In The Light Of Jesus


Ikaapat Na Linggo Ng Kuwaresma
19 Marso 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. 


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 30 Marso 2014.)


Una kong narinig ang terminong "free will" sa kaibigan kong nag-aaral noon ng Philosophy sa isang unibersidad sa Maynila. Siya 'yung kaibigan kong madalas kong nakakausap noon ng kung ilang oras tungkol sa mga bagay-bagay sa Pilosopiya.

Ang free will-- o ang kakayahang magdesisyon para sa sarili-- ang isa sa pinakamagandang handog sa atin ng Diyos. Masasabi ring isa ito sa pinakamapanganib kung gagamitin sa maling paraan.

Sa Ebanghelyo natin ngayong linggo, makikita natin ang iba't-ibang reaksyon ng mga tao sa himalang ginawa ni Hesus sa isang lalaking nakakita matapos maging bulag sa buo niyang buhay. Kitang-kita natin kung paanong ginamit ng mga taong nakapaligid sa pinaghimalaang bulag ang kanilang free will. Ang ilan sa kanila ay naniwala sa himala samantalang ang iba naman ay hindi. Kahit na ang mga Pariseo ay nahati sa kanilang palagay ukol sa nangyari sa bulag.

Ang bawat tao ay may kakayahang magdesisyon para sa kanyang sarili. Nasa ating pagpili na kung maniniwala tayo at susunod sa mga aral ni Hesus. Hindi ipinipilit ng Diyos sa atin ang Kanyang sarili. Araw-araw Niyang ipinapakita at ipinadarama sa atin ang Kanyang pag-ibig. Nasa atin na kung pag-ibig din ang igaganti natin sa Kanya o tatalikod tayo sa Kanyang mga pagtawag.

Sa Kuwaresmang ito, maging tulad sana tayo sa lalaking bulag na nakakita sa pamamagitan ng Liwanag ni Kristo. Siya ang ating lakas at tagapagsagip sa gitna ng kadiliman. Gabayan sana tayo ng Banal Na Espiritu upang makita at masunod natin ang kalooban ng Diyos sa ating buhay.

Mapanganib ang maling paggamit ng free will. Ginamit ito ng mga pariseo upang lumakad patungo sa kanilang kapahamakan. Ito rin ang ginamit nila upang pagplanuhang ipapatay si Hesus. 

Gamitin natin ang ating free will upang lumakad sa liwanag ng Kristo. Kasama ang ating matibay na desisyon, pasanin natin ang pang-araw-araw nating krus sa pagsunod kay Hesus na naparito upang bigyang-liwanag ang mga bulag at makasalanang tulad natin.

Liwanag o kadiliman? Nasa mga kamay natin ang pagpili. Ikaw at ako ay may free will.

Panalangin:

O mahal naming Diyos, o aming Amang palagiang nagmamahal at kumakalinga sa amin, sa kabila ng aming karumihan at pagiging hindi karapat-dapat, hayaan po Ninyong sa gabay ng Iyong Salitang siyang Liwanag ng mundo, purihin Kang lagi ng aming kaluluwa, buong kalakasan, buong-puso at buong-pag-iisip. Ang lahat ng ito ay nagmula sa Iyo, ang lahat ng kaluwalhatian ay ibinabalik namin sa Iyo.

Sa paggabay ng Espiritu Santo, matutunan sana po naming makakita ng tunay na Liwanag sa aming pang-araw-araw na buhay. Tulungan Mo po kaming tanggapin ang Kanyang pag-ibig at pagliligtas. Angkinin po sana namin ang Kanyang pag-ibig na ipinakita niya sa pamamagitan ng Kanyang pagkamatay sa krus para sa amin.

Dumating Siya sa mundo subalit hindi Siya kinilala ng mundo. Turuan Mo po kaming tumalikod sa kasalanan at tahakin ang hindi madaling landas patungo sa liwanag ng kaligtasan. Salamat po sa Iyong pagpapatawad na ipinagkakaloob Mo sa mga tulad naming nagsisisi.

Aming Ama, salamat po sa kalayaang ipinagkaloob Mo. Gamitin po sana namin ito sa aming pagtulong at pag-ibig sa aming kapwang higit na aba kaysa sa amin.

Ang lahat ng ito sa Liwanag ni Hesus na kasama Mong lagi at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: