Pagkilala at Pagsunod


Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon
19 Hunyo 2016
I-click po dito para mabasa ang Ebanghelyo. 


Sino si Hesus? Binubuksan ang ating Ebanghelyo sa katanungang ito. Kilala ba talaga natin Siya? Mabilis at tiyak ang sagot ni Pedro “Ang Mesiyas ng Diyos!”


Ang sagot ni Pedro'y sumasalamin sa saloobin ng mga kapwa niya alagad. Subalit alam nating iba ang Kristong nasa isip nila. Isang Kristong "pangsanlibutan".  Isang mesiyas na magliligtas sa Israel mula sa kapangyarihan ng Imperyo ng Roma.

Kilala nga ba natin si Hesus? Paano nga ba tayo makasusunod sa Kanyang mga turo?

Knowing love. Si Hesus ang nagkaloob ng pinakaganap na pag-ibig. Nilimot Niya ang Kanyang sarili at inalay ang Kanyang buhay para sa kaligtasan ng sanlibutan. Maliwanag ang atas Niya sa Kanyang mga alagad, Mag-ibigan kayo! Kung paanong inibig ko kayo, gayon din naman, mag-ibigan kayo.” (Juan 13:34) Sa pagtulad natin sa Kanyang pag-ibig, ipinapahayag natin ang ating pananampalataya sa Kanya bilang tunay na Diyos at ating personal na tagapagligtas.

Knowing suffering and compassion. “Ang Anak ng Tao’y dapat magbata ng maraming hirap. Itatakwil siya... Ipapapatay nila siya, ngunit sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.” 

Kung si Hesus mismo na ating Panginoon ay naghirap, huwag nating isiping ganap na kaginhawahan ang kapalit ng pagkilala sa Kanya. "Ang alipin ay hindi dakila kaysa kanyang panginoon." (Juan 15:20)

Sa salitang compassion, ibig nating ipakahulugan dito ang ating pakikihati sa paghihirap ng ating kapwa sa pag-asang maibsan ang kanilang paghihirap. Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo. (Galacia 6:2)

Knowing humility. Habang lumalalim ang ating pagkilala si Kristo, lalo nating napagtatantong katiting lang tayo kumpara sa Kanyang kaluwalhatian. Na hindi man lamang tayo karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas (Juan 1:23).

Hindi natin ganap na nakikilala si Hesus kung iniisip nating nakahihigit tayo sa ating kapwang itinuturing ng mundo na makasalanan. Walang ibang ganap na malinis at ganap na banal kundi ang Panginoon lamang.

Marami pang ibang sukatan ng tunay na pagkilala kay Hesus. Araw-araw nating sikaping unti-unting kilalanin ang Kanyang kalooban. Sikapin nating maging katulad Niya. 

“Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito; ngunit ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay siyang magkakamit noon.”

Panalangin:

Aming Amang laging nagmamahal sa amin ng taos, ang buo naming pagkatao'y inaalay namin sa Iyong mahal na paanan. Gamitin Mo po kami upang makilala ng aming kapwa ang Iyong pag-ibig at kaluwalhatian.

Gabayan po sana kami ng Banal na Espiritu upang magawa naming lumapit sa Iyong Anak na natatanging daan patungo sa Iyo. Turuan po sana Niya kaming unahin ang Iyong kalooban imbes na ang aming kapritso at mga kagustuhan.

Ama, hindi po kami karapat-dapat sa Iyong mga biyaya. Kami'y mga makasalanang nangangailangan ng Iyong awa at pag-ibig. Punuan Mo po sana ng Iyong pag-ibig ang aming kabutihang kulang na kulang.

Maggawa po sana naming pasanin ang aming pang-araw-araw na krus at sumunod sa Kanyang mga yapak.

Sa pamamagitan ni Hesus, aming Kaligtasan at Panginoon, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.


Mga kasulyap-sulyap ngayon: