Ikapitong Linggo Sa Karaniwang Panahon - 23 Pebrero 2014



Unang Pagbasa: Levitico 19:1-2. 17-18

1 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 "Sabihin mo sa buong sambayanan ng Israel, 'Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal.

17 "Huwag kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. 18 Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh.

Salmo: Awit 103:1-2. 3-4. 8-10. 12-13

1 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa!
At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya,
purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya.

2 Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa,
at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa.

3 Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad,
at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat.

4 Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas,
at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag.

8 Si Yahweh ay mahabagi't mapagmahal,
hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig.

9 Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim;
yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim.

10 Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa,
hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala.

12 Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran,
gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan.

13 Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya,
gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 3:16-23

16 Hindi ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.

18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, "Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan." 20 Gayundin, "Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan." 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Para sa inyo ang lahat ng ito, 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.

Mabuting Balita: Mateo 5:38-48

38 "Narinig ninyong sinabi, 'Mata sa mata at ngipin sa ngipin.' 39 Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. 40 Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit panloob, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong damit na pangbalabal. 41 Kung pilitin ka ng manlulupig na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya. 42 Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo."

43 "Narinig ninyong sinabi, 'Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.' 44 Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, 45 upang kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid.

46 "Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? 47 At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? 48 Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit."

Mga kasulyap-sulyap ngayon: