Ikaapat Na Linggo Ng Kuwaresma - 30 Marso 2014



Unang Pagbasa: 1 Samuel 16:1. 6-7. 10-13

1 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, "Hanggang kailan ka malulungkot para kay Saul? Itinakwil ko na siya bilang hari ng Israel. Ngayo'y magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat pinili ko upang maging hari ang isa sa kanyang mga anak."

6 Nang makarating na sila, nakita ni Samuel si Eliab. Pinagmasdan niya ito at sinabi sa sarili, "Ito na nga ang pinili ni Yahweh para maging hari."

7 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, "Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh."

10 Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit wala sa kanila ang pinili ni Yahweh. 11 Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, "Mayroon ka pa bang anak na wala rito?"

"Mayroon pang isa; ang bunso na nagpapastol ng mga tupa," sagot ni Jesse.

Sinabi ni Samuel, "Ipasundo mo siya. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating."

12 At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata.

At sinabi ni Yahweh kay Samuel, "Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis." 13 Kinuha ni Samuel ang sungay na sisidlan ng langis, at binuhusan niya si David ng langis sa harapan ng kanyang mga kapatid. At nilukuban si David ng Espiritu ni Yahweh. Mula noon, sumakanya na ang Espiritu ni Yahweh. Pagkatapos, si Samuel ay bumalik naman sa Rama.

Salmo: Awit 23:1-6

1 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;

2 pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.

3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.

4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.

6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang,
siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

Ikalawang Pagbasa: Efeso 5:8-14

8 Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. 9 Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag. 10 Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. 11 Huwag na kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. 12 Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. 13 Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, 14 at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi,

"Gumising ka, ikaw na natutulog,
bumangon ka mula sa libingan,
at liliwanagan ka ni Cristo."

Mabuting Balita: Juan 9:1. 6-9. 13-17. 34-38

1 Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking ipinanganak na bulag.

6 Dumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik. Pagkatapos, ipinahid niya ito sa mata ng bulag. 7 Sinabi ni Jesus sa bulag, Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe at maghilamos ka roon. Ang kahulugan ng salitang Siloe ay Sinugo. Ganoon nga ang ginawa ng bulag, at nang magbalik siya ay nakakakita na.

8 Nagsalita ang mga kapitbahay niya at ang mga nakakita sa kanya noong siya'y namamalimos pa, Hindi ba iyan ang pulubing bulag?

9 Sumagot ang ilan, Iyan nga! Sabi naman ng iba, Hindi! Kamukha lang. Kaya't nagsalita ang dating bulag, Ako nga po iyon.

13 Dinala ng mga tao sa mga Pariseo ang dating bulag, 14 dahil Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at nang pinagaling niya ang bulag. 15 Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Kaya't sinabi niya sa kanila, Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, ako'y pinaghilamos at ngayo'y nakakakita na ako.

16 Ang sabi ng ilang Pariseo, Hindi maaaring mula sa Diyos ang taong iyon, sapagkat hindi niya ipinapangilin ang Araw ng Pamamahinga. Ngunit sinabi naman ng iba, Paanong makakagawa ng ganitong mga himala ang isang makasalanan? At hindi sila magkaisa.

17 Kaya't tinanong nilang muli ang dating bulag, At ikaw, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling niya ang iyong mga mata?

Isa siyang propeta! sagot niya.

34 Sumagot sila, Ipinanganak kang makasalanan at ngayo'y nais mo pa kaming turuan! At siya'y kanilang itiniwalag.

35 Nabalitaan ni Jesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya't nang matagpuan niya ito ay kanyang tinanong, Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?

36 Sumagot ang lalaki, Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin upang ako'y manalig sa kanya.

37 Siya'y nakita mo na. Siya ang kausap mo ngayon, wika ni Jesus.

38 Sumasampalataya po ako, Panginoon! sabi ng lalaki. At sinamba niya si Jesus. 39 Sinabi pa ni Jesus, Naparito ako sa mundong ito upang humatol, at nang sa gayo'y makakita ang mga bulag at mabulag naman ang mga nakakakita.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: