14 - 20 Setyembre 2014

Daily Gospel Sa Isang Buong Linggo



Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi: “Lumitaw sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” (Lucas 7:16)

14-Linggo 15-Lunes 16-Martes 17-Miyerkules 18-Huwebes 19-Biyernes 20-Sabado

_________________________________________

14 Setyembre 2014
Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa. (Unang Pagbasa: Bilang 21:4-9; Salmo: Awit 78:1-2. 34-35. 36-37. 38; Ikalawang Pagbasa: Filipos 2:6-11; Mabuting Balita: Juan 3:13-17)
I-click po dito para sa Gospel Reflection.

Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak,  sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16)

_________________________________________

15 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: Hebreo 5:7-9; Salmo: Awit 31:2-20
Mabuting Balita: Juan 19:25-27

25 Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng kanyang ina, si Maria ni Cleofas at si Maria Magdalena. 26 Kaya pagkakita ni Jesus sa ina at sa alagad na mahal niya na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” 27 pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyon, tinanggap siya ng alagad sa kanyang tahanan.

16 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 12:12-31; Salmo: Awit 100:1-5
Mabuting Balita: Lucas 7:11-17

11 Pagkatapos ay pumunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain at sinamahan siya ng kanyang mga alagad kasama ang maraming tao. 12 Habang papalapit siya sa pintuan ng bayan, tamang-tama namang inilalabas ang isang patay – ang nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina, at ito’y isang biyuda kaya sinamahan siya ng di-kakaunting tao mula sa bayan. 13 Pagkakita sa kanya, nahabag sa kanya ang Panginooon at sinabi: “Huwag ka nang umiyak.” 14 Lumapit siya at hinipo ang kabaong; tumigil naman ang mga maydala. At sinabi niya: “Binata, iniuutos ko sa iyo, bumangon ka!” 15 Umupo nga ang patay at nagsimulang magsalita; at ibinigay siya ni Jesus sa kanyang ina. 16 Nasindak ang lahat at nagpuri sa Diyos, at sinabi: “Lumitaw sa atin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan.” 17 Kayat kumalat ang balitang ito tungkol sa kanya sa buong lupain ng mga Judio at sa lahat ng karatig na lupain.

17 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 12:31-13:13; Salmo: Awit 33:2-22
Mabuting Balita: Lucas 7:31-35

31 “Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan, at sa ano sila katulad? 32 Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo at hindi kayo sumayaw, at nang umawit naman kami ng punebre, ayaw naman ninyong umiyak.

33 Ganito rin naman ang nangyari. Dumating si Juan Bautista na hindi kumakain ng tinapay ni umiinom ng alak, at ang sabi ninyo’y ‘Nasisiraan siya ng bait!’ 34 Dumating naman ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinabi naman ninyong ‘Narito ang taong matakaw at lasenggo, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan.’ 35 Gayon pa ma’y nakilala ng kanyang mga anak ang Karunungan.”

18 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 15:1-11; Salmo: Awit 118:1-28
Mabuting Balita: Lucas 7:36-50

36 Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo na makisalo sa kanya kaya pumasok siya sa bahay ng Pariseo at humilig sa sopa para kumain. 37 Ngayon, may isang babae sa bayang iyon na itinuturing na makasalanan. Nang malaman nitong si Jesus ay nasa hapag sa bahay ng Pariseo, nagdala ito ng pabangong nasa sisidlang alabastro. 38 Tumayo siya sa likuran, sa may paanan ni Jesus at umiyak. Tumulo ang kanyang mga luha sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kanyang buhok, at hinagkan at pinahiran ng pabango.

39 Nang makita ito ng Pariseong kumumbida sa kanya, naisip nito: “Kung propeta ang taong ito, malalaman niya kung sino ang babaeng ito at anong uri ng tao ang humihipo sa kanya – isa ngang makasalanan!”

40 Ngunit nagsalita sa kanya si Jesus: “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” Sumagot ito: “Guro, magsalita ka.” 41 At sinabi niya: “May dalawang may utang sa isang taong nagpapautang. Limandaang salaping pilak ang utang ng isa at limampu naman ang sa isa pa. 42 Ngunit wala silang maibayad kaya kapwa niya sila pinatawad. Ngayon, sino sa kanila ang magmamahal sa kanya nang higit?”
43 Sumagot si Simon: “Sa palagay ko’y ang pinatawad niya ng mas malaki.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Tama ang hatol mo.” 44 At paglingon niya sa babae, sinabi niya kay Simon: “Nakikita mo ba ang babaeng ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa ngunit binasa niya ng kanyang luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng kanyang buhok. 45 Hindi mo ako hinagkan ngunit mula nang pumasok siya’y wala nang tigil ang kahahalik     niya sa aking mga paa. 46 Hindi mo pinahiran ng langis ang aking ulo ngunit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. 47 Kaya sinasabi ko sa iyo, pinatatawad na ang marami niyang kasalanan dahil nagmahal siya nang malaki. Ngunit nagmamahal lamang nang kaunti ang pinatatawad nang kaunti.”

48 At sinabi naman ni Jesus sa babae: “Pinatatawad ang iyong mga kasalanan.” 49 At nagsimulang mag-isip ang mga nasa hapag: “At nangangahas ang taong ito na magpatawad ng mga kasalanan!”

50 Ngunit sinabi ni Jesus sa babae: “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya; humayo ka sa kapayapaan.”

19 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 15:12-20; Salmo: Awit 17:1-15
Mabuting Balita: Lucas 8:1-3

1Pagkatapos ay naglibot si Jesus sa bawat lunsod at bayan na nangangaral at ibinabalita ang kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa 2 at ilang mga babae na pinagaling sa masasamang espiritu at mga karamdaman: si Maria na tinaguriang Magdalena, na nilisan ng pitong demonyo, 3 si Juana na asawa ni Kusa na katiwala ni Herodes, at si Susana at iba pang naglilingkod sa kanila mula sa kanilang kaya.

20 Setyembre 2014
Unang Pagbasa: 1 Corinto 15:35-49; Salmo: Awit 56:10-14
Mabuting Balita: Lucas 8:4-15

4 Napakakapal na tao ang nagkakatipon dahil pinupuntahan si Jesus ng mga tao mula sa kani-kanilang mga bayan. Kaya nagsalita siya sa talinhaga:

5 “Lumabas ang manghahasik para maghasik ng kanyang binhi. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan at tinapak-tapakan at kinain ng mga ibon sa langit. 6 Nahulog ang iba sa batuhan, at nang sumibol ay nalanta dahil sa kawalan ng halumigmig. 7 Nahulog ang iba pang buto sa gitna ng tinikan, at sa sabay nilang paglaki, sinikil ito ng mga tinik. 8 Nahulog naman ang iba pa sa matabang lupa at nang sumibol ay nagbunga nang tig-iisang daan.” Pagkasabi nito’y sumigaw siya: “Makinig ang may tainga.”

9 At tinanong siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. 10 Kayat sinabi niya: “Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Diyos, at sa iba nama’y sa mga talinhaga lamang para tumingin sila at hindi makakita, makinig at hindi makaunawa.

11 Ito ang kahulugan ng talinhaga. Ang binhi ay ang salita ng Diyos. 12 Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakakarinig nito pero agad namang dumarating ang diyablo; inaagaw niya ang salita mula sa kanilang isipan upang huwag silang manalig at maligtas. 13 Ang mga nasa batuhan ay ang mga nakakarinig na masayang tinatanggap ang salita. Ngunit wala silang ugat kaya sandali silang nananalig at tumitiwalag naman sa panahon ng tukso. 14 Ang nahulog naman sa mga tinikan ay ang mga nakakarinig ngunit sa pagpapatuloy nila’y sinikil ng mga kabalisahan, ng kayamanan at ng mga kasiyahan sa buhay kaya hindi sila nakapagbunga. 15 Ang nahulog naman sa matabang lupa ay ang mga nakakarinig sa salita at iniingatan ito nang may dakila’t mabuting loob at nagbubunga sila sa kanilang pagtitiyaga.

14-Linggo 15-Lunes 16-Martes 17-Miyerkules 18-Huwebes 19-Biyernes 20-Sabado

Mga kasulyap-sulyap ngayon: