08 - 14 Hulyo 2018



“Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” (Mateo 9:22)

08 Hulyo
09 Hulyo
10 Hulyo
11 Hulyo
12 Hulyo
13 Hulyo
14 Hulyo


08 Hulyo 2018
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

“Ang propeta’y iginagalang ng lahat, liban lamang ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” (Marcos 6:4)


San Agustin Zhao Rong at
mga kasama
09 Hulyo 2018
Pagbasa: Hosea 2:16-22; Salmo: Awit 145:2-9;
Mabuting Balita: Mateo 9:18-26

18 Habang nagsasalita si Jesus sa kanila, lumapit sa kanya ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika at ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” 19 Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad. 

20 Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus. 21 Sapagkat naisip niya: “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” 22 Lumingon naman si Jesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon.

23 Pagdating ni Jesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. 24 At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. 25 Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. 26 Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.


10 Hulyo 2018
Pagbasa: Hosea 8:4-13; Salmo: Awit 115:3-10;
Mabuting Balita: Mateo 9:32-38

32 Nang makaalis na ang mga ito, may nagdala naman kay Jesus ng isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. 33 Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: “Wala pang nangyaring ganito sa Israel.” 34 Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: “Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng mga demonyo.”

35 At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. 36 Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. 37 At sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. 38 Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.”


San Benito
11Hulyo 2018
Pagbasa: Hosea 10:1-12; Salmo: Awit 105:2-7;
Mabuting Balita: Mateo 10:1-7

1 Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming  espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman. 

2 Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; 3 sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; 4 si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.

5 Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: “Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. 6 Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel.

7 Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ 


12 Hulyo 2018
Pagbasa: Hosea 11:1-9; Salmo: Awit 80:2-16;
Mabuting Balita: Mateo 10:7-15

7 Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ 8 Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad. 9 Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. 10 Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. 

11 Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.

12 Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. 13 Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. 

14 At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. 15 Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.


San Enrique
13 Hulyo 2018
Pagbasa: Hosea 14:2-10; Salmo: Awit 51:3-17;
Mabuting Balita: Mateo 10:16-23

16 Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong- gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati. 17 Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. 18 Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano. 

19 Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo’y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. 20 Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. 

21 Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak; at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. 22 Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit ang mananatiling matatag hanggang wakas ang siyang maliligtas. 

23 Pag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa iba. Sinasabi ko sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao.


San Camillo de Lellis
14 Hulyo 2018
Pagbasa: Isaias 6:1-8; Salmo: Awit 93:1-5;
Mabuting Balita: Mateo 10:24-33

24 Hindi daig ng alagad ang kanyang guro, o ng utusan ang kanyang amo. 25 Sapat nang tularan ng alagad ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. 

26 Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. 27 Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong.

28 Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. 29 Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. 30 At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. 31 Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya.

32 Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. 33 At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.

08 Hulyo
09 Hulyo
10 Hulyo
11 Hulyo
12 Hulyo
13 Hulyo
14 Hulyo

Mga kasulyap-sulyap ngayon: