Mapapalad

1 Nobyembre 2012
Araw ng mga Santo
Basahin dito ang Ebanghelyo: Mateo 5:1-12

"Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos,
sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.
Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos.
Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
sapagkat mamanahin nila ang daigdig.
Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,
sapagkat sila'y bubusugin.
Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan,
sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos.
Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit.
Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan a nang dahil sa akin.
Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo." 
(Mateo 5:3-12)

Sa unang tingin, napakabigat ng mga salitang ito. Katunayan, taliwas ang mga ito sa pamantayan ng sanlibutan. Sasabihin sa 'tin ng iba na mabuting unahin muna natin ang materyal na mga bagay. Na higit na maganda ang magpakasarap sa buhay. Enjoy it, sabi nga, wala kang ibang dapat isipin kundi ang sarili mo, huwag mong isipin ang iba.

Ang "Mapapalad" -- o Beatitudes sa salitang ingles -- ang sumasalamin sa bokasyon ng lahat ng mga Kristiyano. Ang kahulugan ng  bokasyon dito ay "ang ating buhay ng pagmamahal kay HesuKristo (Mother Teresa)". Ito ang sumasalamin sa mga bagay na dapat nating pahalagahan at nagbibigay ng direksyon sa ating pamumuhay. Nasa bawat kataga nito ang ating mga pag-asa at ang ating pag-asam ng kaligayahang Diyos lamang ang totoong makapagkakaloob.

Ang mga pangakong ito ang hinawakan ng mga santo, kasama ng ating Inang Maria, sa kanilang naging banal na pamumuhay. Sa kanilang pagsunod kay Hesus sa pag-ibig at paglilingkod, ito ang kanilang naging lakas  sa mga pagkakataon ng mga pag-uusig at mga pagsubok

Kalakip nito ang ultimatum ng mga dapat nating mithiin, hindi lamang sa buhay na ito kundi higit sa kabilang buhay. Habang isinasapuso ang mga salitang ito ni Hesus, isabuhay natin ito. Muli nating pagningasin ang ating pagnanais na makasama si Hesus sa buhay na walang hanggan.

Sa pag-alaala natin sa mga Banal at sa mga kaluluwa ng mga yumao, hinahamon tayo ng ebanghelyong harapin ang katotohanan ng ating kamatayan. At kung mamamatay ka ngayon, kabilang ka ba sa mga mapapalad? Handa ka na bang magsulit sa harapan ng ating Diyos? 


 

Panalangin:

O Diyos naming Ama, Ikaw ang bukal ng ganap naming kaligayahan. Patuloy Ka naming sinasamba, pinupuri at pinasasalamatan dahil sa Iyong kabutihang walang hanggan. 

Hayaan mo pong yakapin ka namin sa aming buhay sa pamamagitan ng aming mga pagbabata upang patuloy na ipalaganap ang Iyong mabuting balita sa mga taong uhaw sa Iyong pagmamahal. Makita ka nawa namin sa aming kapwang nangangailangan. Mabuhay nawa kami sa pagmamahalan sa isa't-isa.


Panginoon, sa Araw ng Iyong mga Banal, magawa nawa naming kumuha ng inspirasyon sa kanilang mga naging buhay ng pag-ibig, pagpapakumbaba at paglilingkod. Hinihingi po namin ang kanilang panalangin para sa Simbahang nakikipagdigma pa laban sa kasalanan.


Inaalala rin po namin ang aming mga mahal sa buhay na sumakabilang-buhay na, sana po'y tinatamasa na nila ang Iyong kaluwalhatian, kasama ng Iyong mga anghel na nagpupuri at sumasamba sa Iyo.


Ipinapanalangin din po namin ang mga kaluluwa sa purgatoryo, lalo na po ang mga walang nakakaalala.


Ang lahat ng ito ay idinadalangin namin, kasama ni Inang Maria at ng Iyong mga Banal , sa matamis na Pangalan ng Iyong Anak na si Hesus, kasama ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari magpasawalang-hanggan. Amen.





Sa iba pang katuruan ng Simbahang Katolika ukol sa Beatitudes, pindutin dito (click here)

Mga kasulyap-sulyap ngayon: