Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Basahin dito ang Ebanghelyo: Marcos 13:24-32
"He is playing like there's no tomorrow!"
Sa sports, kapag sinabi ito tungkol sa isang basketbolista o sa isang atleta, nangangahulugan itong ginagawa ng nasabing manlalaro ang lahat na para bang wala nang ibang pagkakataon para muli pang maglaro. Naroong dumaib siya para makuha ang bola, halos magpakamatay makuha lang ang rebound, tumakbo para makapag-fastbreak, um-steal, mag-assist, bali-baliin ang katawan maipasok lang sa ring ang bola. Kadalasan isa itong compliment na gustung-gusto ng mga announcers at ng mga fans.
Darating ang katapusan. Ito ang sigurado. Maaaring bukas o sa makalawa o sa isang linggo. Walang nakaaalam kung kailan at kung sa paanong paraan ito magaganap. Ang tiyak nating mga Kristiyano ay babalik si Hesus-- ang Anak ng Tao-- upang maghari sa bagong Israel.
Nakakatakot ang mga imaheng makikita natin sa ebanghelyo ukol sa darating na wakas. Isa itong madilim na araw para sa mga makasalanan subalit isang maligayang sandali para sa mga sumunod sa yapak ni Hesus habang pasan ang kani-kanilang mga krus.
Sa araw na iyon, ang lahat ng mga paghihirap, mga pasakit, mga pagtutunggali, mga kasalanan at maging ang kamatayan ay magwawakas. Isang pagdiriwang ang magaganap para sa bagong bayan ng Diyos. Sa kabilang banda'y magkakaroon ng pagngangalit ng ngipin at dagat-dagatang apoy para sa mga makasalanang hindi tumanggap kay Hesus bilang personal nilang Tagapagligtas.
Ang ating pagtanggap sa ating katapusan ay isang paghamon sa ating mabuhay na para bang wala nang darating na bukas. Hindi natin sinasabing dapat nating limutin ang lahat-- na ipagbili ang lahat ng ating ari-arian, mag-resign sa ating trabaho at tumunganga na lamang sa paghihintay sa pagbalik ni Hesus.
Bagkus, gawin na natin ngayon ang lahat ng kabutihang magagawa natin. Huwag na nating ipagpabukas ang puwede nating gawin ngayon. Magpakita na tayo ng kabutihan sa ating kapwang paglilingkuran, tutulungan, pakakainin, daramitan, gagamutin, mamahalin. Patuloy nating palalimin ang ating relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral ng Salita Niya at pagtanggap sa Eukaristiya.
Ang katapusan ay darating na parang isang magnanakaw sa gitna ng gabi. Kailangan nating maging handa. Mabuhay sa liwanag ni Kristo at ariing nasa atin na ang kaharian ng Diyos.
At sa laro ng buhay bilang isang Kristiyano, maglaro tayo na para bang wala nang bukas.
Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nakasakay sa alapaap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. (Marcos 13:26)
Panalangin:
Panginoon naming Diyos, Ikaw na nakababatid ng aming nakaraan, ngayon at kinabukasan, patuloy Ka po naming pinupuri, sinasamba at pinasasalamatan.
Turuan mo pong mabuhay kami ayon sa Inyong kalooban. Gabayan po sana kami ng Iyong Banal na Espiritu sa patuloy naming pag-ibig sa Iyo at sa aming kapwa. Magawa sana naming mahalin ang isa't-isa.
Ituring nawa naming paghahandang puno ng antisipasyon ang bawat araw ng aming buhay. Punuin nawa kami ng ligaya sa katotohan ng muling pagbabalik ng Inyong Anak na ni Hesus.
Ito po ay hinihingi namin sa matamis na Pangalan ni Hesus na namatay, muling nabuhay, at muling magbabalik sa huling araw kasama ng Espiritu Santo. Amen.