Lunod Sa Buhay?

Gospel Reflection

Ika-19 Na Linggo Sa Karaniwang Panahon
13 Agosto 2023

(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 10 Agosto 2014.)


Alam n'yo ba 'yung pakiramdam na parang hindi ka makahinga sa sobrang dami ng problema? Sa sobrang dami ng stress? Na hindi mo na alam kung ano ang dapat mong gawin? Na gusto mo mang magreklamo ay hindi mo naman alam kung kanino ka magsasabi? Pakiramdam mo nalulunod ka sa problema? Na nalulunod ka sa buhay?

Buhat nu'ng bata pa ako, tuwang-tuwa ako kapag napupunta kami sa tabing-dagat. Tuwang-tuwa akong nakikipaglaro sa mga alon. Nang magsimula na akong magsulat noong nasa high school ako, kapag hinahampas ako ng alon ay pinagninilayan ko ang aking buhay. Ang bawat alon ay nagre-represent ng mga emosyong nararanasan ko. Ang bawat hampas ng tubig ay nagpapaalalang buhay na buhay pa ako.

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, para bang dama natin kung gaano kasarap ang pakiramdam ni San Pedro habang naglalakad Siya patungo kay Hesus. Nagagawa niya ang hindi nagagawa ng iba. Lumalakad siya sa tubig! Pakiramdam siguro niya ay pagkagaling-galing niya. Super kumbaga. 

Subalit biglang nagbago ang lahat nang mapuna niya ang isang malaking alon. Nabalot ng takot ang kanyang pagkatao. Nagsimula siyang mag-panic. Nag-umpisa siyang lumubog sa tubig. Nag-umpisa siyang sumigaw, “sagipin ninyo ako, Panginoon!”

Tayo ay katulad ni Pedro. High na high tayo sa Spirit habang heaven ang pakiramdam natin. Damang-daman natin ang pag-ibig ng Diyos. Kaya nating gawin ang lahat. Kaya nating harapin ang kahit na ano. Kaya nating ibigay ang lahat. Gagawin natin ang lahat. 

Hanggang sa dumating sa atin ang pagsubok. Ang matinding problema. Magsisimula tayong mag-panic. Magsisimula tayong magreklamo sa Diyos. Sa loob natin, sumisigaw tayo, “sagipin ninyo ako, Panginoon!” Patuloy tayong mananalangin. 

Habang unti-unti tayong nilulunod ng problema, darating ang tulong ng Diyos sa panahon at anyong hindi natin inaasahan. Ipaaabot Niya ang tulong sa pamamagitan ng ibang tao o pangyayari. Saka natin mare-realize na hindi pala talaga tayo pinababayaan ng Diyos. Na kasama natin Siya sa panahong litung-lito tayo at hindi alam ang gagawin. 

Ang walang hanggang pagsaklolo ng Diyos ay sumasaatin. Pakatandaan nating hindi Niya tayo pababayaan. Manalig lang tayo sa Kanya at patuloy na manalangin. Sasaatin ang kanyang kabutihan at awa. Kahit pa pakiramdam natin ay lunod na tayo sa ating mga buhay, kikilos ang kamay ng Diyos upang sagipin tayo.

Panalangin:

O aming Amang makapangyarihan sa lahat, ang lahat ng pagluwalhati at pagsamba ay inilalaan namin sa Iyong matamis na Pangalan. Walang hanggan ang Iyong pag-ibig at kabutihang binubukalan ng lahat ng biyayang kinakailangan namin sa araw-araw.

Ama, patatagin Mo po kami sa aming pagharap sa buhay. Lalo na po sa mga panahon ng matinding pagsubok. Bigyan Mo po kami ng matibay na pananalig kahit po maraming pagkakataong hindi namin maunawaan ang Iyong kalooban. Tulungan Mo po kami. Gabayan Mo po kami sa mga dapat naming gawin. Nananalig po kami sa Iyong awa at kabutihan.

Idinadalangin din po namin ang aming mga kapatid na dumaraan sa matinding mga pagsubok. Makita po sana nila ang Inyong presensya at maramdaman ang Iyong pagmamahal. Tulungan po Ninyo silang maging matatag.

Ang lahat po ng ito sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: