Ikawalong Linggo Sa Karaniwang Panahon - 02 Marso 2014





Unang Pagbasa: Isaias 49:14-15 

14 Ngunit ang sabi ng mga taga-Jerusalem,

"Pinabayaan na tayo ni Yahweh. Nakalimutan na niya tayo."

15 Ang sagot ni Yahweh,
"Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak,
hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali.

Salmo: Awit 62:2-3. 6-7. 8-9

1 Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa;

ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya.

2 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!

3 Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin? Tulad ng isang pader siya'y ibagsak gaya ng bakod siya'y mawawasak.

6 Tanging siya lamang ang tagapagligtas,
tagapagtanggol ko at aking kalasag;
akin ang tagumpay sa lahat ng oras!

7 Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos,
nasa kanya lamang.
Siya'y malakas kong tagapagsanggalang,
matibay na muog na aking kanlungan.

8 Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos;
sa kanya ilagak
ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas;
siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah)

9 Ang taong nilalang ay katulad lamang
ng ating hiningang madaling mapatid.
Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan,
katumbas na bigat ay hininga lamang.

Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 4:1-5

1 Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. 2 Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. 3 Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. 4 Kahit na walang umuusig sa aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. 5 Kaya't huwag kayong hahatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal.

Mabuting Balita: Mateo 6:24-34

24 "Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan.


25 "Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?

28 "At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. 29 Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon na napakayaman ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. 30 Kung dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na buhay ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya!

31 "Kaya't huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32 Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. 33 Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.

34 "Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw."

Mga kasulyap-sulyap ngayon: