Ika-31 Linggo Sa Karaniwang Panahon - 03 Nobyembre 2013
Tumalon sa: Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Unang Pagbasa: Karunungan 11:22-12:2
22 Sa iyong paningin, para lamang isang butil ng buhangin na hindi halos makatikwas ng timbangan ang buong daigdig;
para lamang isang patak ng hamog sa umaga sa pisngi ng lupa.
23 Labis-labis ang iyong kapangyarihan para gawin ang anuman, ngunit mahabagin ka sa bawat kinapal.
Pinatawad mo ang aming mga kasalanan, at binibigyan mo kami ng panahong makapagsisi.
24 Mahal mo ang lahat ng bagay,
at wala kang hinahamak sa iyong mga nilalang.
Kung hindi gayon, bakit mo pa sila nilikha?
25 Walang anumang bagay na mananatili kung hindi mo kalooban,
at walang makapagpapatuloy kung hindi mo nilalang.
26 Ipinahintulot mong manatili ang bawat nilikha
sapagkat bawat isa ay sa iyo.
Ang lahat ng nabubuhay ay mahal mo, Panginoon.
1 Ang espiritu mong walang kamatayan ay nasa lahat ng bagay,
2 kaya unti-unti mong itinutuwid ang mga nagkakasala.
Pinapaalalahanan mo at binabalaan sila sa kanilang mga ginawa,
upang iwanan na nila ang kanilang masamang pamumuhay at sa iyo sila manalig, Panginoon.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita
Salmo: Awit 145:1-14
1 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
2 aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
3 Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.
4 Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
5 Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
6 Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
7 Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
8 Si Yahweh'y mapagmahal at puno ng habag,
hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
9 Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan, hindi magbabago.
Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita
Ikalawang Pagbasa: Tesalonica 1:11-2:2
11 Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
1 Mga kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap kami sa inyo 2 na huwag agad magugulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin.
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa
Mabuting Balita: Lucas 19:1-10
1 Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. 2 May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. 3 Sinisikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya'y pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. 5 Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, "Zaqueo, bumaba ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay."
6 Nagmamadaling bumaba si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. 7 Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. "Nakikituloy siya sa isang makasalanan," sabi nila.
8 Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses."
9 At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. 10 Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw."
Tumalon sa: Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita