Ikalimang Linggo Sa Karaniwang Panahon - 09 Pebrero 2014


7 Ang mga nagugutom ay inyong pakainin,
ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin.
Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit.
At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait.

8 Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo,
at matutulad kayo sa bukang-liwayway,
hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan.
Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa,
at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh.

9 Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin;
kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, 'Naririto ako.'
"Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi,
maling pagbibintang at pagsisinungaling;

10 kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin,
at tutulungan ang mahihirap,
sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman,
at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat.

Salmo: Awit 112: 4-9

4 Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.

5 Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat.

6 Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.

7 Masamang balita'y hindi nagigitla,
matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala.

8 Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.

9 Nagbibigay sa mga nangangailangan,
pagiging mat'wid niya'y walang hanggan,
buong karangalang siya'y itataas.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 2:1-5

1 Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. 2 Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong walang sinumang kilalanin maliban kay Jesu-Cristo na ipinako sa krus. 3 Noong ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. 4 Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu. 5 upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao.

Mabuting Balita: Mateo 5:13-16

13 "Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao?

14 "Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. 15 Wala din namang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng malaking takalan. b Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. 16 Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit."


Mga kasulyap-sulyap ngayon: