Ikatlong Linggo Ng Pasko Ng Muling Pagkabuhay - 04 Mayo 2014



Unang Pagbasa: Gawa 2:14. 22-28

14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, "Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. 22 "Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. 23 Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. 24 Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at hinango sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi siya kayang ikulong nito, 25 gaya ng sinabi ni David tungkol sa kanya,

'Alam kong kasama ko ang Panginoon sa tuwina,
hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya.

26 Kaya't ako'y nagdiriwang,
puso at diwa'y nagagalak,
gayundin naman ako'y mabubuhay nang may pag-asa.

27 Sapagkat hindi mo ako pababayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi mo pahihintulutang mabulok ang iyong Banal na Lingkod.

28 Itinuro mo sa akin ang mga landas upang ako'y mabuhay, dahil sa ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.'

Salmo: Awit 16:1-2. 7-11

1 Ingatan mo sana ako, O Diyos,
sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.

2 Ang sabi ko kay Yahweh, "Ikaw ang Panginoon ko,
kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo."

7 Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.

8 Alam kong kasama ko siya sa tuwina;
hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.

9 Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.

10 Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.

11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

Ikalawang Pagbasa: 1 Pedro 1:17-21

17 Walang itinatangi ang Diyos. Pinapahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo'y nabubuhay. 18 Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang ipinantubos sa inyo'y hindi ang mga bagay na nasisira o nauubos, tulad ng ginto o pilak, 19 kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan. 20 Pinili na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at ipinahayag siya alang-alang sa inyo, bago sumapit ang katapusan ng mga panahon. 21 Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos.

Mabuting Balita: Lucas 24:13-35

13 Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. 15 Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, 16 ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. 17 Tinanong sila ni Jesus, "Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?"

Tumigil silang nalulumbay, at 18 sinabi ni Cleopas, "Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon."

19"Anong pangyayari?" tanong niya.

Sumagot sila, "Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. 20 Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. 21 Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. 22 Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan 23 at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buhay. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus."

25 Sinabi sa kanila ni Jesus, "Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? 26 Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?" 27 At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta.

28 Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, 29 ngunit siya'y pinigil nila. "Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na," sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. 30 Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. 31 Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. 32 Nasabi nila sa isa't isa, "Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!"

33 Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. 34 Sinabi ng mga ito sa dalawa, "Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!" 35 At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: