Ikatlong Linggo ng Kuwaresma - 12 Marso 2023



“Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” (Juan 4:13-14)


Unang Pagbasa: Exodo 17:3-7

Noong mga araw na iyon, talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, “Inialis mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga hayop?” Kaya, taimtim na nanalangin si Moises sa Panginoon, “Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Ibig na nila akong batuhin!”

Sumagot ang Panginoon, “Magsama ka ng ilang pinuno ng sambahayan ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa ilog at lumakad na kayo. Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Horeb. Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao.” Gayon nga ang ginawa ni Moises; at ito ay nasaksihan ng mga kasama niyang lider ng Israel.

Ang lugar na yaon ay pinangalanan nilang “Masa” at “Meriba” dahil sa doo’y nagtalu-talo ang mga Israelita at sinubok nila ang Panginoon. Ang pinagtalunan nila ay kung pinapatnubayan sila ng Panginoon o hindi.

Salmo: Awit 94

Tugon: Panginoo’y inyong dinggin;
            huwag n’yo s’yang salungatin!

Tayo ay lumapit sa ’ting Panginoon, siya ay awitan,
ating papurihan ang batong kublihan nati’t kalakasan.
Tayo ay lumapit, sa kanyang harapan na may pasalamat,
siya ay purihin, ng mga awiting may tuwa at galak.

Tayo ay lumapit, sa kanya’y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap nitong Panginoong sa ati’y lumalang.
Siya ang ating Diyos, tayo ay kalinga niyang
mga hirang, mga tupa tayong inaalagaan.

Ang kanyang salita ay ating pakinggan:
“Iyang inyong puso’y huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang nang nasa Meriba, sa ilang ng Masa.
Ako ay tinukso’t doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama’t nakita ang aking ginawang sila’ng nakinabang.”

Ikalawang Pagbasa: Roma 5:1-2. 5-8

Mga kapatid: Yamang napawalang-sala na tayo dahil sa pananalig sa ating Panginoong Hesukristo, sa pamamagitan niya’y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos. Sa pamamagitan nga niya’y tinatamasa natin ang kagandahangloob ng Diyos, at lubos tayong nagagalak sa ating pag-asa na makakasama sa kanyang kaluwalhatian. Hindi tayo nabibigo sa ating pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin.

Sapagkat noong tayo’y mahihina pa, namatay si Kristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid – bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Kristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa.

Mabuting Balita: Juan 4:5-15.19-26.39.40-42

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa isang bayan sa Samaria, na tinatawag na Sicar, malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Umupo si Hesus sa tabi nito, sapagkat siya’y napagod sa paglalakbay. Halos katanghaliang-tapat na noon. May isang Samaritanang dumating upang umigib. Sinabi ni Hesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad sapagkat bumili ng pagkain sa bayan.

Sinabi sa kanya ng Samaritana, “Kayo’y Judio at Samaritana ako! Bakit kayo humihingi sa akin ng inumin?” Sapagkat hindi nakikitungo ang mga Judio sa mga Samaritano.

Sumagot si Hesus, “Kung alam lamang ninyo kung ano ang ipinagkakaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa inyo ng inumin, marahil ay kayo ang hihingi sa kanya, at kayo nama’y bibigyan niya ng tubig na nagbibigay-buhay.” “Ginoo,” wika ng babae, “malalim ang balong ito at wala man lamang kayong panalok. Saan kayo kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Higit pa ba kayo kaysa aming ninunong si Jacob, na nagbigay sa amin ng balong ito? Uminom siya rito, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop.” Sumagot si Hesus, “Ang uminom ng tubig na ito’y muling mauuhaw, ngunit ang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na muling mauuhaw. Ito’y magiging isang bukal sa loob niya, babalong, at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” Sinabi ng babae, “Ginoo, kung gayon po’y bigyan ninyo ako ng tubig na sinasabi ninyo, nang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok.

Ginoo, sa wari ko’y propeta kayo. Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga magulang, ngunit sinasabi ninyong mga Judio, na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.” Tinugon siya ni Hesus, “Maniwala ka sa akin, Ginang, dumarating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama, hindi lamang sa bundok na ito o sa Jerusalem.

Hindi ninyo nakikilala ang inyong sinasamba, ngunit nakikilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay galing sa mga Judio. Ngunit dumarating na ang panahon – ngayon na nga – na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ito ang hinahanap ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.”

Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong paririto ang Mesiyas, ang tinatawag na Kristo. Pagparito niya, siya ang magpapahayag sa atin ng lahat ng bagay.” “Akong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy mo,” sabi ni Hesus.

Maraming Samaritano sa bayang yaon ang sumampalataya kay Hesus. Kaya’t paglapit ng mga Samaritano kay Hesus, hiniling nila na tumigil muna siya roon; at nanatili siya roon nang dalawang araw. At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. Sinabi nila sa babae, “Nananampalataya kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin sa kanya. Nakilala naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: