Unang Pagbasa: 1 Hari 19:9.11-13
Noong mga araw na iyon, si Elias ay sumapit sa Horeb na bundok ng Diyos. Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano’y nagsalita sa kanya ang Panginoon: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.”
Pagkasabi nito’y dumaan ang Panginoon at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin ang Panginoon. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol ang Panginoon.
Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat ang Panginoon. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.
Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng yungib.
Salmo: Awit 84
Tugon: Pag-ibig mo’y ipakita,
iligtas kami sa dusa!
Aking naririnig magmula sa Poon ang sinasalita;
sinasabi niyang ang mga lingkod n’ya’y magiging payapa,
kung mangagsisisi at di na babalik sa gawang masama.
Ang nagpaparangal sa pangalan niya’y kanyang ililigtas.
Sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap.
Ang pagtatapatan at pag-iibiga’y magdadaup-palad.
Ang kapayapaan at ang katwira’y magsasamang ganap.
Sa balat ng lupa’y pawang maghahari yaong pagtatapat,
at ang katarungan nama’y maghahari mula sa itaas.
Gagawing maunlad ng Panginoong Diyos itong ating buhay.
Ang mga halaman sa ating lupai’y bubungang mainam;
sa harapan niya yaong maghahari’y pawang katarungan.
Magiging payapa’t susunod ang madla sa kanyang daan.
Ikalawang Pagbasa: Roma 9:1-5
Mga kapatid:
Saksi ko si Kristo na katotohanan ang sinasabi ko; hindi ako nagsisinungaling. Saksi ko rin ang Espiritu Santo na malinis ang aking budhi sa sasabihin kong ito sa inyo: matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso tungkol sa aking mga kalahi at mga kababayan, anupa’t mamatamisin kong ako’y sumpain at mawalay kay Kristo, alang-alang sa kanila.
Sila’y mga Israelita at itinuring ng Diyos na mga anak niya. Nakita nila ang maliwanag na tanda na nagpapakilalang siya’y kasama nila. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako.
Sila’y nagmula sa mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Kristo nang siya’y maging tao, Diyos na Kataas-taasan, na pinapupurihan magpakailanman. Amen!
Mabuting Balita: Mateo 14:22-33
Noong panahong iyon, matapos pakainin ang mga tao, agad pinasakay ni Hesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo samantalang pinauuwi niya ang mga tao. Pagkaalis ng mga ito, umahon siya sa burol upang manalangin. Nag-iisa siyang inabot doon ng gabi.
Samantala, nasa laot na noon ang bangka at sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat sa hangin. At nang madaling-araw na’y sumunod sa kanila si Hesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit agad siyang nagsalita at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, si Hesus ito!” At nagsalita si Pedro, “Panginoon, kung talagang kayo iyan, papariyanin ninyo ako sa ibabaw ng tubig.”
Sumagot siya, “Halika.” Kaya’t lumunsad si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig, palapit kay Hesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, siya’y natakot at nagsimulang lumubog. “Sagipin ninyo ako, Panginoon!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Hesus. “Napakaliit ng iyong pananalig!” sabi niya kay Pedro. “Bakit ka nag-alinlangan?”
Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin. At sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay na kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila.