01 Oktubre 2013
Pagbasa: Isaias 66:10-14; Salmo: Awit 87:1-7
Mabuting Balita: Mateo 18:1-4
1 Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, "Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?" 2 Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa harap nila 3 at sinabi, "Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. 4 Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit.
02 Oktubre 2013
Pagbasa: Exodo 23:20-23; Salmo: Awit 91:1-11
Mabuting Balita: Mateo 18:1-10
1 Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, "Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?" 2 Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa harap nila 3 at sinabi, "Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. 4 Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. 5 Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap."
6 "Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. 7 Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.
8 "Kung ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. 9 Kung ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno."
10 "Pakaingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit.
03 Oktubre 2013
Pagbasa: Nehemias 8:1-12; Salmo: Awit 19:8-11
Mabuting Balita: Lucas 10:1-12
1 Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. 2 Sinabi niya sa kanila, "Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. 3 Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. 4 Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan. 5 Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, 'Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!' 6 Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan. 7 Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo. 8 Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. 9 Pagalingin ninyo ang mga maysakit at sabihin sa mga tagaroon, 'Malapit na kayong pagharian ng Diyos.' 10 Ngunit kung hindi kayo tanggapin sa isang bayan, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, 11 'Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, nabigyan na kayo ng pagkakataong mapagharian ng Diyos!' 12 Sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma!"
04 Oktubre 2013
Pagbasa: Baruc 1:15-22; Salmo: Awit 79:1-9
Mabuting Balita: Lucas 10:13-16
13 "Kawawa kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. 14 Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa sa kaparusahan sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. 15 At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang sa langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay.
16 "Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin."
05 Oktubre 2013
Pagbasa: Baruc 4:5-29; Salmo: Awit 69:33-37
Mabuting Balita: Lucas 10:17-24
17 Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa. Iniulat nila sa Panginoon, "Kahit po ang mga demonyo ay sumusuko sa amin dahil po sa kapangyarihan ng inyong pangalan."
18 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. 19 Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. 20 Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasuko ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang inyong mga pangalan."
21 Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan ng Espiritu Santo. Sinabi niya, "Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at sa mga matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga taong ang kalooban ay tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari.
22 "Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at ang mga taong ginawang karapat-dapat ng Anak na makakilala sa Ama."
23 Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, "Mapalad kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. 24 Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan, subalit hindi nila ito nakita ni narinig."
_________________________________________________________
06 Oktubre 2013
Ika-27 Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Habakuk: 1:2- 2:4
Salmo: Awit 96:1-13
Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 1:16-14
Mabuting Balita: Lucas 17:5-10
Gospel Reflection
"Kung ang inyong pananampalataya ay maging sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, 'Mabunot ka at matanim sa dagat!' at susundin kayo nito." (Lucas 17:6)
_________________________________________________________
07 Oktubre 2013
Pagbasa: Gawa 1:12-14; Salmo: Judith 13:18-20
Mabuting Balita: Lucas 1:26-38
26 Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang 27 isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. 28 Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, "Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!"
29 Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. 30 Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. 31 Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. 32 Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang 33 maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan."
34 "Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?" tanong ni Maria.
35 Sumagot ang anghel, "Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. 36 Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, 37 sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos."
38 Sumagot si Maria, "Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi." Pagkatapos, umalis na ang anghel.
08 Oktubre 2013
Pagbasa: Jonas 3:1-10; Salmo: Awit 130:1-8
Mabuting Balita: Lucas 10:38-42
38 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta 39 at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. 40 Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, "Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nagiisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako."
41 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, "Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, 42 ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya."
09 Oktubre 2013
Pagbasa: Jonas 4:1-11; Salmo: Awit 86:3-10
Mabuting Balita: Lucas 11:1-4
1 Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, "Panginoon, turuan nga po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad." 2 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo,
'Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan.
Nawa'y maghari ka sa amin.
3 Bigyan mo kami ng aming kakainin sa araw-araw.
4 At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin.
At huwag mo kaming hayaang matukso.'"
10 Oktubre 2013
Pagbasa: Malakias 3:13-20; Salmo: Awit 1:1-6
Mabuting Balita: Lucas 11:5-13
5 Sinabi pa rin niya sa kanila, "Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, 'Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. 6 Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!' 7 At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, 'Huwag mo na akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng iyong kailangan.' 8 Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. 9 Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. 10 Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. 11 Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? 12 Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? 13 Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!"
11 Oktubre 2013
Pagbasa: Joel 1:13-2:2; Salmo: Awit 9:2-9
Mabuting Balita: Lucas 11:15-26
15 Subalit sinabi naman ng ilan sa mga naroon, "Nakapagpalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo."
16 May ilan namang, sa pagnanais na siya'y subukin, patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himalang mula sa langit. 17 At dahil alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila, "Ang kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat ay babagsak at ang sambahayang nag-aaway-away ay mawawasak. 18 Kung may mga pangkat sa kaharian ni Satanas na naglalaban-laban, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. 19 Kung sa kapangyarihan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. 20 Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos.
21 "Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. 22 Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian.
23 "Ang hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat."
24 "Kapag umalis sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, 'Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.' 25 Sa pagbabalik niya ay matatagpuan niyang malinis at maayos ang bahay. 26 Kaya't, lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon."
12 Oktubre 2013
Pagbasa: Joel 4:12-21; Salmo: Awit 97:1-12
Mabuting Balita: Lucas 11:27-28
27 Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, "Mapalad ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo."
28 Ngunit sumagot siya, "Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!"
_________________________________________________________
13 Oktubre 2013
Ika-28 Linggo Sa Karaniwang Panahon
2 Mga Hari 5:14-17
Salmo: Awit 98:1-4
Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 2:8-13
Mabuting Balita: Lucas 17:11-19
Gospel Reflection
"Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis?... Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?"
(Lucas 17:17-18)
_________________________________________________________
14 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 1:1-17; Salmo: Awit 98:1-4
Mabuting Balita: Lucas 11:29-32
29 Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, "Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. 30 Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. 31 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. 32 Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon."
15 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 1:16-25; Salmo: Awit 19:2-5
Mabuting Balita: Lucas 11:37-41
37 Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. 38 Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay. 39 Sinabi sa kanya ng Panginoon, "Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? 41 Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo.
16 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 2:1-11; Salmo: Awit 62:2-9
Mabuting Balita: Lucas 11:42-46
42 "Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Tamang gawin ninyo ang una, ngunit hindi ninyo dapat kaligtaan ang ikalawa.
43 "Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. 44 Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't tinutuntungan ng mga tao nang hindi nila namamalayan."
45 Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa kautusang Judio, "Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo."
46 Sinagot naman siya ni Jesus, "Kahabaghabag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila.
17 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 3:21-30; Salmo: Awit 130:1-6
Mabuting Balita: Lucas 11:47-54
47 Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. 49 Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, 'Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.' 50 Sa gayon, pananagutan ninyong mga nabubuhay sa panahong ito ang pagpatay sa lahat ng mga propetang pinatay mula nang likhain ang daigdig, 51 magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Templo. Oo, sinasabi ko sa inyo, kayong mga nabubuhay sa panahong ito, mananagot kayo sa kanilang pagkamatay.
52 "Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok."
53 Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, nagsimula na siyang tuligsain ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo. Malimit nilang tanungin siya tungkol sa maraming bagay 54 upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita.
18 Oktubre 2013
Pagbasa: 2 Timoteo 4:9-17; Salmo: Awit 145:10-18
Mabuting Balita: Lucas 10:1-9
1 Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. 2 Sinabi niya sa kanila, "Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. 3 Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. 4 Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan. 5 Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, 'Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!' 6 Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan. 7 Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo. 8 Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo.
19 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 4:13-18; Salmo: Awit 105:6-43
Mabuting Balita: Lucas 12:8-12
8 "Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. 9 Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos.
10 "Ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.
11 "Kapag kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga tagapamahala at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin 12 sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin."
_________________________________________________________
20 Oktubre 2013
Ika-29 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Exodus 17:8-13
Salmo: Awit 121:1-8
Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 3:14-4:2
Mabuting Balita: Lucas 18:1-8
Gospel Reflection
"Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal?" (Lucas 18:7)
_________________________________________________________
21 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 4:20-25; Salmo: Lucas 1:69-75
Mabuting Balita: Lucas 12:31-21
13 Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, "Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid kong ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa aming mana."
14 Sumagot siya, "Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?" 15 At sinabi niya sa kanilang lahat, "Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan."
16 Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga. "Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. 17 Kaya't nasabi niya sa sarili, 'Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! 18 Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. 19 Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpasarap sa buhay!'
20 "Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, 'Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?' 21 Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos."
22 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 5:12-21; Salmo: Awit 40:7-17
Mabuting Balita: Lucas 12:35-38
35 "Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Mapalad ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Mapalad sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man.
23 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 6:12-18; Salmo: Awit 124:1-8
Mabuting Balita: Lucas 12:39-48
39 Sinasabi ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman."
41 Nagtanong si Pedro, "Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinhagang ito para sa amin o para sa lahat?"
42 Sumagot ang Panginoon, "Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? 43 Mapalad ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. 44 Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. 45 Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, 'Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,' at dahil dito'y pagmamalupitan niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing. 46 Darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail.
47 "Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. 48 Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong maraming bagay."
24 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 6:19-23; Salmo: Awit 1:1-6
Mabuting Balita: Lucas 12:49-53
49 "Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! 50 May isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. 51 Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. 52 Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo.
53 Ang ama laban sa anak na lalaki,
at ang anak na lalaki laban sa ama;
ang ina laban sa anak na babae,
at ang anak na babae laban sa ina;
ang biyenang babae laban sa manugang na babae,
at ang manugang na babae laban sa biyenang babae."
25 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 7:18-25; Salmo: Awit 119:66-94
Mabuting Balita: Lucas 12:54-59
54 Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, "Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at ganoon nga ang nangyayari. 55 At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga. 56 Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?"
57 "Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang dapat ninyong gawin? 58 Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo habang may panahon; baka kaladkarin ka niya sa hukuman, at ipag-utos ng hukom na ikaw ay ibilanggo. 59 Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo."
26 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 8:1-11; Salmo: Awit 24:1-6
Mabuting Balita: Lucas 13:1-9
1 Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. 2 Sinabi niya sa kanila, "Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? 3 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. 4 At ang labing-walong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? 5 Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila."
6 Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. "May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. 7 Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, 'Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!' 8 Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, 'Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, 9 baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.' "
_________________________________________________________
27 Oktubre 2013
Ika-30 Linggo Sa Karaniwang Panahon
Unang Pagbasa: Ecclesiastico 35:12-18
Salmo: Awit 34:2-22
Ikalawang Pagbasa: 2 Timoteo 4:6-18
Mabuting Balita: Lucas 18:9-14
Gospel Reflection
"Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakumbaba ay itataas." (Lucas 18:14)
_________________________________________________________
28 Oktubre 2013
Pagbasa: Efeso 2:19-22; Salmo: Awit 19:2-5
Mabuting Balita: Lucas 6:12-16
12 Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. 13 Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, pumili siya sa kanila ng labindalawa, at sila'y tinawag niyang mga apostol. 14 Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, 15 Mateo, Tomas, Santiagong anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, 16 si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil.
29 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 8:18-25; Salmo: Awit 126:1-6
Mabuting Balita: Lucas 13:18-21
18 Sinabi ni Jesus, "Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? 19 Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpupugad sa mga sanga nito."
20 Sinabi pa ni Jesus, "Saan ko ihahambing ang paghahari ng Diyos? 21 Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, kaya't umaalsa ang buong masa."
30 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 8:26-30; Salmo: 13:4-6
Mabuting Balita: Lucas 13:22-30
22 Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay, at siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan papuntang Jerusalem. 23 Minsan may nagtanong sa kanya, "Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?"
Sinabi niya sa kanila, 24 "Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. 25 Kapag ang pinto ay isinara na ng pinuno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, 'Panginoon, papasukin po ninyo kami.' Ngunit sasabihin niya sa inyo, 'Hindi ko kayo kilala!' 26 Sasabihin naman ninyo, 'Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.' 27 Sasagot naman siya, 'Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!' 28 Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! 29 Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. 30 Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli."
31 Oktubre 2013
Pagbasa: Roma 8:31-390; Salmo: 109:21-31
Mabuting Balita: Lucas 13:31-35
31 Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, "Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes."
32 Subalit sumagot siya, "Sabihin ninyo sa lalaking iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. 33 Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta.
34 "Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo ko sa iyo! Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. 35 Kaya't pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, 'Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!'"
01 02 03 04 05 06 07 08 09 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31