Miyerkules ng Abo
22 Pebrero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 13 Pebrero 2013.)
"Trabaho lang ito, walang personalan!"
Marami sa ating mga Katoliko ngayon ay hanggang dito lang ang relasyon sa Diyos at kapwa-tao. Walang personalan. Magsisimba o magdadasal para matupad lang ang obligasyon. Mag-aayuno o magsasakripisyo para lang makabawas ng kasalanan. Maglilimos o magbibigay sa kapwa para lang masabing nagbigay.
Ang lahat ay nasa panlabas. Manhid. Walang pakiramdam.
Ang hamon sa atin ngayong Miyerkules ng Abo, bilang pagsisimula ng Kuwaresma, ay gawing personal at mas malalim ang lahat. Magdasal tayo bilang pagpapalalim ng ating personal na relasyon sa ating Diyos. Siya ay isang Amang matiyagang naghihintay sa ating pagbabalik (Lucas 15:11-32), isang tapat na kaibigan (Juan 15:15), isang Diyos na hindi nakalilimot (Isaias 49).
Mag-ayuno dahil nais nating makihati sa paghihirap ni Hesus sa krus at sa paghihirap ng ating kapwa. Naging biktima ng matinding injustice si Hesus, marami ngayon ang mga katulad Niya. Hindi lang natin sila nakikita dahil sa ating masyadong pagiging abala. Marami rin sa atin ang pinili na lang na ipikit ang mga mata at tanggapin ang lahat dahil iyon ang komportableng gawin.
Kasabay nito ay ang pagtaya natin sa ating pamumuhay. Ang pagbabawas sa lahat ng sobra at pagdadagdag sa mga kulang. Mula roon, habang pinagninilayan natin ang Pasyon ni HesuKristo, pinalalalim natin ang ating pandama sa tawag at kalooban ng Diyos.
Magbigay sa ating kapwa upang ibahagi sa kanila ang pag-ibig ng Diyos. Pagmamahal ang dahilan ng pagbibigay na ito. Hindi obligasyon lang o palabas. Iparating natin sa kanilang higit na kapos na hindi sila totoong nalimot ng Diyos. Ipinaaabot ng Diyos ang Kanyang pagkalinga sa pamamagitan ng mga makasalanan ding tulad nila.
Ang Kuwaresma ay higit sa ipinahid na abo sa ating noo, o sa layo ng nilakad natin sa Visita Iglesia, sa Via Crusis at sa mga prusisyon, o sa itinagal natin o sa bilang ng rosaryong na-recite natin sa mga vigil. Ang esensya ng Kuwaresma ay ang pagsisikap nating tuparin ang dalawang pinakadakilang utos:
"Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta." (Mateo 22:37-40)
Sapagkat ang Kuwaresmang sisimulan natin sa Miyerkules ng Abo ay hindi lamang bahagi ng "trabaho" natin bilang mga Katoliko kundi isang "personal" na pangyayaring dapat na nag-uugat sa ating pusong nakikipagniig sa ating Diyos-- sa ating Amang nagkaloob ng Kanyang Bugtong na Anak bilang Korderong namatay sa Krus at muling nabuhay para sa ating kaligtasan.
Ang pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa ay personalan at hindi trabaho lang.
Panalangin:
O aming Amang palaging nagpupuno sa aming mga pagkukulang, purihin ang Iyong Ngalan. Dakilain ang Iyong mga ginawa upang sagipin kami mula sa kamatayang dulot ng aming mga kasalanan.
Sinisimulan po namin ang aming personal na paghahanda para sa aming muling pag-alaala sa Misteryo Paskwal ng Iyong Anak na si HesuKristo, loobin po Ninyong lalo kaming makalapit sa Inyo. Ipadala po Ninyo sa amin ang Iyong Banal na Espiritung aming Gabay at Tagapagpabanal.
Gamitin Mo po kaming mga kasangkapan ng Iyong pag-ibig. Maunawaan din po sana naming hindi kami nilikha para lamang sa aming sariling kapakanan. Makita po nawa namin sa aming kapwa ang Iyong Anak at maisabuhay namin ang katotohanang ginagawa namin sa Inyo ang anumang gawin namin para sa mga salat sa materyal na bagay, atensyon at pag-ibig.
Buhat sa kaibuturan ng aming mga puso, ipinapahayag naming si Hesus ang Kordero ng Diyos na nakawawala ng kasalanan ng sanlibutan. Siya ay kasama Mo na buhat pa ng una, nagkatawang-tao Siya lalang ng Espiritu Santo, ipinako sa krus, namatay, inilibing, muling nabuhay at umakyat sa langit para sa amin. Ngayo'y naluluklok Siya kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.