Talk Back, You're...


Kapistahan ng Pagtatampok sa Krus na Banal 
14 September 2014


Panahon ngayon ng unlimited. Unli-text. Unli-call. Unli-facebook. Unli-internet. Unli-rice. Pero walang unlimited love. Dahil kung ganu'n sana ang kaso, hindi na sana natin kailangang magpuyat makapakinig lang sa mga payo ni Papa Jack.

Noon, nariyan ang Lovingly Yours ni Helen Vela o ang Napakasakit, Kuya Eddie o ang Love Notes ni Joe. Problema sa buhay. Problema sa pag-ibig. Marami tayo n'yan. At maraming shows para d'yan. We don't get enough of love. We always crave for more. 

“There is a terrible hunger for love. We all experience that in our lives - the pain, the loneliness. We must have the courage to recognize it," si Mother Teresa ang nagsabi nito. Na-realize niya sa kanyang mga pagninilay na ang pinakamatinding gutom ng tao sa ating panahon ay ang gutom sa pagmamahal.


Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, pinupunan ng Diyos ang ating kakulangan sa pag-ibig. Tinitighaw Niya ang ating pagkauhaw sa pagmamahal. Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.


Malayo sa pag-ibig ng tao ang pag-ibig Niya. Malayo sa mga pag-ibig na itinatawag kay Papa Jack. Dahil ang pag-ibig ng Diyos ay banal. Unlimited. Walang kondisyon. Timeless pero timely. Hindi makasarili. Mapang-unawa. Mapagpatawad. 


Inibig na tayo ng Diyos mula pa noong una. Bago pa man tayo ipanganak ay inangkin na Niya tayong mga anak. Ang kailangan na lamang nating gawin ay ang tumugon sa pag-ibig Niya. Sumampalataya tayo sa Kanyang Anak upang hindi tayo mapahamak.


Mapagligtas ang Kanyang pag-ibig. Walang hanggang buhay ang kaloob Niya sa mga tumutugon sa Kanyang pagmamahal. Tinubos tayo ni Hesus sa kamatayan sa pamamagitan ng pagkamatay Niya sa krus. Ginapi Niya ang kamatayan sa Kanyang pagkabuhay na muli.

Kapag nakamtan natin at isinabuhay ang Kanyang pag-ibig, hindi na natin kailangang tumawag kay Papa Jack. Aapaw tayo sa pag-ibig na nagmumula sa Diyos. Lumuha man tayong muli, alam nating hindi tayo mag-iisa. Lagi nating kasama ang Diyos.

Kaya tumugon tayo sa pag-ibig Niya. Sabi nga, talk back, you're loved!

Panalangin:

O aming Ama, patuloy Mo po kaming inibig sa kabila ng aming pagiging masuwayin. Papuri, pagsamba at pagluwalhati ang aming kaloob sa Iyo.

Lubos po kaming nagpapasalamat sa Inyong kabutihan. Sa pag-aalay Ninyo ng Inyong bugtong na anak para sa aming kapakanan. Sa krus kami'y nilinis ni Hesus. Sa krus kami'y tinubos niya sa kamatayan. Sa pamamagitan Niya, tatanggapin namin ang buhay na walang hanggan.

Magawa po sana naming isabuhay ang Iyong pag-ibig. Makita ito ng aming kapwa sa araw-araw naming buhay. Maibahagi po namin sa iba ang aming kaligayahang nadarama dahil sa pag-ibig Mo.

Ang lahat po ng ito, sampu ng aming mga kahilingan, ay itinataas namin sa Iyo sa pangalan ni Hesus, kasama Mo at ng Espiritu Santo, nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: