Linggo Ng Palaspas - 25 Marso 2018



“Hosanna! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Pagpalain nawa ang kaharian ng ating amang si David, na muling itinatatag! Purihin ang Panginoon!” (Marcos 11:9-10)

Unang Bahagi: Ang Paggunita Sa Pagpasok Ng Panginoon Sa Jerusalem

Mabuting Balita: Marcos 11:1-10


Malapit na sina Hesus sa Jerusalem – nasa gulod ng Bundok ng mga Olibo at natatanaw na ang mga bayan ng Betfage at Betania. Pinauna ni Hesus ang dalawa sa mga alagad, at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo’y makikita ninyong nakatali ang isang bisirong asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagin ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalag iyon, sabihin ninyong kailangan ito ng Panginoon, at ibabalik din agad dito.”

Kaya’t lumakad na sila, at natagpuan nga nila ang asno sa tabi ng daan, nakatali sa may pintuan ng isang bahay. Nang kinakalag na nila ang hayop, tinanong sila ng ilan sa mga nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalag iyan?” Sumagot sila gaya ng bilin sa kanila ni Hesus, at hinayaan silang umalis. Dinala nila kay Hesus ang bisirong asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, ito’y sinakyan ni Hesus.

Maraming naglatag ng kanilang mga balabal sa daan; ang iba nama’y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at siyang inilatag sa daan. Ang mga tao sa unahan at hulihan niya’y sumisigaw ng: “Hosanna! Pagpalain ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Pagpalain nawa ang kaharian ng ating amang si David, na muling itinatatag! Purihin ang Panginoon!”

Ikalawang Bahagi: Ang Banal Na Misa

Unang Pagbasa: Isaias 50:4-7


Ang Makapangyarihang Panginoon ang nagturo sa akin ng sasabihin ko, para tulungan ang mahihina. Tuwing umaga’y kanyang binubuksan ang aking pandinig. Nananabik akong malaman kung ano ang ituturo niya sa akin. Binigyan niya ako ng pang-unawa, hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya. Hindi ako tumutol nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang ako’y kanilang insultuhin.

 Pinabayaan ko silang bunutin ang buhok ko’t balbas, gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.

Ang mga pagdustang ginawa nila’y di ko pinapansin, pagkat ang Makapangyarihang Panginoon ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis na sampaling parang bato, pagkat aking batid na ang sarili ko’y di mapapahiya.

Salmo: Awit 22:8-9. 17-18. 19-20. 23-24

Tugon: D’yos ko! D’yos ko! Bakit naman

            ako’y ’yong pinabayaan?

Bawat taong makakita’y umiiling, nanunukso,
palibak na nagtatawa’t sinasabi ang ganito:
“Nagtiwala siya sa Diyos, ngunit hindi siya pansin;
kung talagang minamahal, bakit hindi intindihin?”

May pangkat ng mga buhong na sa aki’y pumaligid,
para akong nasa gitna niyong asong mababangis,
mga kamay ko at paa’y butas sa pakong matulis.
Ang buto ng katawan ko ay mabibilang sa masid.

Pinaghati-hati nila ang damit ko sa katawan,
ang hinubad na tunika’y dinaan sa sapalaran.
H’wag mo akong ulilahin, h’wag talikdan, Panginoon;
O aking Tagapagligtas, bilisan mo ang pagtulong.

Ang lahat ng ginawa mo’y ihahayag ko sa lahat,
sa gitna ng kapulunga’y pupurihin kitang ganap.
Purihin ang Panginoon ng lahat ng kanyang lingkod,
siya’y inyong dakilain, kayong angkan ni Jacob;
ikaw, bayan ng Israel, ay sumamba at maglingkod.

Ikalawang Pagbasa: Filipos 2:6-11

Si Kristo Hesus, bagamat siya’y Diyos, ay hindi nagpilit na manatiling kapantay ng Diyos, bagkus hinubad niya ang lahat ng katangian ng pagka-Diyos, nagkatawang tao at namuhay na isang alipin.

Nang maging tao, siya’y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.

 Kaya naman, siya’y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.

 Anupa’t ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod at sasamba sa kanya.

At ipapahayag ng lahat na si Hesukristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama.

Mabuting Balita: Marcos 15:1-39

(Paalala: Ang salaysay ng Pagpapakasakit o Pasyon ay maaaring basahin ayon sa mga tauhan. Ang maiikling paningit ng mga Tagapagsalaysay ay maaari nang alisin.)

(Mga Tauhan: H–Hesus; T1/T2–Una/Ikalawang Tagapagsalaysay; P–Pilato; B–Bayan at iba pa; K–Kapitan.)

T1 – Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong saserdote, ang matatanda ng bayan, ang mga eskriba, at ang iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Hesus, at dinala kay Pilato. 

P – “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” 

T2 – (tanong sa kanya ni Pilato.) 

H – “Kayo na ang nagsasabi,” 

T2 – (tugon naman ni Hesus.) Nagharap ng maraming sumbong ang mga punong saserdote laban kay Hesus, kaya’t siya’y muling tinanong ni Pilato, 

P – “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang sumbong laban sa iyo.” 

T1 – Ngunit hindi na tumugon pa si Hesus, kaya’t nagtaka si Pilato. Tuwing Pista ng Paskuwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo – sinuman ang hilingin sa kanya ng taong-bayan. Nakabilanggo noon ang isang lalaking nagngangalang Barrabas, kasama ng ibang naghimagsik at nakamatay nang nagdaang himagsikan. Lumapit ang mga tao at hiniling kay Pilato na isagawa na ang kanyang kinaugaliang pagpapalaya ng isang bilanggo. 

P – “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 

T2 – (tanong niya sa kanila.) Alam ni Pilato na inggit ang nag-udyok sa mga punong saserdote na dalhin sa kanya si Hesus. Ngunit ang mga tao’y sinulsulan ng mga punong saserdote na si Barrabas ang hilinging palayain. 

P – “Kung gayon, ano ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” 

T2 – (tanong uli ni Pilato.) 

B – “Ipako sa krus!” 

T1 – (sigaw ng mga tao.) 

P – “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” 

T2 – (ani Pilato.) Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, 

B – “Ipako siya sa krus!” 

T1 – Sa paghahangad ni Pilato na pagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barrabas. Si Hesus ay kanyang ipinahagupit at ibinigay sa kanila upang ipako sa krus. Dinala ng mga kawal si Hesus sa pretoryo, ang tirahan ng gobernador, at kanilang tinipon ang buong batalyon. Sinuutan nila si Hesus ng isang balabal na purpura. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawang korona at ipinutong sa kanya. At sila’y patuyang nagpugay at bumati sa kanya:

K – “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” 

T2 – Siya’y pinaghahampas nila ng tambo sa ulo, pinaglulurhan, at palibak na niluhud-luhuran. At matapos kutyain, siya’y inalisan nila ng balabal, sinuutan ng sariling damit, at inilabas upang ipako sa krus. Nasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene, ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus. At kanilang dinala si Hesus sa lugar na kung tawagi’y Golgota – ibig sabihi’y “Pook ng Bungo.” Binigyan nila siya ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ininom. Ipinako siya sa krus, at nagsapalaran sila upang malaman kung alin sa kanyang mga damit ang mapupunta sa bawa’t isa. Ikasiyam ng umaga nang ipako nila sa krus si Hesus. Sa itaas ng krus isinulat ang sakdal laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” Dalawang tulisan ang kasabay niyang ipinako sa krus – isa sa kanan niya at isa sa kaliwa. Sa gayo’y natupad ang nasasaad sa Kasulatan: “Ibinilang siya sa mga salarin.” Nilibak siya ng mga nagdaraan, na tatangu-tangong nagsabi, 

B – “Di ba ikaw ang gigiba ng templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Bumaba ka sa krus!” 

T1 – Kinutya rin siya ng mga punong saserdote at ng mga eskriba, at ang sabi sa isa’t isa: 

B – “Iniligtas niya ang iba, ngunit di mailigtas ang sarili! Makita lang nating bumaba sa krus ang Mesiyas na iyan na Hari ng Israel – maniniwala tayo sa kanya.” 

T2 – Inalipusta din siya ng mga nakapakong kasama niya. At nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang mag-iikatlo ng hapon, si Hesus ay sumigaw, 

H – “Eloi, Eloi, lema sabachthani?” 

T1 – na ang ibig sabihi’y 

H –“Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?” 

T1 –Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon, at kanilang sinabi, 

B – “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” 

T2 – May tumakbo at kumuha ng espongha; ito’y binasa ng maasim na alak, at pagkatapos ay inilagay sa dulo ng isang tambo at ipinasipsip kay Hesus. Sabi niya, 

B – “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang ibaba siya.” 

T1 – Sumigaw nang malakas si Hesus at nalagutan ng hininga. (Dito luluhod ang tanan at sandaling mananahimik.) Biglang nawahak sa gitna ang tabing ng templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang isang kapitan ng mga kawal at kanyang nakita kung paano namatay si Hesus kaya’t sinabi niya, 

K – “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!”



Mga kasulyap-sulyap ngayon: