Ikaanim Na Linggo Sa Karaniwang Panahon - 16 Pebrero 2014



Unang Pagbasa: Sirac 15:15-20


15 Kung gusto mo, masusunod mo ang utos ng Panginoon,
ikaw ang magpapasya kung magiging tapat ka sa kanya o hindi.

16 Naglagay siya sa harapan mo ng tubig at ng apoy,
kunin mo ang iyong magustuhan.

17 Makakapili ka ng alinman sa dalawa: buhay o kamatayan,
ang iyong mapili ang siya mong patutunguhan.

18 Dakila ang Karunungan at kapangyarihan ng Panginoon;
nakikita niya ang lahat ng bagay.

19 Nalalaman niya ang lahat ng ginagawa ng bawat tao,
at kinakalinga niya ang mga may takot sa kanya.

20 Kailanma'y wala siyang inutusang magpakasama,
o pinahintulutang magkasala.

Salmo: Awit 119:1-2.4-5.17-18.33-34


1 Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw.

2 Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran,
buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban;

4 Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos,
upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod.

5 Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat,
susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.

17 Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain,
upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.

18 Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral.

33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.

34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 2:6-10


6 Sa mga matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. 7 Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. 8 Walang isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit tulad ng nasusulat,

"Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga,
ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao
ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya."

10 Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasalikisik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na layunin ng Diyos.

Mabuting Balita: Mateo 5:17-37


17 "Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. 18 Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. 19 Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. 20 Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit."

21 "Narinig ninyo na iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, 'Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.' 22 Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, 'Ulol ka!' ay nanganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. 23 Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, 24 iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos.

25 "Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. 26 Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang piso na dapat mong bayaran."

27 "Narinig ninyong sinabi, 'Huwag kang mangangalunya.' 28 Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may mahalay na pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. 29 Kung ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. 30 Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno."

31 "Sinabi rin naman, 'Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.' 32 Ngunit sinasabi ko sa inyo, kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, maliban kung ito ay nangangalunya, itinutulak niya ang kanyang asawa sa kasalanang pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya."

33 "Narinig din ninyong iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, 'Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.' 34 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, 'Saksi ko ang langit,' sapagkat ito'y trono ng Diyos; 35 o kaya'y, 'Saksi ko ang lupa,' sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, 'Saksi ko ang Jerusalem,' sapagkat ito'y lunsod ng dakilang Hari. 36 Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. 37 Sabihin mo na lang na 'Oo' kung oo at 'Hindi' kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama."

Mga kasulyap-sulyap ngayon: