Ang Tinig ng Adbiyento: Pag-ibig

Ikalawang Linggo ng Adbiyento 
09 Disyembre 2012
Basahin dito ang Mabuting Balita: Lucas 3:1-6


Kapag may darating tayong bisita, hindi tayo magkandaugaga sa pag-aayos at paglilinis ng ating bahay, sa pagluluto ng masasarap na pagkain at sa pag-iisip kung ano ba ang nararapat nating isuot. Ihinahanda natin ang ating sarili sa panlabas at sa panloob-- naroong matulog tayo ng maaga o ihanda ang ating isipan sa mga maaring mangyari o itanong ng bisita. Sa maikling sabi, excited tayo.

Ganitong excitement ang maaari nating naramdaman habang binabasa ang ating ebanghelyo. Parang naririnig natin ang tinig ni Juan Bautista na sumisigaw sa ilang, "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. (Lucas 3:4)" Ihanda na natin ang ating mga sarili! Parating na si Hesus. Parating na ang Pasko.

Totoo ngang ang tinig ni Juan Bautista ang tinig ng Adbiyento. Siya ang tinig ng ating paghahanda para sa Pasko ng kapanganakan ni Hesus at sa araw ng Kanyang muling pagbalik.

Ang tinig ni Juan ay tinig ng bagong pag-asa at ng pag-ibig sapagkat ito'y patungkol sa pag-ibig ng Diyos at sa pag-asang kaloob nito. Ang Salita ng Diyos ay nagkatawang-tao dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin. Pinili Niyang maging katulad natin upang matubos tayo mula sa kamatayang kabayaran ng kasalanan. Hinubad Niya ang kanyang pagiging Diyos at naging isang abang sanggol na isinilang sa isang sabsaban para sa atin.

Ang Adbiyento ay panahon ng pagpapatawad at paghingi ng tawad. Ng pagbuo ng mga tulay at ng paggiba ng mga pader. Ng ating paglilinis sa ating mga sariling nabahiran ng dumi ng kasalanan-- ng galit, ng kahalayan, ng inggit, ng karamutan, ng katakawan. Ng pagpaparamdam sa kapwa ng pag-ibig at ng pagdamay.

"Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya." (Juan 3:16-17)

Hindi lamang isang bisita ang kumakatok sa ating buhay. Siya si Hesus-- ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao para sa atin. Ngayong panahon ng Kapaskuhan, patuluyin sana natin Siya sa ating mga buhay at panatilihin doon hanggang sa mga susunod na mga taon. 

At pakinggan nawa natin ang sigaw ni Juan na tinig ng Adbiyento; "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon." Sapagkat ang tinig niya'y paanyaya ng pag-ibig mula sa Diyos ng Pag-ibig. 

Panalangin:

O aming Amang makapangyarihan sa lahat, Ikaw po'y pinupuri, niluluwalhati at sinasamba namin. Patuloy Ka po naming pinasasalamatan sa lahat ng biyayang dumarating sa amin.

Katulad po ni San Juan Bautista, ipagsigawan po sana namin sa pang-araw-araw naming mga buhay ang Iyong paanyaya ng pagbabalik-loob. Gawin Mo po kaming mga instrumento ng Iyong walang hanggang pag-ibig. 

Sa paghahanda po namin sa darating na Pasko ng Pagsilang ng Iyong Anak, tulungan po Ninyo kaming baguhin ang aming puso. Turuan Mo po kaming lalo pang magmahal, turuan Mo rin po kaming magpatawad at humingi ng tawad.

Ibukas Mo po ang aming mga puso at gayundin po ang aming mga palad upang magawa naming magbahagi sa aming kapwang nangangailangan-- lalo na po sa mga naging biktima ng nagdaang kalamidad. Tulungan Mo po kaming magkaloob ng pag-asa sa kanila. Gamitin Mo po kami upang mas maramdaman Ka po nila sa oras ng kanilang pangangailangan.

Marinig po sana namin ang tinig ng Adbiyento... ang tinig ng Iyong walang hanggang pag-ibig.

Ang lahat po ng ito'y hinihingi at inaangkin namin sa Pangalan ni Hesus, Walang Hanggang Haring isinilang sa isang sabsaban, kasama ng Iyong Espiritung Banal. Amen. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: