16 Pebrero 2014
Ikaanim na Linggo Sa Karaniwang Panahon
I-click dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. ( Unang Pagbasa: Sirac 15:15-20; Salmo: Awit Awit 119:1-2.4-5.17-18.33-34; Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 2:6-10; Mabuting Balita: Mateo 5:17-37)
I-click dito para sa Gospel Reflection.
I-click dito para sa Gospel Reflection.
"Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit." (Mateo 5:20)
_________________________________________
Mabuting Balita: Marcos 8:11-13
11 May dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit. 12 Napabuntong-hininga si Jesus at sinabi sa kanila, "Bakit naghahanap kayo ng himala? Pakatandaan ninyo: kailanma'y hindi makakakita ng anumang tanda ang salinlahing ito." 13 At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo.
Mabuting Balita: Marcos 8:14-21
14 Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa na lamang ang natira sa tinapay na dala nila sa bangka. 15 Sinabi ni Jesus sa kanila, "Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes." 16 Sabi nila sa isa't isa, "Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon."
17 Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? 18 Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo 19 nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?"
"Labindalawa po," tugon nila.
20 "At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?" tanong niya.
"Pito po," muli nilang sagot.
21 "At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?" tanong niya.
Mabuting Balita: Marcos 8:22-26
22 Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. 23 Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, "May nakikita ka ba?"
24 Tumingin ang lalaki at sumagot, "Nakakakita po ako ng mga tao na parang punongkahoy na naglalakad."
25 Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. 26 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan."
Mabuting Balita: Marcos 8:27-33
27 Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?"
28 Sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta."
29 "Ngunit para sa inyo, ano ang masasabi ninyo tungkol sa akin?" tanong niya. Sumagot si Pedro, "Kayo po ang Cristo."
30 "Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako," mahigpit na utos niya sa kanila.
31 Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, "Ang Anak ng Tao ay dapat magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw." 32 Hayagang sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan. 33 Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, "Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao."
Mabuting Balita: Marcos 8:34-9:1
34 Pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, "Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. 35 Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. 36 Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? 37 Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? 38 Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel."
1 Sinabi pa ni Jesus sa kanila, "Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang makapangyarihang naghahari ang Diyos."
Mabuting Balita: Mateo 16:13-19
13 Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?" 14 At sumagot sila, "Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta." 15 Tinanong ulit sila ni Jesus, "Ngunit para sa inyo, sino ako?" 16 Sumagot si Simon Pedro, "Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." 17 Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. 18 At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. 19 Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit."