Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma - 19 Marso 2023



“Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. (Juan 9:37)


Unang Pagbasa: 1 Samuel 16:1.6-7.10-13

Noong mga araw na iyon: Sinabi ng Panginoon kay Samuel: “Magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Betlehem sapagkat pinili ko nang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.” 

Nang magkaharap-harap na sila, nakita ni Samuel si Eliab, pinagmasdan niya itong mabuti at sinabi sa sarili, “Ito siguro ang hinirang ng Panginoon para maging hari.” 

Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.” 

Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit walang pinili sa kanila ang Panginoon. Kaya’t tinanong ni Samuel si Jesse, “Wala ka na bang anak kundi iyan?” 

“Mayroon pang isa; ‘yong pinakabata, at pastol ng aking mga tupa,” sagot ni Jesse. 

Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga’t hindi siya dumarating.” At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya’y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata. 

At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis.” Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ng Panginoon.

Salmo: Awit 22 

Tugon: Pastol ko’y Panginoong Diyos, 
            hindi ako magdarahop!

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang. 
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan, 
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan, 
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

At sang-ayon sa pangako na kanyang binitiwan 
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay. 
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan, 
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay; 
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang. 

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang, 
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway; 
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan 
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw. 

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan, 
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay; 
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.  

Ikalawang Pagbasa: Efeso 5:8-14

Mga kapatid: Dati, nasa kadiliman kayo, ngunit ngayo’y nasa liwanag sapagkat kayo’y sa Panginoon. Mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga taong naliwanagan sapagkat ang ibinubunga ng pamumuhay sa liwanag ay pawang mabuti, matuwid at totoo. Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibubungang kabutihan – mga bagay na dulot ng kadiliman. Sa halip ay ilantad ninyo sila at ang kanilang mga gawa. Sapagkat kahiya-hiyang banggitin man lamang ang mga bagay na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad ay naliliwanagan, at ang naliwanagan ay nagiging liwanag. Kaya’t sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, magbangon ka mula sa mga patay, at liliwanagan ka ni Kristo.”

Mabuting Balita: Juan 9:1.6-9.13-17.34-38

Noong panahong iyon: Sa paglalakad ni Hesus ay may nakita siyang isang lalaking ipinanganak na bulag. At si Hesus ay lumura sa lupa at gumawa ng putik. Ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe.” (Ang kahulugan nito’y Sinugo.) “Maghilamos ka roon.” Gayon nga ang ginawa ng bulag at nang magbalik ay nakakikita na. 

Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya’y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nagpapalimos?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” “Hindi! Kamukha lang,” wika naman ng iba. At sumagot ang lalaki, “Ako nga po iyon.” 

Dinala nila sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Hesus ng putik at padilatin ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, naghilamos ako pagkatapos, at ngayo’y nakakikita na ako.” Ang sabi ng ilan sa mga Pariseo, “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan, sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makagagawa ng ganitong kababalaghan ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa ng palagay. Kaya’t tinanong nila uli ang dating bulag, “Ikaw naman, yamang pinadilat ni Hesus ang iyong mga mata, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya?” “Siya’y isang propeta!” sagot niya. Sumagot sila, “Ipinanganak kang makasalanan at ikaw pa ang magtuturo sa amin?”At siya’y itiniwalag nila. 

Nabalitaan ni Hesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya’t tinanong niya ang lalaki nang matagpuan niya ito, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin, upang ako’y manampalataya sa kanya.” “Siya’y nakita mo na. Siya ang nakikipag-usap sa iyo,” ani Hesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Hesus. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: