11 Nobyembre 2012
Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Basahin dito ang Ebanghelyo: Marcos 12:38-44
Isang klasikong kuwento:
Minsan, magdiriwang ng kaarawan ang isang magsasaka. Nag-usap ang magkaibigang manok at baboy. Eto ang kanilang pag-uusap:
BABOY: Alam mo, iniisip ko, bigyan kaya natin ng regalo ang amo nating magsasaka?
MANOK: Oo nga 'no. Maganda 'yang ideya mo. Ano kaya ang magandang regalo?
BABOY: Kanina ko pa nga iniisip eh. Ano ba sa palagay mo?
MANOK: Alam ko na!
BABOY: Talaga! may naisip ka na?
MANOK: Ham and egg!
BABOY: ?!! :-(
Sa Ebanghelyo natin sa linggong ito, tahasang sinabi ni Hesus kung sino ang nag-alay ng higit sa templo-- ang abang biyuda. Hindi niya tiningnan ang laki ng halaga ng alay nito kundi ang laki ng sakripisyo nito para lamang makapag-alay.
Ang bawat araw sa buhay natin ay pagkakataon upang makapag-alay tayo sa ating Diyos. Hindi lamang ng materyal na bagay. Maari rin tayong mag-alay ng kabutihan, ng ngiti, ng halimbawa, ng payo, ng paglilingkod o ng pagmamahal sa ating kapwa-- si Hesus na naka-disguise (Mother Teresa).
Marami ring paraan ng pag-aalay. Kung nanaisin natin ay makagagawa tayo ng mga paraan upang magawa ito. Sa kabaligtaran, marami tayong magagawang dahilan kung ayaw talaga natin.
Ang pag-aalay sa Kanya ay isang natural na reaksyon hindi dahil tayo'y mabuting Kristiyano kundi dahil una munang naging mabuti sa atin ang Diyos. Ang buhay natin mismo ay bunga ng kanyang walang hanggang kabutihan. Tama lamang na tayo'y magpasalamat at sumamba sa Kanya.
Gaano ba kalaki o fraction ng ating 3T's-- time, treasure and talent-- ang ating ibinabalik kay Hesus? (Ibinabalik dahil hindi naman talaga sa atin ang mga ito kundi pinahiram lang sa atin ng Diyos.) At sa fraction na ibinibigay natin, gaano kabigat ang nawawala sa atin?
Sa dami ng mga biyaya ng Diyos na tinatanggap natin araw-araw, ang ibinabalik ba natin sa Kanya ay ham o egg?
"Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng
bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng biyudang
iyon, bagama't siya'y mahirap, ay ang buo niyang ikinabubuhay." (Marcos 12:44)
Panalangin:
Panginoon naming Diyos Ama, ang Iyong walang hanggang kabutihan ay patuloy naming pinasasalamatan. Ikaw ay aming sinasamba at niluluwalhati sa pamamagitan ng aming mga gawa, kaisipan at pagmamahal.
Bigyan mo po kami ng isang pusong nagmamahal, ng isipang umuunawa at ng mga palad na nagkakaloob. Turuan mo kaming ibalik sa Iyo ang mga bagay na ito. Ang lahat ng ito'y nagmula sa 'Yo at nararapat lamang na muling ialay sa Iyong kaluwalhatian.
Ikaw lamang ang aming Diyos. Huwag sana naming Diyusin ang aming kayamanan, kakayahan at katalinuhan. Bagkus gamitin namin ang mga ito para matulungan ang aming kapwang nangangailangan.
Ang lahat ng ito ay hinihingi namin sa ngalan ni Hesus, kasama ng Espiritu Santo. Amen.
Inaalay ko (Audio Only)