Disyembre 2012

01 02 03 04 05 06 07 08 09 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25a 25b 26 27 28 29 30 31
 




01 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 21:34-36


34 "Ang katakawan, paglalasing at kabalisahan sa buhay na ito ay alisin ninyo sa inyong isip. Mag-ingat kayo at baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makaharap kayo sa Anak ng Tao."

 

02 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 21:25-28.34-36
 


21 Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22 Sapagkat iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito bilang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila."

25 "Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27 Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang inyong katubusan."

34 "Ang katakawan, paglalasing at kabalisahan sa buhay na ito ay alisin ninyo sa inyong isip. Mag-ingat kayo at baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon 35 na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao. 36 Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makaharap kayo sa Anak ng Tao."

 

03 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 8:5-11


5 Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, 6 "Ginoo, ang katulong ko po ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan." 7 Sinabi ni Jesus, "Pupuntahan ko siya at pagagalingin." 8 Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, "Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. 9 Ako'y nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, 'Pumunta ka roon!' siya'y pumupunta; at ang isa naman, 'Halika!' siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, 'Gawin mo ito!' ginagawa nga niya iyon." 10 Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, "Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. 11 Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit.

 

04 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 10:21-24


21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan ng Espiritu Santo. b Sinabi niya, "Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at sa mga matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga taong ang kalooban ay tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.

22 "Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at ang mga taong ginawang karapat-dapat ng Anak na makakilala sa Ama."

23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, "Mapalad kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan, subalit hindi nila ito nakita ni narinig." 

 

05 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo:15:29-37


29 Pag-alis doon, nagbalik si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo upang magturo. 30 Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. 31 Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel.

32 Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, "Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan."

33 Sinabi naman ng mga alagad, "Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?"

34 "Ilan pang tinapay ang nariyan?" tanong ni Jesus sa kanila.

 "Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda," sagot nila.

35 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. 36 Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. 37 Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing.

 

06 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 7:21, 24-27


21 "Hindi lahat ng tumatawag sa akin, 'Panginoon, Panginoon,' ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit.

24"Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. 25 Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. 26 Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. 27 Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak." 

 

07 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 9:27-31


27 Pag-alis ni Jesus doon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila habang nasa daan, "Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!"

28 Nang si Jesus ay nasa loob na ng bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, "Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?" "Opo, Panginoon!" sagot nila. 29 Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, "Mangyari ito sa inyo ayon sa inyong pananampalataya." 30 At nakakita nga sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin iyon kaninuman. 31 Ngunit nang sila'y makaalis, ipinamalita nila sa buong lupaing iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus.

 

08 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 1:26-38
 


26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"

29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."

34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.

35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."

38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel. 

 

09 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 3:1-6


1 Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. 2 Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, 3 kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, "Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos." 4 Sa gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias,

"Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
 

'Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon.
Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!
5 Matatambakan ang bawat libis,
at mapapatag ang bawat burol at bundok.
Matutuwid ang daang liku-liko,
at mapapatag ang daang baku-bako.
6 At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!'"

 

10 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 5:17-26


17 Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo sa di-kalayuan. Sila'y galing sa lahat ng bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. 18 Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Nagpipilit silang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. 19 Wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinaba sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. 20 Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, "Kaibigan, pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan."

21 Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, "Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?"

22 Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? 23 Alin ba ang mas madaling sabihin, 'Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan,' o 'Tumayo ka at lumakad'? 24 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa..." sinabi niya sa paralitiko, "Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!" 25 Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. 26 Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sila'y namangha at nagsabi, "Kahanga-hanga ang mga bagay na nasaksihan natin ngayon!"

 

11 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 18:12-14


12 "Ano sa akala ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikinagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman, ayaw ng inyong Ama b na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito."



 

12 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo11:28-30


 28 "Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. 29 Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin ang kapahingahan 30 sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo." 


 

13 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 11:11-15


11 Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. 12 Mula nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas.13 Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos. 14 Kung naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. 15 Makinig ang may pandinig!  



14 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 11:16-19


16 "Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: 17 'Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!' 18 Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, 'Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.' 19 Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, 'Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggero at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.' Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito." 


15 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 17:9-13


9 Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, "Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nasaksihan hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao." 10 Tinanong siya ng mga alagad, "Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?" 11 Sumagot siya, "Paparito nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. 12 At sinasabi ko sa inyo, pumarito na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao." 13 Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya.  


16 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 3:10-18


10 Tinanong siya ng mga tao, "Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?"


11 Sumagot siya sa kanila, "Kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Ganyan din ang gawin ng may pagkain."

12 Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, "Guro, ano po ang dapat naming gawin?"

13 "Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin," tugon niya.

14 Tinanong din siya ng mga kawal, "At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?"
"Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di makatuwiran; masiyahan na kayo sa inyong sweldo," sagot niya.

15 Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. 16 Dahil dito sinabi niya sa kanila, "Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. 17 Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman."
 
18 Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita.


17 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 1:1-17
 

1 Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham.

2-6 Mula kay Abraham hanggang kay Haring David, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: Abraham, Isaac, Jacob na ama ni Juda at ng kanyang mga kapatid, Juda, Fares at Zara na mga anak ni Juda kay Tamar, Esrom na anak ni Fares, Aram, Aminadab, Naason, Salmon, Boaz na anak ni Salmon kay Rahab, Obed na anak ni Boaz kay Ruth, at Jesse na ama ni Haring David.

6-11 Mula naman kay Haring David hanggang sa naging bihag ang mga taga-Juda sa Babilonia, ang mga ninuno ni Jesus ay sina: David, Solomon na anak ni Haring David sa dating asawa ni Urias, Rehoboam, Abias, Asa, Jehoshafat, Joram, Ozias, Jotam, Acaz, Ezequias, Manases, Amos, Josias, Jeconias at ang mga kapatid nito.

12-16 At pagkatapos na sila'y maging bihag sa Babilonia hanggang sa ipanganak si Jesus, ang mga ninuno niya ay sina: Jeconias, Salatiel, Zerubabel, Abiud, Eliakim, Azor, Sadoc, Aquim, Eliud, Eleazar, Matan, Jacob, at si Jose na asawa ni Maria. Si Maria ang ina ni Jesus---ang tinatawag na Cristo.

17 Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo. 


18 Disyembre 2012
Mabuting Balita:
Mateo 1:18-24


18 Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang taong matuwid si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa lubos na kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan a si Maria nang palihim.

20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan."

22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,

23 "Tingnan ninyo; 'Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.' " (Ang kahulugan nito'y "Kasama natin ang Diyos").

24 Nang magising si Jose, sinunod nga niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria.


19 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 1:5-25


5 Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio buhat sa grupo ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elisabet ay mula rin sa angkan ni Aaron. 6 Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. 7 Wala silang anak dahil baog si Elisabet at kapwa sila matanda na.

8 Isang araw, nanunungkulan ang pangkat ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. 9 Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, 10 habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. 11 Doon ay nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ito sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. 12 Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. 13 Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, "Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. 14 Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang 15 sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. 16 Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. 17 Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin sa daang matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon."

18 Sinabi ni Zacarias sa anghel, "Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa."

19 Sumagot ang anghel, "Ako'y si Gabriel na naglilingkod sa Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. 20 Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito."

21 Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. 22 Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi.

23 Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. 24 Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. 25 Sinabi ni Elisabet, "Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!" 


20 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 1:26-38


26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"

29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."

34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.

35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."

38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel.


21 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 1:39-45


39-40 Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw siya sa galak, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!" 


22 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 1:46-56


46 At sinabi ni Maria,
"Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon,


47 at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas,

48 sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin!
Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad;


49 dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan.
Siya'y banal!

50 Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao
at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya.


51 Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig,
nilito niya ang mga may palalong isip.


52 Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan,
at itinaas ang mga nasa abang kalagayan.


53 Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad,
at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman.


54 Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel,
at naalala ito upang kanyang kahabagan.


55 Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!"


56 Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi.


23 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 1:39-45


39-40 Makalipas ang ilang araw, gumayak si Maria at nagmamadaling pumunta sa isang bayang bulubundukin sa Judea, sa bahay ni Zacarias. Pagdating doon ay binati niya si Elisabet. 41 Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. 42 Napasigaw siya sa galak, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! 43 Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? 44 Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. 45 Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!" 


24 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 1:67-79


67 Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo,
at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos:


68 "Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel!
Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan.


69 Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas,
mula sa angkan ni David na kanyang lingkod.


70 Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta,

71 na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway,
mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin.


72 Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno,
at aalalahanin ang kanyang banal na tipan.


73 Ipinangako niya sa ating ninunong si Abraham,

74 na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway,
upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot,


75 at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay.

76 Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos;
sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan,


77 at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan,
ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.


78 Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos.
Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan.


79 Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan,
at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan." 



25 Disyembre 2012 (Hating-gabi)
Mabuting Balita: Lucas 2:1-14


1 Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. 2 Ang unang sensus na ito ay ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. 3 Kaya't umuwi ang bawat isa sa sari-sariling bayan upang magpatala.

 4 Mula sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. 5 Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na. 6 Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. 7 Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan.

8 Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. 9 Lumapit at tumayo sa kalagitnaan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang nakakasilaw na kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. 10 Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. 11 Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. 12 Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban."

13 Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit,

14 "Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!" 


25 Disyembre 2012 (Araw)
Mabuting Balita: Juan 1:1-18


1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang nilikha 4 sa kanya ay may buhay, a at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. 5 Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.

6 At naparito si Juan na isinugo ng Diyos 7 upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. 8 Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. 9 Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao. b

10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos.

14 Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. Isinisigaw niya, Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, Ang darating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.

16 Dahil siya'y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos. 17 Dumating ang Kautusan sa amin sa pamamagitan ni Moises; ngunit sa pamamagitan naman ni Jesu-Cristo ay dumating ang kagandahang-loob at katotohanan. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos c na lubos na minamahal ng Ama. 


26 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 10:17-22


17-18 Mga alagad ko, mag-ingat kayo sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Sanedrin, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. 19 Sa pagkakataong iyon, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magpapatotoo sapagkat ito'y kusang ipagkakaloob sa inyo. 20 Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

 21 "Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. 22 Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas.



27  Disyembre 2012
Mabuting Balita: Juan 20:1-8


1 Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. 2 Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!

 3-4 Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. 5 Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga mamahaling tela. 6 Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, 7 at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. 8 Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. 9 Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan. 10 At umuwi ang mga alagad. 


28 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Mateo 2:13-18


13 Pagkaalis ng mga matatalinong tao, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, "Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin." 14 Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. 15 Doon sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: "Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto."
16 Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga matatalinong tao. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga matatalinong tao.

  
17 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias:

18 "Narinig sa Rama ang isang tinig, tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy. Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak. Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila."


29 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 2:22-35


22 Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, 23 sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, "Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon." 24 Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati.

25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. 26 Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. 27 Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, 28 kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos,


29 "Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako.

30 Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas, 31 na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa.

32 Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel."

33 Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. 34 Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, "Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, 35 kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso." 


30 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Lucas 2:41-52



41 Taun-taon, tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. 42 Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. 43 Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. 44 Maghapon na silang nakapaglakbay na inaakalang kasama nila ang bata ngunit napansin nilang wala pala siya. Siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit 45 hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. 46 Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, 47 at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang katalinuhan. 48 Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, "Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo."

49 Sumagot si Jesus, "Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?" a 50 Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito.

51 Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. 52 Patuloy na lumaki si Jesus; lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao. 


31 Disyembre 2012
Mabuting Balita: Juan 1:1-18



1 Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. 2 Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang nilikha 4 sa kanya ay may buhay, a at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. 5 Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman.

6 At naparito si Juan na isinugo ng Diyos 7 upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. 8 Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. 9 Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao. b

10 Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. 11 Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. 12 Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. 13 Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos.

14 Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan.

15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. Isinisigaw niya, Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, Ang darating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.

16 Dahil siya'y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos. 17 Dumating ang Kautusan sa amin sa pamamagitan ni Moises; ngunit sa pamamagitan naman ni Jesu-Cristo ay dumating ang kagandahang-loob at katotohanan. 18 Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos c na lubos na minamahal ng Ama.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: