Unang Linggo ng Adbiyento - 01 Disyembre 2013



Tumalon sa:     Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Unang Pagbasa: Isaias 2:1-5

1 Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:

2 Sa mga darating na araw,
ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh
ang magiging pinakamataas sa lahat ng bundok,
at mamumukod sa lahat ng burol,
daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.


3 Maraming tao ang darating at sasabihin ang ganito:
"Umakyat tayo sa bundok ni Yahweh,
sa Templo ng Diyos ni Jacob,
upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan;
at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Zion magmumula ang kautusan,
at sa Jerusalem, ang salita ni Yahweh."


4 Siya ang mamamagitan sa mga bansa
at magpapairal ng katarungan sa lahat ng mga tao;
kaya't gagawin na nilang araro ang kanilang mga tabak,
at karit naman ang kanilang mga sibat. Mga bansa'y di na mag-aaway
at sa pakikidigma'y di na magsasanay.


5 Halina kayo, sambahayan ni Jacob,
lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh. 


Tumalon sa:      Unang Pagbasa Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita

Salmo: Awit 122:1-9
 

1 Ako ay nagalak nang sabihin nila:
"Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh."


2 Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem.


3 Itong Jerusalem ay napakaganda,
matatag at maayos na lunsod siya.


4 Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan,
pagkat ito'y utos na dapat gampanan.


5 Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.


6 Ang kapayapaan nitong Jerusalem,
sikaping kay Yahweh ito'y idalangin:
"Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain.


7 Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay."


8 Alang-alang sa kasama at pamilya ko,
sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito:
"Ang kapayapaa'y laging sumaiyo."


9 Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos,
ang aking dalangi'y umunlad kang lubos.


Tumalon sa:       Unang Pagbasa Salmo Mabuting Balita

Ikalawang Pagbasa: Roma 13:11-14
 

11 Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. 12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. 13 Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan. 14 Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman.

Tumalon sa:      Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa

Mabuting Balita: Mateo 24:37-44

37 Ang pagdating ng Anak ng Tao ay tulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. 38 Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa barko. 39 Hindi nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao.  

40 Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 41 May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. 42 Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. 43 Tandaan ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. 44 Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman." 

Tumalon sa:      Unang Pagbasa Salmo Ikalawang Pagbasa Mabuting Balita


Mga kasulyap-sulyap ngayon: