Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon - 19 Hunyo 2016



“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin.” (Lucas 9:23)

Unang Pagbasa: Zacarias 12:10-11;13:1

Ito ang sinasabi ng Panginoon: “Ang lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalangin. Sa gayon, pagtingin nila sa kanilang sinibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay. Sa araw na yaon, ang iyakan sa Jerusalem ay matutulad sa nangyari noon sa Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido.” Sinabi pa ng Panginoon, “Sa panahong yaon, lilitaw ang isang bukal at lilinisin nito ang kasalanan at karumihan ng sambahayan ni David at ng mga taga-Jerusalem.”

Salmo: Awit 62 

Tugon: Aking kinasasabikan, 
            Panginoon, ikaw lamang!

O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap. 
Ang uhaw kong kaluluwa’y tanging ikaw yaong hangad. 
Para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas. 

Bayaan mong sa santwaryo, sa lugar na dakong banal, 
ikaw roo’y mamasdan ko, sa likas mong karangalan. 
Ang wagas na pag-ibig mo’y mahigit pa kaysa buhay, 
kaya ako’y magpupuri’t ikaw ang paguukulan. 

Habang ako’y nabubuhay, ako’y magpapasalamat, 
at ako ay dadalangin na kamay ko’y nakataas. 
Itong aking kaluluwa’y kakaing may kasiyahan, 
magagalak na umawit ng papuring iaalay. 

Pagkat ikaw sa tuwina ang katulong na malapit; 
sa lilim ng iyong pakpak, galak akong umaawit. 
Itong aking kaluluwa’y sa iyo lang nanghahawak, 
pagkat ako kung hawak mo, kaligtasa’y natitiyak. 

Ikalawang Pagbasa: Galacia 3:26-29

Mga kapatid: 

Dahil sa inyong pananalig kay Kristo Hesus, kayong lahat ay anak ng Diyos. Sapagkat ang lahat ng nabinyagan kay Kristo ay pinananahanan ni Kristo. Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae – kayong lahat ay iisa dahil sa inyong pakikipag-isa kay Kristo. At kung kayo’y kay Kristo, kabilang kayo sa lahi ni Abraham, at tagapagmana ng mga ipinangako ng Diyos.

Mabuting Balita: Lucas 9:18-24

Isang araw, samantalang nananalanging mag-isa si Hesus, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. Tinanong niya sila, “Sino raw ako ayon sa mga tao?” Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo; sabi naman ng iba, si Elias kayo, at may nagsasabi pang nabuhay ang isa sa mga propeta noong una.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Ang Mesiyas ng Diyos!” sagot ni Pedro. Itinagubilin ni Hesus sa kanyang mga alagad na huwag na huwag nilang sasabihin ito kaninuman. At sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Itatakwil siya ng matatanda ng bayan, ng mga punong saserdote at ng mga eskriba. Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.” 

At sinabi niya sa lahat, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: