Ika-27 Linggo Sa Karaniwang Panahon - 06 Oktubre 2013
Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Habakuk: 1:2- 2:4
2 O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo,
bago ninyo ako dinggin,
bago ninyo ako iligtas sa karahasan?
3 Bakit puro kaguluhan at kasamaan
ang ipinapakita mo sa akin?
Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan;
laganap ang karahasan at ang labanan.
4 Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang,
at hindi umiiral ang katarungan.
Sa husgado ay laging natatalo ng masasama ang walang kasalanan,
kaya't nababaluktot ang katarungan.
5 Pagkatapos ay sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan,
"Masdan mo ang mga bansang nakapalibot sa iyo
at mamamangha ka at magugulat sa iyong makikita.
Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing
hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo.
6 Papalakarin ko sa kapangyarihan ang mga taga-Babilonia---
ang bansang kilala sa kalupitan at karahasan.
Sinasalakay nila ang lahat ng dako ng daigdig
upang sakupin ang lupaing hindi kanila.
7 Naghahasik sila ng takot at sindak;
ipinagmamapuri nila na sila mismo ang batas.
8 Ang mga kabayo nila'y mas mabibilis kaysa mga leopardo,
mas mababangis kaysa mga asong-gubat pagsapit ng gabi.
Ang kanilang mga mangangabayo ay rumaragasa mula sa malalayong lupain;
para silang mga agila na dumadagit sa kanilang biktima.
9 Ang kanilang mga hukbo ay marahas na sumasalakay,
at lahat ay nasisindak habang sila'y nananakop.
Di mabilang na parang buhangin ang kanilang mga bihag.
10 Hinahamak nila ang mga hari,
at walang pinunong iginagalang.
Pinagtatawanan lamang nila ang bawat muog,
sapagkat ito'y kanilang nilulusob at madaling nakukuha.
11 Pagkatapos ay nagpapatuloy silang parang malakas na hangin;
walang dinidiyos
kundi ang sarili nilang lakas."
12 O Yahweh, kayo ay Diyos na walang hanggan.
Kayo ang aking Diyos, banal at magpakailanman.
O Yahweh, aking Diyos at tanggulan,
pinili ninyo ang mga taga-Babilonia at sila'y inyong pinalakas.
O Batong matibay, inilagay mo sila upang kami'y pahirapan,
upang kami'y parusahan.
13 Ngunit paano ninyo natitiis ang mga taksil at masasamang taong ito?
Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan.
Hindi ninyo matitiis ang mga taong gumagawa ng mali.
Bakit hindi kayo kumikibo gayong pinupuksa nila
ang mga taong higit na mabuti kaysa kanila?
14 Itinuturing mo ang mga tao na gaya ng mga isda,
o gaya ng mga kulisap na walang mangunguna sa kanila.
15 Binibingwit sila ng mga taga-Babilonia na wari'y isda.
Itinataboy nila ang mga ito sa mga lambat,
at pagkatapos ay nagsisigawan sa galak!
16 Kaya't sinasamba pa nila ang kanilang mga lambat,
at nag-aalay ng mga handog;
sapagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng karangyaan.
17 Patuloy ba nilang gagamitin ang kanilang tabak
at walang awang pupuksain ang mga bansa?
1 Aakyat ako sa bantayan at hihintayin
ang sasabihin ni Yahweh sa akin,
at ang tugon niya sa aking daing.
2 Ito ang tugon ni Yahweh:
"Isulat mo nang malinaw sa mga tapyas ng bato
ang pangitaing ipahahayag ko sa iyo,
upang sa isang sulyap ay mabasa agad at maipabatid ito.
3 Isulat mo ito sapagkat hindi pa panahon upang ito ay maganap.
Ngunit mabilis na lilipas ang panahon,
at mangyayari ang ipinakita ko sa iyo.
Bagama't parang mabagal ito, hintayin mo.
Tiyak na mangyayari at hindi maaantala ito.
4 Ito ang mensahe:
"Ang hambog ay mabibigo sa kanyang pagmamataas,
ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya."
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 96:1-13
1 Tayo na't lumapit kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan, atin ngang handugan, masayang awitan!
2 Tayo na't lumapit, sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin, ng mga awiting may tuwa at galak.
3 Sapagkat si Yahweh, siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring higit pa sa sinuman na dinidiyos.
4 Nasa kanyang palad ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya maging ang mataas nating kabundukan.
5 Kanya rin ang dagat at pati ang lupa na kanyang nilalang.
6 Tayo na't lumapit, sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
7 Siya ang ating Diyos, at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.
At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
8 "Iyang inyong puso'y huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
9 Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 1:16-14
6 Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na gamitin mong mabuti ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. 7 Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili.
8 Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos 9 na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, 10 ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita.
11 Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y ginawang mangangaral, apostol at guro, 12 at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat lubos kong kilala ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa wakas ang ipinagkatiwala ko sa kanya. 13 Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 14 Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang lahat ng magagandang bagay na ipinagkatiwala sa iyo.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Lucas 17:5-10
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, 'Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!'
6 Tumugon ang Panginoon, "Kung ang inyong pananampalataya ay maging sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, 'Mabunot ka at matanim sa dagat!' at susundin kayo nito."
7 "Sino sa inyo ang magsasabi sa kanyang aliping kagagaling sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, 'Halika, at kumain ka na'? 8 Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, 'Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.' 9 Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? 10 Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, 'Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.'"
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita