25 Nobyembre 2012
Basahin ang Ebanghelyo dito: Juan 18:33-37
Ikaw ang dahilan kung bakit ako nandirito,
kung 'di kita nakilala, 'di sana ako nabuhay.
Kung ako'y mamamatay nang 'di kita nakilala,
hindi ako mamamatay dahil hindi ako nabuhay.
(Tu justificas mi existencia;
Si no te conozco, no he vivido;
Si muero sin conocerte, no muero, porque no he vivido.
-- Luis Cernuda
Si el hombre pudiera decir lo que ama )
Ang bersong ito ay isa sa mga bersong mababasa nating nakapaskil sa mga tren ng LRT. Tuwing nababasa ko ang bersong ito, naiisip kong ako ang nagsasalita sa tula at ang kausap ko ay ang Panginoong Hesus. Sino nga ba ako kung wala Siya? Ano nga ba ako ngayon kung wala Siya sa buhay ko?
Sa Linggong ito, ipagdiriwang ng ating simbahan ang Kapistahan ng Kristong Hari. Isa itong masayang pagdiriwang. Inaari nating Hari ang ating Panginoong Hesus. Hindi lamang sa wakas ng panahon kundi sa buhay din natin sa kasalukuyan at sa kinabukasan.
Isang nasasakdal na Hesus ang mababasa natin sa ating Ebanghelyo, isang haring isinakdal sa mga Romano. Nasa kamay ni Poncio Pilato ang buhay Niya at kamatayan sa krus. Maaring tawagin ni Hesus ang lehiyon ng mga anghel upang ipagtanggol Siya subalit pinili ni Niyang tanggapin ang misyong dahilan kung bakit Siya isinilang-- ang mamatay sa krus upang tubusin tayo dahil sa ating mga kasalanan.
Isa Siyang hari subalit hindi ng sanlibutang ito. Isa Siyang haring naglingkod imbes na paglingkuran. Nag-alay imbes na pag-alayan. Iba Siya sa imahe ng Mesiyas na nasa isipan ng kanyang mga alagad. Iba sa imahe ng makamundong hari.
Si Hesus ang dahilan kaya nagagawa nating tawaging "Ama" ang ating Diyos. Siya ang dahilan kung bakit hawak natin ang pag-asa ng buhay na walang hanggan. Siya ang ating kaligtasan. Ang ating kapunuan. Ang ating buhay. Ano ang silbi ng buhay kung wala Siya?
Kilalanin pa natin Siya sa pamamagitan ng pagdarasal, pag-aaral at pagsasabuhay ng Kanyang mga Salita, at sa pagtanggap ng Kanyang Katawan at Dugo sa Misa.
At iproklama natin sa buong mundo, si Hesus ang Hari ng mga hari. Siya ang Hari ng ating buhay. Buhay magpakailan si Kristong Hari!
Panalangin:
Sa Pangalan ni Hesus, Panginoon naming Diyos na Ama namin magpakailanman, sambahin ang Ngalan Mo at mapasaamin ang kaharian mo.
Gabayan po nawa kami ng Iyong Espiritung Banal upang magawa naming mamuhay nang naaayon sa Iyong mga Salitang nagbibigay-buhay. Maging halimbawa sana kami sa aming kapwang naghahanap ng Diyos sa magulong mundong aming ginagalawan.
Ipadala mo po sa amin ang Inyong Banal na Espiritu upang magawa naming isigaw sa mundo na si HesuKristo ang Hari ng mga hari. Na Siya ang aming nag-iisang Kristong Hari!
Amen.
From a king to a King