Share Jesus

Ikalimang Linggo Sa Karaniwang Panahon
09 Pebrero 2014


Umaga bago ko mabasa ang Ebanghelyo natin para sa linggong ito, nabasa ko ang e-mail ng Nuffnang (isang ad network ng blog na ito) tungkol sa isang blogger contest ng Globe na may hashtag na #GLOBEProjectWonderful2014. Kung titingnan, simple lang ang rules ng nasabing contest. Kailangan lang sagutin sa pamamagitan ng pagsulat ng isang blogpost ang tanong na: "If there is one thing you can give to the Philippines, what is that gift?"

Habang pinagninilayan ko ang Ebanghelyo natin ngayong linggo tungkol sa ating pagiging asin at liwanag ng mundo, hindi mawala sa isip ko ang nasabing contest. Hindi naman sa dahil balak ko talagang sumali o dahil sa gusto kong mapanalunan ang premyo. (Wehh! Hindi nga! As if ayoko ng i-Pad Air?) 

Sa totoo lang, para kasing sinagot ng Ebanghelyo natin ang tanong ng contest.

Kung mayroon man akong gustong maibigay sa Pilipinas o sa mga Pilipino ngayon,'yun ay ang aking pagiging liwanag at asin ng mundo. I will share Jesus. He is the true light and meaning of my life. Wala akong makitang dahilan kung bakit hindi ko gustuhing maging gayon din sa kapwa ko Pilipino-- Katoliko man o hindi. 

(At hindi boundaries dito ang relihiyon. Kung iba man ang paniniwala mo, ibahagi mo ang iyong Diyos. Ibahagi mo ang iyong pananampalataya.)

Sa aking pagbabahagi kay Kristo sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita, nagkakaloob ako ng bagong pag-asa sa mga taong wala nang makapitan. Alam kong hindi lahat ng tao ay maniniwala sa akin. We can't please everybody. Lalo na at alam kong mahirap magbahagi ng Kanyang Salita sa mga taong kumakalam ang sikmura. Pero at least, sinubukan ko.

Iisa man ang taong magbasa ng mga post na katulad nito. At least, may isang kaluluwa akong napagpahayagan. Malay natin, maantig ko ang puso ng iisang iyon. Baka mailapit ko siya kay Hesus.

Natutuwa ako kapag nagpo-post ako sa Facebook ng Daily Gospels o ng mga blog post dito sa Sa Isa Pang Sulyap. Lalo na kapag may mga nakaka-appreciate ng mga post ko. Tanda iyon na naa-appreciate nila si Hesus.

Lakas nating mga Pilipino ang ating pananampalataya. Kung magagawa lang sana nating makatulong na maibalik ang pananampalatayang iyon o mapalalim pa ito-- lalo na sa mga kababayan nating nawasak ang mga pangarap dahil sa mga nagdaang mga kalamidad at kaguluhan-- uusbong ang bagong pag-asa sa ating mga buhay.

Sa patuloy nating paghahanap ng kabuluhan, kahulugan at direksyon, hayaan nating maging lakas natin ang nasumpungang bagong pag-asa. Pag-asang kaloob ni Hesus.

Maging asin at liwanag sana tayo ng mundo kahit sa ating mumunting mga paraan. Ikaw, paano ka nagiging liwanag at asin ng mundo? Kung may maibibigay ka sa mga Pilipino ngayon, ano ito?

Panalangin:

O aming Ama, papuri at pagsamba para sa Iyo.

Turuan Mo po kaming maging asin at liwanag ng mundo. Kahit na po sa aming mumunting mga nakakayanan, tulungan Mo po kaming maghatid ng bagong ngiti at pag-asa sa aming kapwa. Magawa po sana naming patuloy na maibahagi si Kristo kahit na po sa mga panahon ng pagsubok.

Panginoon, gabayan po sana kami ng Espiritu Santo upang magawa naming magmahalan kung paanong inibig kami ni Hesus.

Ang lahat ng ito sa Pangalan ni Hesu-Kristong aming Panginoon. Amen.



(Mag-comment lamang sa post na ito at may pagkakataon ka nang magwagi ng isang iPad Mini 2. Sagutin lang ang tanong na: "If there is one thing you can give to the Philippines, what is that gift?" God bless us all!)

Mga kasulyap-sulyap ngayon: