Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
29 Enero 2023
I-click po dito para sa Ebanghelyo at mga Pagbasa.
Malamang na mapataas ang kilay natin sa unang linya pa lang. Para kasing taliwas ito sa tila totoong nangyayari ngayon sa ating mundo. Malamang na taliwas din ito sa ating mga natutunan sa maraming mga masasamang karanasang napagdaanan natin.
Isinisigaw sa atin ng mundong "Mahirap maging mahirap. Malas mo na lang kapag isinilang kang mahirap. Mapalad ka kung mayaman ka at sikat ka at makapangyarihan ka. Kapag nasa iyo ang tatlong K - kayamanan, kapangyarihan at katanyagan - kaya mong bayaran at impluwensyahan ang lahat."
Kung iisipin nga, para sa iba, ang mga panukala ni Hesus sa Ebanghelyo natin ngayong linggo'y isang malaking kabaliwan. Walang katotohanan. Isang malaking kasinungalingan.
Ito ang tingin ng materyal na mundo. Ito ang short-term na impression. Ito ang smaller picture.
Ang buhay natin sa mundong ito'y tila pang-itaas na bahagi (tip) lamang ng isang iceberg. Ang kabuuan nito'y hindi natin nakikita dahil nakalubog sa tubig ng dagat. Maiksi lang ang buhay natin sa mundo. Kung ito lang ang ikokonsidera natin (ang tip ng iceberg), maaaring mali nga si Hesus. Subalit kung iisipin natin ang buhay na walang hanggang inaalok sa atin ng Diyos (ang nakatagong bahagi ng iceberg), mapagtatanto nating tama ang ating Panginoon.
Marami ang sumandal at umasa sa kanilang salapi, katanyagan at kapangyarihan. Marami sa kanila ang hindi nailigtas ng kanilang tatlong K. Nakulong. Naratay sa banig ng karamdaman. Ang iba'y namatay nang ganu'n-gano'n lang. Dahil ang inasahan nila'y kumukupas, nasisira at nawawala.
Hinihimok tayo ni Hesus na umasa sa Diyos. Siya lamang ang tunay nating maaasahan. Ang pag-ibig Niya'y hindi nagbabago. Hindi nagwawakas.
Ikaw, sino ang inaasahan mo sa buhay mo? Aasa ka ba sa mga bagay na lumilipas? O sa Diyos na kasama natin noon, ngayon at magpasawalang-hanggan? Ito ang bigger picture ng buhay natin hanggang sa buhay na walang hanggan.
Panalangin:
Aming Ama, papuri, pagsamba at pasasalamat ang ipinaaabot namin sa Inyo. Hindi Mo po pinabayaan kaming mga umaasa sa Iyong awa. Kinakalinga Mo po kami sa gitna ng mga pagsubok na aming pinagdaraanan.
Ama, patuloy po sana kaming gabayan ng Banal na Espiritu upang lalo Ka pa po naming makilala. Inihahandog po namin sa Iyo ang amin isipan, puso, lakas at buong pagkatao. Gamitin Mo po kami para maipadama Mo pa sa aming kapwa ang Iyong walang katapusang pag-ibig.
Patuloy po kaming umaasa sa Iyo. Sa panalangin ng Birheng Mariang aming ina. Sa pangalan ni Hesus, ang mukha ng Iyong pag-ibig, naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.