|
|
|
|
|
|
|
Pagbasa: Amos 2:6-16; Salmo: Awit 50:16-23;
Mabuting Balita: Mateo 8:18-22
18 Nang makita ni Jesus ang maraming taong nakapaligid sa kanya, iniutos niyang tumawid sa kabilang ibayo. 19 May lumapit sa kanya na isang guro ng Batas na nagsabi: “Panginoon, susunod ako sa iyo saan ka man pumunta.” 20 Sinabi ni Jesus sa kanya: May lungga ang asong-gubat, may pugad ang mga ibon, ngunit wala man lang mpahiligan ng kanyang ulo ang Anak ng Tao.”
21 Isa pa sa mga alagad ang nagsabi sa kanya: “Panginoon, pauwiin mo muna ako para mailibing ko ang aking ama.” 22 Ngunit sinagot siya ni Jesus: “Sumunod ka sa akin, at bayaan mong ilibing ng patay ang kanilang mga patay.”
Sto. Tomas, Apostol |
Pagbasa: Efeso 2:19-22; Salmo: Awit 117:1-2;
Mabuting Balita: Juan 20:24-29
24 Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!”
26 Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna.
At sinabi niya: “Kapayapaan sa inyo!” 27 At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!”
28 Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” 29 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
Sta. Isabel de Potugal |
Pagbasa: Amos 5:14-24; Salmo: Awit 50:7-17;
Mabuting Balita: Mateo 8:28-34
28 Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. 29 Bigla silang sumigaw: “Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?”
30 Sa may di-kalayua’y maraming baboy na nanginginain. 31 Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: “Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy.” 32 Sinabi ni Jesus sa kanila: “Umalis kayo.” Kaya pagkalayas ng mga demonyo’y pumasok ang mga ito sa mga baboy – at hayun! nahulog sa bangin ang lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat.
33 Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. 34 Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus; at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.
San Antonio Maria Zacarias |
Pagbasa: Amos 7:10-17; Salmo: Awit 19:8-11;
Mabuting Balita: Mateo 9:1-8
1 Muling sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. 2 Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
3 Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” 4 Alam ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? 5 Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? 6 Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” 7 At bumangon ang tao at umuwi.
8 Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.
Sta. Maria Goretti |
Pagbasa: Amos 8:4-12; Salmo: Awit 119:2-131;
Mabuting Balita: Mateo 9:9-13
9 Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. 10 At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. 11 Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?”
12 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! 13 Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagbasa: Amos 9:11-15; Salmo: Awit 85:9-14;
Mabuting Balita: Mateo 9:14-17
14 Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
15 Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.
16 Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. 17 At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak; sa gayo’y pareho silang tatagal.”
|
|
|
|
|
|
|