Buhay Na Daluyan Ng Pag-ibig

Gospel Reflection

Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
11 Hulyo 2021


(Ang post na ito'y orihinal na inilathala bilang Gospel Reflection noong 12 Hulyo 2015.)


Minsan na akong naglaro ng puzzle game na Where's My Water? sa tablet. Isa itong challenging na larong ang pangunahing objective ay ang gumawa ng paraan upang makarating sa buwayang si Croc ang tubig na kanyang pampaligo. 

Ito rin ang misyon ng bawat binyagang nakikihati sa pagiging propeta ni Hesus. Layunin nating ihatid ang Tubig ng Buhay sa mga taong uhaw sa pag-ibig ng Diyos.

At kapag naririnig natin ang salitang misyon, karaniwang nosyon nating kailangan nito ng malayong paglalakbay o pisikal na distansya. Totoong kailangan natin ng mga misyoneryo sa maraming bahagi ng mundong hindi pa naaabot ng Mabuting Balita ni Hesus. Pero dapat nating tandaang kahit na hindi tayo maglakbay, maaari tayong maging mga propetang nagpapahayag ng Salita ng Diyos.

Ang mandato ng misyon, una sa lahat, ay ukol sa pagbubukas ng sarili para sa ibang tao at para sa Diyos. Sa pagiging Katoliko, hinihimok tayong maging daluyan ng pag-ibig Niya. 

Alulod. Tubo. Instrumento. Tagapaghatid. 

Tayo'y mga instrumento lamang. Mga tagapagbahaging ang tanging kaligayaha'y ang maglingkod sa kanyang Panginoon. Iniiwan natin ang ating mga comfort zones upang magsikap na maging katulad ni Hesus sa Kanyang pagsunod at kababaang-loob.

Padaluyin natin ang Espiritu Santo sa ating buhay. At sa pamamagitan ng Kanyang paggabay, magawa sana nating ibahagi sa iba ang kaligayahang nararamdaman natin sa tuwing mare-realize nating kasama nating lagi ang Diyos.

Lahat tayo'y tinawag upang maging mga daluyan ng Kanyang pag-ibig. Ihatid natin sa iba ang paglilinis ni Kristong nagpapagaling sa mga sakit ng ating mga kaluluwa.

Panalangin:

Aming Amang lubos na nagmamahal sa amin sa kabila ng aming mga kasalanan, papuri at pagsamba ang kaloob namin sa Iyo.

Isinugo ni Hesus ang Kanyang mga alagad upang ibahagi sa iba ang Mabuting Balita, gabayan po sana kami ng Espiritu Santo upang marinig at tumugon din kami sa tawag ng misyong iniatang sa lahat ng Katoliko. Magawa po sana naming ibahagi sa iba ang Iyong pag-ibig.

Ama, idinadalangin din po namin ang mga misyonero, mga pari at mga katekista. Bigyan po ninyo sila ng lakas ng loob at ng pangangatawan upang patuloy nilang maipahayag ang Iyong kabutihang walang maliw. Ingatan po sana Ninyo ang kanilang mga pamilyang iniiwan nila para sa pagtalima nila sa Iyong pagtawag.

Gawin po kaming daluyan ng Iyong pag-ibig. 

Ang lahat ng ito sa pangalan ni Hesus, lagi naming kapiling, kasama Mong naghahari at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: