Miyerkules ng Abo - 05 Marso 2014



Unang Pagbasa: Joel 2:12-18

12 "Gayunman," sabi ni Yahweh,
"mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin;
mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati.

13 Magsisi kayo nang taos sa puso,
at hindi pakitang-tao lamang."
Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos!
Siya'y mahabagin at mapagmahal,
hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig;
laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi.

14 Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos
at bigyan kayo ng masaganang ani.
Kung magkagayon,
mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak.

15 Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion!
Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat!

16 Tawagin ninyo ang mga tao
para sa isang banal na pagtitipon.
Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata,
pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.

17 Mga pari, tumayo kayo
sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo,
manangis kayo't manalangin nang ganito:
"Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh!
Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa
at tanungin, 'Nasaan ang inyong Diyos?'"

18 Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain,
at naawa siya sa kanyang bayan.

Salmo: Awit 51:3-6. 12-14. 17

3 Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang- loob;
mga kasalanan ko'y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!

4 Linisin mo sana ang aking karumhan,
at patawarin mo'ng aking kasalanan!

5 Mga pagkakasala ko'y kinikilala,
di ko malilimutan, laging alaala.

6 Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan;
kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan,
marapat na ako'y iyong parusahan.

12 Isang pusong tapat sa aki'y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.

13 Sa iyong harapa'y huwag akong alisin;
iyong banal na Espiritu'y paghariin.

14 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas,
ibalik at ako po'y gawin mong tapat.

17 Tulungan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 5:20-6:2

20 Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos. 21 Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos.

1 Yamang kami'y mga katulong sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang kagandahang-loob na ibinibigay sa inyo ng Diyos. 2 Sapagkat sinasabi niya,

"Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita,
sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita."

Ngayon na ang panahong nararapat! Ito na ang araw ng pagliligtas!

Mabuting Balita: Mateo 6:1-6. 16-18

1 "Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit.

2 "Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari. Naglilimos sila sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y mapuri ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 3 Sa halip, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito sa pinakamatalik mong kaibigan. 4 Gawin mong lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo."

5 "Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 6 Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala.

16 "Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag- aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. 17 Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok 18 upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo."

Mga kasulyap-sulyap ngayon: