“Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian.” (Mateo 5:1)
Unang Pagbasa: Sofonias 2:3; 3:12-13
Hanapin ninyo ang Poon, kayong mapagpakumbaba, kayong gumaganap ng kanyang kautusan; hanapin ninyo ang katwiran at iyon ang inyong gawin, baka sakaling kayo’y patawarin at iligtas sa araw ng kanyang poot. At ang iiwan ko roon ay mga taong mapagpakumbaba, na lalapit sa akin upang pasaklolo. Ang natira sa Israel ay hindi na gagawa ng kasamaan at hindi magsisinungaling ni mandaraya man. Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag at wala silang katatakutan.
Salmo: Awit 145
Tugon: Mga aba ay mapalad,
D’yos ang hari nilang lahat!
Ang maaasahang lagi’y Panginoon,
panig sa naaapi, ang Diyos na hukom,
may pagkaing handa, sa nangagugutom.
Pinalaya niya ang mga nabihag;
isinasauli, paningin ng bulag;
lahat ng inapi ay itinataas,
ang mga hinirang niya’y nililingap.
Isinasanggalang ang mga dayuhang
sa lupain nila’y doon tumatahan;
tumutulong siya sa balo’t ulila,
masamang balangkas pinipigil niya.
Walang hanggang Hari, ang Diyos na Poon!
Nabubuhay lagi ang Diyos mo, Sion!
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 1:26-31
Mga kapatid:
Alalahanin ninyo ang inyong katayuan nang kayo’y tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang sa paningin ng sanlibutan ay marunong, makapangyarihan at maharlika.
Subalit pinili ng Diyos ang sa palagay ng sanlibutan ay kahangalan upang hiyain ang marurunong, at ang mahihina sa turing ng sanlibutan upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga itinuturing na hamak, walang halaga, at walang kabuluhan sa sanlibutang ito upang pawalanhalaga ang mga itinuturing na dakila ng sanlibutan. Kaya’t walang maaaring magmalaki sa harapan ng Diyos. Sa kanya mula ang ating pakikipagisa kay Kristo Hesus, na ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan niya, tayo’y pinawalan-sala ng Diyos, pinapaging-banal at iniligtas. Kaya nga, tulad ng nasasabi sa Kasulatan, “Ang Panginoon ang dapat ipagmalaki ng may ibig magmalaki.”
Mabuting Balita: Mateo 5:1-12
Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus ang napakaraming tao, umahon siya sa bundok. Pagkaupo niya’y lumapit ang kanyang mga alagad, at sila’y tinuruan niya ng ganito: “Mapalad ang mga aba na wala nang inaasahan kundi ang Diyos sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian. Mapalad ang mga nahahapis, sapagkat aaliwin sila ng Diyos. Mapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat tatamuhin nila ang ipinangako ng Diyos.Mapalad ang mga nagmimithing makatupad sa kalooban ng Diyos, sapagkat ipagkakaloob sa kanila ang kanilang minimithi. Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos. Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapalad ang mga gumagawa ng daan sa ikapagkakasundo, sapagkat sila’y ituturing ng Diyos na mga anak niya. Mapalad ang mga pinag-uusig dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat makakasama sila sa kanyang kaharian. Mapalad kayo kapag dahil sa aki’y inaalimura kayo ng mga tao, pinag-uusig at pinagwiwikaan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. Magdiwang kayo at magalak, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit.”