Daily Gospel Sa Isang Buong Linggo
“Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” (Marcos 3:29)
|
|
|
|
|
|
|
22 Enero 2017
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
(I-click ang larawan)
Nilibot ni Hesus ang buong Galilea. Nagtuturo sa mga sinagoga at ipinangangaral ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. (Mateo 4:23)
Pagbasa: Hebreo 9:15-28; Salmo: Awit 98:1-6;
Mabuting Balita: Marcos 3:22-30
22 May dumating namang mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.”
23 Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? 24 Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. 25 At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. 26 At kung si Satanas ang lumalaban sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. 27 Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at makaaagaw sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat ng ari-arian nito.
28 Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat – sa kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. 29 Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapapatawad; kasalanang walang hanggan ang nasa kanya.” 30 Ang pagsasabi nilang may masamang espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus.
San Francisco de Sales |
Pagbasa: Hebreo 10:1-10; Salmo: Awit Ps 40:2-11;
Mabuting Balita: Marcos 3:31-35
31 Dumating naman ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. 32 Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.” 33 At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?”
34 At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. 35 Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos.”
Pagbabagong-loob ni San Pablo |
Unang Pagbasa: Gawa 22:3-16/Gawa 9:1-22; Salmo: Awit 117:1-2; Mabuting Balita: Marcos 16:15-18
15 At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. 16 Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. 17 At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, 18 hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.”
San Timoteo at San Tito |
Pagbasa: 2 Timoteo 1:1-8; Salmo: Awit 117:1-2;
Mabuting Balita: Lucas 10:1-9
1 Pagkatapos nito, humirang ang Panginoon ng iba pang pitumpu’t dalawa at isinugo silang dala-dalawa na mauna sa kanya sa bawat bayan at lugar na takda niyang puntahan. 2 Sinabi niya sa kanila: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani. 3 Lumakad na kayo. Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. 4 Huwag kayong magdala ng pitaka, bag o mga sandalyas. At huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan.
5 Saanmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo: ‘Mapasatahanang ito ang kapayapaan!’ 6 Kung mapayapang tao ang naroon, sasakanya ang inyong kapayapaan. Kung hindi’y magbabalik sa inyo ang inyong dasal. 7 At sa bahay na iyon kayo manatili; kumain kayo at uminom na kasalo nila sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang sahod. Huwag kayong magpapapalit-palit ng bahay.
8 Saanmang bayan kayo pumasok at tanggapin nila kayo, kanin ninyo anumang ihain sa inyo. 9 Pagalingin din ninyo ang mga maysakit doon at sabihin ninyo sa kanila: ‘Palapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’
Sta. Angela Merici |
Pagbasa: Hebreo 10:32-39; Salmo: Awit 37:3-40;
Mabuting Balita: Marcos 4:26-34
26 At sinabi niya: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. 27 Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. 28 Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. 29 At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan.”
30 At sinabi niya: “Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? 31 Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. 32 Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng langit.”
33 Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. 34 Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.
Sto. Tomas de Aquino |
Pagbasa: Hebreo 11:1-19; Salmo: Lucas 1:69-75;
Mabuting Balita: Marcos 4:35-41
35 Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi niya sa kanila: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” 36 Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. 37 At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na 38 samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at bale-wala sa iyo!”
39 Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.” Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. 40 At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?”
41 Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
|
|
|
|
|
|
|