Ebanghelyo At Mga Pagbasa Sa Linggo
“Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.”
Unang Pagbasa: Ezekiel 2:2-5
Noong mga araw na iyon, nilukuban ako ng Espiritu at itinayo ako upang pakinggan ang isang tinig na nagsasabi: “Tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno, naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon. Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan. Kaya puntahan mo sila at sabihin mong ito ang ipinasasabi ng Panginoong Diyos. Sa makinig sila o sa hindi – pagkat matigas nga ang kanilang ulo – malalaman nilang may isang propeta sa gitna nila.”
Salmo: Awit 123:1-2. 2. 3-4
Tugon: Mata nami’y nakatuon
sa awa ng Panginoon!
Ang aking pangmasid doon nakapukol,
sa luklukang trono mo, O Panginoon.
Tulad ko’y aliping ang inaasahan
ay ang amo niya para matulungan.
Kaya walang humpay ang aming tiwala,
hanggang ikaw, Poon, sa ami’y maawa.
Mahabag ka sana, kami’y kaawaan,
labis na ang hirap naming tinataglay.
Kami’y hinahamak ng mga mayaman,
matagal na kaming laging inuuyam
ng mapang-aliping palalo’t mayabang.
Ikalawang Pagbasa: 2 Corinto 12:7-10
Mga kapatid:
Para hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako’y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing pamalo ni Satanas upang huwag akong magpalalo. Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit ganito ang kanyang sagot, “Ang tulong ko’y sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.”
Kaya’t buong galak na ipagmamapuri ko ang aking kahinaan upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Kristo. Dahil kay Kristo, walang halaga sa akin kung ako ma’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin, at magtiis. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.
Mabuting Balita: Marcos 6:1-6
Noong panahong iyon, si Hesus ay nagtungo sa sariling bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, nagturo siya sa sinagoga. Nagtaka ang maraming nakarinig sa kanya at nagtanong, “Saan niya nakuha ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakagagawa ng mga kababalaghan? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Dito nakatira ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” At siya’y ayaw nilang kilanlin.
Kaya’t sinabi ni Hesus sa kanila, “Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng anumang kababalaghan doon, maliban sa pagpapatong ng kanyang kamay sa ilang maysakit upang pagalingin ang mga ito. Nagtaka siya sapagkat hindi sila sumampalataya.