Maranatha! O Hesus Halina!

Unang Linggo ng Adbiyento
02 Disyembre 2012
Basahin dito ang Ebanghelyo: Lucas 21:25-28.34-36


Unti-unti nang lumalamig ang simoy ng hangin. Maririnig mo na sa lahat ng sulok ang mga tugtuging Pamasko. Umiikli na rin ang araw at mabilis nang dumilim kapag hapon. Marami ng mga sale at sumisikip na sa dami ng tao ang mga pamilihan.

Naroon ang kasabikan ng mga may trabaho sa pagtanggap ng kanilang mga bonus. Ang mga medyo kinakapos nama'y hindi malaman kung paano pagkakasyahin ang maliit na budget para sa mga regalo at mga handa. Naroon ang sakit ng ulo pero naroon din naman ang munting ngiti.

Sa ating mga parokya, unang linggo na ng Adbiyento-- simula na ng paghahanda ng ating simbahan sa pagdiriwang ng Pasko. Simula ng isang bagong kalendaryong liturhikal. Sisindihan na ang unang kandila ng advent wreath.

Abala ang lahat sa kanya-kanyang mga paghahanda. Gustong maging masaya ang Pasko. 

Ang ating ebanghelyo ay isang paalala na hindi lamang ang Pasko ang dapat nating paghandaan. Na ang ultimong dahilan ng kanyang pagsilang sa sabsaban ay ang muli Niyang pagbalik upang ipagkaloob ang ganap na kaligayahan sa mga nananalig sa Kanya.

Pagdating ng oras na iyon, ang mga naghihirap ay magkakamit ng kaginhawahan. Mawawala ang lahat ng pasakit, kalungkutan at maging ang kamatayan. Maghihintay tayong taglay ang matinding pananabik sapagkat ang kaligtasan ay darating sa mga taong walang ibang inaasahan kundi ang Diyos.

Magdiriwang ang langit sapagkat napagtagumpayan ni Hesus sa krus ang kamatayan. Ang munting Sanggol na isinilang noon sa isang abang sabsaban ay darating na nasa alapaap taglay ang kapangyarihan at dakilang karangalan.

Ang Pasko ay magsisimula sa ating mga pusong nagsusumigaw ng pagpupuri:

O aming Panginoong Hesus na isinilang sa Araw ng Pasko! Halina sa aming buhay. Kami'y nananalig na Ikaw ay babalik upang ipagkaloob sa amin ang buhay na walang hanggan. Amen.

Panalangin:

O aming Amang nagkaloob sa amin ng Iyong Bugtong na Anak na ipinaglihi at isinilang ni Birheng Maria, purihin at ipagdangal ang Iyong Pangalan. Patuloy kang sambahin at ipagbunyi ng aming mga kaluluwang uhaw sa Iyong pag-ibig. 

Naririto kaming naghahanda sa aming pagdiriwang ng Kaarawan ng pagsilang ng aming Panginoong Hesus, gabayan po Ninyo kaming huwag kalimutang magmahal, humingi ng tawad at magpatawad sa aming mga mahal sa buhay at kapwang katulad nami'y umaasam ng kaligayahan sa piling Mo.  Ipagkaloob Mo po sa amin ang kababaang-loob at kabukasan ng palad.

Huwag po sana naming kalimutang ang Pasko ay tungkol kay Hesus na nagkatawang-tao at nakipamayan sa amin. Magawa sana namin, lalo na ng mga magulang at mga katekista, na ituro sa mga bata ang naratibo ng Pasko-- ang naratibo ng iyong pag-ibig at kababaang-loob.

Ang lahat po ng ito'y hinihingi namin sa Ngalan ni Hesus-- isinilang ni Maria, nakipamayan sa amin, namatay sa krus, muling nabuhay at muling babalik para sa aming katubusan-- kasama ng Espiritu Santo. Amen.

Maranatha! Halina Hesus! Halina! 


Mga kasulyap-sulyap ngayon: