalaki ang tumawid sa karagatan, sumuong sa makakapal na kagubatan at naglakad sa matatarik na bangin kasama ang mga misyonerong pari upang ipalaganap ng Mabuting Balita sa isang isla. Isa siyang sakristan at katekista. 

Isang araw habang sila'y nagpapahayag ng mga salita ni Kristo sa isang dalampasigan, isang lalaki ang nag-amok. Nag-amok ang nasabing lalaki dahil bininyagan ng kasama niyang misyonerong pari ang anak nito at noo'y may nagkakalat ng huwad na  balitang ang ginagamit na tubig ng mga misyonero ay nakalalason.

Ayon sa mga nakasaksi, maaari nang tumakas ang binata subalit hindi niya ginawang iwanan ang paring kasama niya. Nagawa niyang ilagan ang mga naunang sibat na ibinato sa kanya subalit sa huli'y isang sibat ang tumama sa kanyang dibdib. Sinugod siya ng kasama ng nag-aamok na lalaki at tuluyan siyang pinatay sa pamamagitan ng pagtaga ng espada sa kanyang ulo.

Namatay ang binata. Gayundin ang kasama niyang misyonero. Du'n na dapat natapos ang istorya ng binata. Dapat ay agad siyang nalimutan. Nawala sa alaala ng lahat. Katulad ng damong sariwa ngayon at matutuyo bukas. Subalit hindi ganu'n ang nangyari. Matapos ang ilang daang taon, kikilalanin ang kanyang pagsasakripisyo at ang kanyang pananampalataya.

Oktubre 21, 2012, kikilalaning santo ang nasabing binatang nagngangalang Pedro. Ang kasama niyang misyonerong pari ay si Beato Padre Diego Luís de San Vitores. 

Si San Pedro Calungsod ay nakihati sa paghihirap ni Hesus sa krus-- ininuman niya ang kopang ininuman ng ating Panginoon; "Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami."  (Marcos 10:45)





Panalangin:

Panginoon at Diyos naming Ama, hayaan mong kasama ng lingkod mong si San Pedro Calungsod, patuloy Ka naming purihin at sambahin. Pinararating po namin sa Inyo ang aming marubdob na pasasalamat sa lahat ng grasyang nagmumula sa Inyong mapagmahal na awa.

Bigyang inspirasyon nawa ng dakilang halimbawa ni San Pedro Calungsod ang mga kabataan at mga katekistang bubuo sa kinabukasan ng Simbahang Katolika.
 
Ipagkaloob po Ninyo sa amin ang Iyong Banal na Espiritu upang magawa naming tulungan at paglingkuran ang aming kapwang nangangailangan. Pagkalooban po Ninyo kami ng isang mapagkumbabang pusong nagmamahal upang magawa naming sundin ang Iyong kalooban. 

Batid po naming hindi magiging ganu'n kadali ang lahat sapagkat lubhang mapanukso ang sanlibutan subalit sa Pangalan po ng Iyong Bugtong na Anak na si Hesus ay magiging posible ang lahat. Kung Ikaw ay panig sa amin, walang makakalaban sa amin (Romano 8:31).

Amen.


Para sa ibang impormasyon ukol kay San Pedro Calungsod, dalawin ang website na:  
http://www.pedrocalungsod.org/ o sa http://sanpedrocalungsod.com/

Mga kasulyap-sulyap ngayon: