Ang kamatayan ay hindi likha ng Diyos. Ang pagkamatay ng alinmang may buhay ay hindi niya ikinalulugod. Ginawa niya ang bawat nilalang upang magpatuloy, at lahat ng nilalang niya ay mabuti at mahusay. Wala silang kamandag na nakamamatay. Ang kamatayan ay di naghahari sa daigdig na ito, sapagkat ang katarungan ng Diyos ay walang kamatayan.
Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay. Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya.
Salmo: Awit 30:2. 4. 5-6. 11. 12. 13
Tugon: Poong sa aki’y nagligtas,
ang dangal mo’y aking galak!
O Panginoon ko, sa iyong ginawa, kita’y pinupuri’t ako’y iniligtas,
kaya ang kaaway ay di na nakuhang matuwa’t magalak.
Mula sa libingang daigdig ng patay, hinango mo ako at muling binuhay;
ako, na kasama nilang napabaon sa kailaliman.
Purihin ang Poon, siya ay awitan ng lahat ng tapat na mga hinirang.
Iyong gunitain ang mga ginawa ng Diyos na Banal,
ang kanyang ginawa ay alalahanin at pasalamatan!
Hindi nagtatagal yaong kanyang galit, at ang kabutihan niya’y walang wakas.
Ang abang may hapis at tigmak sa luha sa buong magdamag,
sa bukang-liwayway ay wala nang lungkot, kapalit ay galak.
Kaya’t ako’y dinggin, ikaw ay mahabag sa akin, O Poon, ako ay pakinggan,
mahabag ka, Poon! Ako ay dinggin mo at iyong tulungan.
Nadama ko’y galak nang iyong hubarin ang aking panluksa.
Sa pasasalamat sa iyo, O Poon, ay di magsasawa.
Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 8:7. 9. 13-15
Mga kapatid: Kayo’y tanyag sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin. Sikapin din ninyong manguna kayo sa pagkakawanggawa.
Alam ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ng ating Panginoong Hesukristo na bagamat mayaman ay nagpakadukha upang yumaman kayo sa pamamagitan ng kanyang karukhaan.
Hindi sa ibig kong magaanan ang iba at mabigatan naman kayo. Masagana naman kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila’y managana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, pareho kayong nakatulong sa isa’t isa at naganap sa inyo ang sinabi sa Kasulatan:
“Ang nagtipon ng marami ay hindi lumabis, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.”
Mabuting Balita: Marcos 5:21-24. 35-43
Noong panahong iyon, muling tumawid si Hesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, nakasakay sa bangka. Nasa baybay pa siya ng lawa ay pinagkalipumpunan na siya ng maraming tao.
Dumating ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Pagkakita kay Hesus, siya’y nagpatirapa sa kanyang paanan at ang samo: “Agaw-buhay po ang anak kong dalagita. Kung maaari, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya’y gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Hesus. At sinundan siya ng napakaraming taong nagsisiksikan, anupa’t halos maipit na siya.
May ilang dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang anak ninyo,” sabi nila. “Bakit pa ninyo aabalahin ang Guro?” Hindi pinansin ni Hesus ang kanilang sinabi, sa halip ay sinabi sa tagapamahala, “Huwag kang mabagabag, manalig ka.” At wala siyang isinama kundi si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan.
Nang dumating sila sa bahay ng tagapamahala, nakita ni Hesus na gulung-gulo ang mga tao; may mga nananangis pa at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nananangis? Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” Ngunit pinagtawanan siya ng mga tao. Pinalabas niya ang lahat, maliban sa ama’t ina ng bata at sa tatlong alagad, at sila’y pumasok sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ito sa kamay at sinabi, “Talita kumi,” na ang ibig sabihi’y “Ineng, sinasabi ko sa iyo, magbangon ka!” Pagdaka’y bumangon ang bata at lumakad. Siya’y labindalawang taon na.
At namangha ang lahat. Mahigpit na ipinagbilin ni Hesus na huwag ipaalam ito kaninuman; at iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata.