Seek Ye First The Kingdom

Gospel Reflection

Ikawalong Linggo sa Karaniwang Panahon
26 Pebrero 2017
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 02 Marso 2014.)


Malinaw ang isinisigaw ng Ebanghelyo natin sa linggong ito:

"...Higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan." (Mateo 6:33)

Marami sa atin ang magtataas ng kilay. Mapapaismid. Madaling sabihin iyon kapag nakakaluwag ka sa buhay. Kaharap natin ang isang katotohanang halos isampal na sa atin ng mundo; hindi makapaglalagay ng pagkain sa lamesa ang Salita ng Diyos. Hindi ito makapagbibigay ng damit na maisusuot. Hindi maipambibili ng gamot para sa ating mga karamdaman.

Pero bakit nga ba kailangan nating unahin ang paghahanap sa kaharian ng Diyos? 

Ang katulad natin ay mga taong nasa isang madilim na lugar. Nasa nasabing lugar ang lahat ng ating mga pangangailangan. Kailangan lang hanapin natin ang mga ito sa pamamagitan ng pagkapa sa walang kasiguruhan. 

Marami sa atin ang piniling hanapin ang pagkain. Ang iba'y naghanap ng mga damit at iba pang mga materyal na bagay. Naghanap ng kaginhawahan ng ating mga katawang-lupa. Ang iba'y nagpakasarap. Naglango sa kayamanan, katanyagan at kapangyarihan. Subalit nanatili sa kadiliman. Sa walang katiyakan.

Nakakatawang isipin pero bakit nga ba naisip nating unang hanapin ang mga kailangan ng ating katawan? Naging masyadong malakas ang tawag sa atin ng kalam ng ating mga sikmura? 

May nalimutan tayo. Nalimutan natin ang higit na mahalaga. Dapat ang una nating hinanap ay ang liwanag. Flashlight. Kandila. Sulo.

Kung magkakaroon tayo ng liwanag, kahit na katiting lang, mawawala ang kadilimang bumubulag sa ating mga mata. Magiging mas madali para sa atin ang maghanap ng iba pa nating mga pangangailangan.

Si Hesus ang liwanag ng ating mga buhay. Siya ang naghahatid sa atin ng Kaharian ng Diyos. Ng kaginhawahang makakamit lamang sa pag-ibig Niya. Ng kapayaan. Ng kaligayahan. Ng direksyon. Ng kahulugan. Ng kabuluhan.

Hindi gano'n kadaling lumakad sa makipot na daan ng mga matuwid. Hindi madaling kamtin ang kaharian Niya sa ating mga buhay. Walang nagsabing madali ang lahat. Magsumikap tayong buhatin ang ating mga krus habang sumusunod sa mga yapak Niya.

Bakit tayo maghahanap ng ating mga pangangailangan sa kadiliman samantalang kung pagsusumikapan nating masumpungan ang liwanag ni Hesus ay makikita natin ang lahat? 

Panalangin:

O Diyos Amang makapangyarihan sa lahat, ang aming pagsamba, paggiliw at pagpupuri ay sa Iyo.

Turuan Mo po kaming sundin ang Iyong kalooban. Sumaamin po sana ang Iyong kahariang liwanag ng aming buhay,

Batid Mo po ang aming mga pangangailangan, punuan Mo po ang mga kakulangan ng aming mga pagsisikap. Batid po naming hindi Mo po kami pababayaan. Ipinagkakatiwala po namin sa Iyo ang lahat..

Itinataas po namin sa Iyo ang buo naming buhay at ng aming mga mahal sa buhay sa Pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: