Ika-20 Linggo sa Karaniwang Panahon - 14 Agosto 2016



“Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana’y napagningas na ito!” (Lucas 12:49)


Unang Pagbasa: Jeremias 38:4-6. 8-10

Noong mga araw na iyon, sinabi ng mga pinuno sa hari, “Kamahalan, dapat ipapatay si Jeremias. Sa kasasalita niya ay matatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakatutulong sa bayan ang taong iyan; manapa’y ibig niyang mapahamak tayong lahat.” 

Kaya’t sinabi ni Haring Sedequias,“Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang ibig ninyo; hindi ko kayo mapipigil.” Dinakip nila si Jeremias at dinala sa may balon ni Prinsipe Malquias, sa himpilan ng mga bantay. Matapos talian ng lubid, inihugos nila si Jeremias sa balon. Hindi tubig kundi burak ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik. 

Pumunta roon si Ebed-melec at sinabi sa hari, “Kamahalan, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom pagkat wala nang pagkain sa lungsod.” Iniutos ng hari na magsama si Ebed-melec ng tatlong lalaki at pagtulung-tulungan nilang iahon sa balon si Jeremias at baka mamatay.

Salmo: Awit 39

Tugon: Ang pagtulong mo sa amin, 
           Panginoon, ngayo’y gawin.

Ako ay naghintay sa ‘king Panginoon, 
At dininig niya ang aking pagtaghoy. 

Sa balong malalim at lubhang maputik, 
iniahon niya at doo’y inialis 
ligtas na dinala sa malaking bato 
at naging panatag, taglay na buhay ko. 

Tinuruan niya ako pagkatapos 
ng bagong awiting pampuri sa Diyos;
ang bawat makasaksi ay matatakot 

at sa Poong D’yos magtitiwalang lubos. 

Mahina man ako at wala nang lakas, 
ngunit sa isip mo’y di mo kinakatkat; 
O aking Tagatulong, Tagapagligtas 
Panginoong Diyos, h’wag ka nang magluwat!

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 12:1-4

Mga kapatid:

Yamang naliligid tayo ng makapal na saksi, iwaksi natin ang kasalanan, at ang anumang balakid na pumipigil sa atin, at tayo’y buong tiyagang magpatuloy sa takbuhing nasa ating harapan. Ituon natin ang ating paningin kay Hesus na siyang pinagmulan ng ating pananampalataya, at siya ring nagpapasakdal nito. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo’y nakaluklok sa kanan ng trono ng Diyos. 

Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang paglaban ng mga makasalanan upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pagdanak ng inyong dugo ang pakikitunggali ninyo sa kasalanan.

Mabuting Balita: Lucas 12: 49-53

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana’y napagningas na ito! May isang binyag pa na dapat kong tanggapin, at nababagabag ako hangga’t hindi natututupad ito! Akala ba ninyo’y pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo: hindi kapayapaan kundi pagkakabaha-bahagi. Mula ngayon, ang limang katao sa isang sambahayan ay mababahagi: tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. 

Maglalaban-laban ang ama at ang anak na lalaki, ang ina at ang anak na babae, at gayon din ang biyenang babae, at manugang na babae.”

Mga kasulyap-sulyap ngayon: