Pagkabulag

28 Oktubre 2012
Ika-30 Linggo sa Karaniwang Panahon
Basahin dito ang Ebanghelyo: Marcos 10:46-52




Minsan, may isang lalaki ang naglakbay sa isang disyerto. Nasa kalagitnaan siya ng kanyang paglalakbay nang mawala siya sa gitna ng isang sandstorm. Sa gitna ng nasabing unos, wala siyang makita. Sa kabila nito'y patuloy siyang naglakad. Ilang panahon din siya sa gitna ng unos. Walang tiyak na patutunguhan. Pagod na siya. Uhaw at gutom na rin. Wala na siyang nagawa nang kusang mapaluhod ang kanyang mga tuhod sa sobrang kapaguran. Hindi na niya kaya, naisip niya. Nawawalan na siya ng malay nang mausal niya "Diyos ko! Hindi ko na po kaya."

Nagulat siya nang biglang humupa ang unos. Kahit pagod siya ay napatayo siya nang makita ang isang mansyon sa harapan niya. Kumatok siya sa malaking pinto ng nasabing mansyon. Laking gulat niya nang buong galak siyang tinanggap ng mga tao roon. Doo'y pinakain siya. Binigyan ng damit na maisusuot at ng kuwartong kanyang mapagpapahingahan. 

Kinabukasan ng umaga, sumilip siya sa may bintana ng mansyon. Nakita ang maraming mga manlalakbay na katulad niya noon ay pagod, uhaw at gutom na rin. Lumapit sa kanya ang may-ari ng mansyon. Nakangiting yumakap sa kanya. Tinanong niya ang may-ari, "malaki po ang mansyong ito subalit bakit parang hindi po ito nakikita ng mga manlalakbay na nasa labas?"

"Dahil ang mansyong ito, " sagot ng may-ari, " ay isang mansyong nakikita lamang mga taong marunong umamin na hindi na nila kaya. Ng mga taong nakababatid na Diyos na lamang ang maaari nilang sulingan. Mga taong tulad mo."

Ang ating buhay ay katulad ng isang paglalakbay sa gitna ng disyerto. Ang mga problema at mga pagsubok ang unos. Ang mansyon ay ang kapahingahan sa piling ng Diyos at ang may-ari nito ay si Hesus. Hindi natin nakikita ang mansyon dahil sa ating espiritwal na pagkabulag.

Nang tinawag ni Bartimeo na "Anak ni David" si Hesus, bukas ang mga matang espiritwal niya. Kahit nasa kalagitnaan ng dilim ang kanyang buong buhay, nakita niya ang kadakilaan ng ating Panginoon. Bago pa man gamutin ni Hesus ang pisikal na pagkabulag ni Bartimeo, nakikita na nito ang bagay na mas mahalaga-- ang liwanag na nagmumula sa Diyos. At ang liwanag na 'yon ang nagpalaya sa kanya sa kanyang karamdaman. Napagaling siya samantalang ang mga tao sa paligid niya'y nananatiling bulag ang mga matang espiritwal.

Isinigaw ni Bartimeo ang kadakilaang iyon at pinigil siya ng mga tao. Gano'n tayo, pinipigil natin ang mga taong nagpapahayag ng Salita ng Diyos. Ang iba'y tinatawanan at kinukutya pa natin. Tayo ang mga tunay na bulag dahil hindi natin nakikita ang kadakilaan ng Diyos na patuloy na humihipo sa ating mga buhay. 

Ipanalangin nating makita natin si Hesus sa ating buhay at sa ating kapwa. Hayaan sana nating kumilos sa atin ang Espiritu ng Diyos upang magawa Niyang hilumin ang mga sugat ng ating mga puso. Katulad ni Bartimeo na hindi natakot ipahayag ang kanyang pananalig, makikita rin natin ang liwanag sa ating buhay.

  
Panalangin:


O aming Amang Panginoon namin at Diyos, patuloy Ka po naming sinasamba at niluluwalhati. Patuloy Ka po naming pinasasalamatan sa lahat ng mga biyayang dumarating sa amin.

Panginoon, katulad ni Bartimeo sana'y matutunan naming makita sa aming buhay ang liwanag na hatid ng pagliligtas ng Inyong Anak na si Hesus. Maramdaman nawa namin ang pagkilos ng Iyong mahal na kamay sa bawat araw na dumarating at tanggapin namin ng buong puso ang Iyong kalooban.

Huwag sana kaming maging balakid sa paglapit sa Iyo ng aming kapwa bagkus maging liwanag at asin sana kami sa kanilang naghahanap ng pagmamahal. Maging istrumento nawa kami upang Ikaw ay kanilang makilala. Katulad ni Bartimeo isigaw nawa namin sa mundo ang aming pagsamba at pagdakila kay Hesus.

Ang puso nami'y sa 'Yo umaasa sapagkat nasa 'Yo ang Salitang nagbibigay-buhay. Ang lahat ng ito'y hinihingi namin sa matamis na Pangalan ni Hesus na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: