Breaking Barriers


Ikatlong Linggo Ng Kuwaresma
12 Marso 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 23 Marso 2014.)



Ilang buwan pa lang ang blog na ito nang mag-comment ang isang malapit na Facebook friend sa isang Gospel Reflection na ipinost ko. Sabi ng comment niya:  "mahirap unawain minsan ang ibig ng Diyos. sa paligid natin kita ko sa tao ang kahirapan.......pano maiibahagi sa kanila ang pagibig Niya.........."

Totoo ang sinabi niya sa comment. Talagang napakahirap magpahayag ng Mabuting Balita. Lalo na at sarado ang puso at isip ng pinagpapahayagan. Maraming mga factor na nagiging dahilan ng pagtanggi ng isang tao sa ating mga paanyayang bumaling kay Kristo.

Nang ipahayag ni Hesus sa Samaritana ang Mabuting Balita ng Kaligtasan, giniba Niya ang maraming balakid sa pagitan nila. Balakid ng magkaibang lahi. Ng kasaysayan. Ng magkaibang paniniwala.

Para Siyang tubig na nagpatuloy sa pagdaloy kahit pa harangan ng maraming pader. Hahanap at hahanap ng butas na mapapasukan. Ng madadaluyan.

Hinahamon tayo ng halimbawa ng ating Panginoon na magpatuloy sa pagpapahayag ng mabuting balita kahit pa mahirap. Kahit pa maraming mga balakid.

Natighaw ni Hesus ang ating pagkauhaw sa pagmamahal. Tayo'y naging bagong tao dahil sa Kanyang pag-aalay ng buhay sa krus. Ang ating pananalig na nagdudulot ng nag-uumapaw na kaligayahan sa ating puso ay patuloy nating ibahagi sa ating kapwang hindi pa nakakakilala o tumatanggap sa Kanya.

"...ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan." (Juan 4:14)

Si Hesus ang Tubig ng Buhay. Hindi natin kakamtin ang buhay na ganap at kasiya-siya kung hindi natin Siya tatanggapin sa ating buhay. Walang kabuluhan ang lahat kung wala Siya. Nililinis Niya ang lahat ng ating karumihang nagiging dahilan upang hindi tayo maging karapat-dapat sa Diyos.

Hayaan nating mag-umapaw sa atin ang Kanyang pag-ibig. Maging mabuting halimbawa tayo sa ating kapwa. Hayaan nating makita ng iba sa ating pang-araw-araw na buhay ang kaluwalhatian ng Diyos.

Sabi nga, go beyond the boundaries and limitations! Break barriers! Kahit pa mahirap. Kahit pa maraming hadlang.

Panalangin:

O aming Ama, Ikaw na hindi nagpapabaya sa aming Iyong ampong mga anak, purihin at sambahin ka ng aming mga labi. Ibigin kang lagi ng aming mga puso. Maging lagi ka sanang laman ng aming isip. Maging salamin ka sana ng aming pang-araw-araw na buhay.

Ang lahat ng ito ay sa Iyo. Muli naming ibinabalik ang lahat sa Iyo.

Aming Ama, inihayag Mo sa amin ang misteryo ng Iyong mapagligtas na pag-ibig sa pamamagitan ng Iyong Anak na hindi nag-atubiling mag-alay ng buhay Niya sa krus, hayaan Mo pong tanggapin Ka namin at ipahayag sa iba katulad ng Samaritanang nakakilala kay Hesus.

Turuan Mo po kaming makilala ang iyong mga gawa upang patuloy naming maipahayag sa aming kapwa-- lalo't higit sa mga taong naghahanap ng kapayapaan at pagmamahal. Panginoon, tulungan Mo po kaming gibain ang mga pader at patuloy na gumawa ng mga tulay.

Sa Pangalan ni Hesus, ang bukal ng buhay na walang hanggan, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: