Small And Big Steps


Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
14 Enero 2018


Sabi ng isang Chinese Proverb, "A journey of a thousand miles begins with a single step."

Kadalasan kaysa hindi, napakahirap ng unang hakbang na iyon. Punumpuno ng pag-aalinlangan. Ng kaba. Ng takot. Ng excitement. Ng mixed emotions. Madalas kaysa hindi, ang unang hakbang ang make or break ng isang bagay o minsan ng ating buhay. 

Sa Ebanghelyo natin ngayong Linggo, nag-take ng isang big step ang mga magiging apostol ni Hesus nang magdesisyon silang sumunod sa ating Panginoon. Maaring iniisip nila sa umpisa na maliit na bagay lang ang nasabing desisyon pero ito ang magpapabago ng kanilang mga buhay.

Buhat nang araw na iyon, nag-aral sila sa Salita, sa gawa at sa halimbawa ni Kristo. Hindi biro ang pagtuturo sa kanila ni Hesus. Nagsikap ang mga apostol na matuto sa kabila ng kanilang mga kahinaan at kalulangan.

Tatlong taon nilang halos araw-araw na nakasama ang Panginoon. At sa bawat araw na iyon, maaring araw-araw din silang nagdedesisyon kung magpapatuloy pa sila sa pagsunod sa Kanya. Hindi nga ba't marami sa mga tagasunod ni Hesus ang iniwanan Siya.

(Tatlong taon silang nag-aral kay Hesus subalit hindi iyon naging sapat nang arestuhin si Hesus sa Hardin ng Getsemani. Inabandona ng marami sa kanila ang Panginoon sa Kanyang Pasyon.)

Tayo man, araw-araw tayong tinatawag ng Diyos. May 168 oras tayo sa bawat linggo. Sa bawat sandali ng mga oras na ito, lagi tayong nagdedesisyon. Hahakbang ba tayo palapit o palayo sa Diyos, o mananatili tayo sa ating kinalalagyan? Gagawa ba tayo ng mabuti o ng masama, o wala tayong gagawin? Hindi naman kasi porke't wala kang ginawang masama ay may ginawa ka nang mabuti.

Subalit kung sa 168 oras sa bawat linggo, hindi natin magawang magsimba man lang. Hindi man lang tayo makapaglaan ng kahit dalawang oras para sa Kanya. Paano natin masasabing naglalakbay tayo palapit sa Diyos?

Walang nagsabing madali ito. Wala ring nagsabing mabilis itong magawa. Pero sabi nga nila, little by little. Unti-unti. We move towards Jesus slowly but surely. Walang shortcuts. Walang instant.

Katulad ng mga apostol, magsisikap tayong unti-unting maging Christ-like. At para magawa ito, kailangan nating pasanin ang ating mga pang-araw-araw na krus. Palalimin ang ating relasyon sa Diyos sa patuloy na pagdarasal. At ang ating journey of faith patungo sa kaluwalhatian ay magsisimula sa single step na susundan ng maraming small and big steps. Ang mahalaga we move forward.

Panalangin:


Ama, patuloy kang sambahin, luwalhatiin, papurihan at pasalamatan ng Iyong bayang pinili sa pamamagitan ng aming araw-araw na pagsunod sa iyong kalooban. Ikaw ang naunang umibig sa amin. Suklian po nawa namin ang Iyong pag-ibig ng pag-ibig sa Iyo at sa aming kapwa.

Sa paggabay ng Banal na Espiritu, gawin Mo po kaming tulad ng mga apostol. Turuan Mo po kaming patuloy na sumunod sa Iyong Anak. Mamuhay po nawa kami sa Salita at halimbawa ng aming Panginoong HesuKristo.

Batid po naming may mga kahinaan po kami. Palakasin po sana Ninyo kami ng Inyong pag-ibig na hindi nagkukulang. 

Ama, gamitin Mo po kami. Gawin Mo po kaming mga daluyan ng Iyong walang hanggang awa at pag-ibig. 

Sa pangalan ni Hesus, buhay at naghaharing kasama Mo at ng Espiritu Santo. Amen.



Mga kasulyap-sulyap ngayon: