09 - 15 Pebrero 2020

Daily Gospel Sa Isang Buong Linggo


At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito. (Marcos 6:56)

09 Peb
10 Peb
11 Peb
12 Peb
13 Peb
14 Peb
15 Peb


09 Pebrero 2020
Ikalimang Linggo sa Karaniwang Panahon

(I-click ang larawan)

“Gayon din naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harapan ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at papurihan ang inyong Amang nasa langit.” (Mateo 5:16)


Sta. Escolastica
10 Pebrero 2020
Pagbasa: 1 Hari 8:1-13; Salmo: Awit 132:6-10;
Mabuting Balita: Marcos 6:53-56

53 Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. 54 Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon 55 at patakbo nilang ipinamalita ito sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. 56 At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.


Mahal na Birhen ng Lourdes
11 Pebrero 2020
Pagbasa: 1 Isaias 66:10-14; Salmo: Judas 13:18-19;
Mabuting Balita: Juan 2:1-11

1 Sa ikatlong araw, may kasalan sa Kana ng Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. 2 Kumbidado rin sa kasalan si Jesus at ang kanyang mga alagad. 3 Ngunit kinapos ang alak sa kasalan kaya wala na silang alak. Kaya sinabi ng ina ni Jesus sa kanya: “Wala silang alak.” 4 Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ano sa akin o sa iyo, O Babae? Hindi pa sumasapit ang oras ko.” 5 Sinabi naman ng kanyang ina sa mga katulong: “Gawin n’yo ang anumang sasabihin niya sa inyo.”

6 May anim na tapayang bato roon para sa sagradong paghuhugas ng mga Judio. Tigwawalumpu o tigsasandaang litro ang laman ng mga iyon. 7 Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Punuin n’yo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang labi ang mga iyon. 8 At sinabi niya: “Kumadlo kayo ngayon at dalhin sa punong-abala.” At dinala nga nila.

9 Tinikman ng punong-abala ang tubig na naging alak pero hindi niya alam kung saan ito galing, pero alam ng mga katulong ng kumadlo ng tubig. Kaya tinawag ng punong-abala ang nobyo 10 at sinabi sa kanya: “Ang mainam na alak muna ang inihahain ng lahat at saka lamang ang mas mahinang uri kapag lasing na ang mga tao. Pero itinabi mo pala ang mainam na alak hanggang ngayon.”

11 Ito ang simula ng mga tanda ni Jesus. Ginawa niya ito sa Kana ng Galilea at ibinunyag ang kanyang luwalhati, at nanalig sa kanya ang kanyang mga alagad.


12 Pebrero 2020
Pagbasa: 1 Hari 10:1-10; Salmo: Awit 37:5-40;
Mabuting Balita: Marcos 7:14-23

14 Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan ako at unawain sana ninyong lahat. 15 Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. 16 Makinig ang may tainga.”

17 Pagkalayo ni Jesus sa mga tao, nang nasa bahay na siya, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhagang ito. 18 At sinabi niya: “Wala rin ba kayong pang-unawa? Hindi ba ninyo nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok sa tao mula sa labas? 19 Sapagkat hindi sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas.” 

(Sa gayo’y sinabi niya na malinis ang tanang mga pagkain.) 

20 At idinagdag niya: “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. 21 Sa puso nga ng tao nagmumula ang masasamang hangarin – kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, 22 pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. 23 Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.


13 Pebrero 2020
Pagbasa: 1 Hari 11:4-13; Salmo: Awit 106:3-40;
Mabuting Balita: Marcos 7:24-30

24 Pagkaalis sa lugar na iyon, lumayo si Jesus patungo sa hangganan ng Tiro. Pumasok siya roon sa isang bahay at kahit na ayaw niya itong malaman ninuman, hindi ito nalihim. 25 May isang babaeng nakabalita tungkol sa kanya. Inaalihan ng maruming espiritu ang kanyang dalagita kaya pumunta siya at nagpatirapa sa kanyang paanan. 26 Isa siyang paganong taga-Sirofenicia. At ipinakiusap niya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak.

27 Sinabi naman ni Jesus sa kanya: “Bayaan mo munang mabusog ang mga anak. Hindi tama na kunin ang tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta.” 28 Sumagot ang babae: “Totoo nga, Ginoo, pero kinakain ng mga tuta sa ilalim ng mesa ang mga nalalaglag mula sa mga bata.” 29 At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil sa sinabi mong ito, lumabas na sa iyong anak na babae ang demonyo.” 30 Kaya umuwi ang babae at nakita niya ang bata na nakahiga sa kama; lumabas na nga ang demonyo.


San Cirilo at San Metodio
14 Pebrero 2020
Pagbasa: 1 Hari 11:29–12:19; Salmo: Awit 81:10-15;
Mabuting Balita: Marcos 7:31-37

31 Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, 32 may mga nagdala sa kanya roon ng isang bingi na halos di makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay.

33 Matapos siyang ihiwalay ni Jesus sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. 34 At tumingala siya sa langit, nagbuntung-hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan”. 35 Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid.

36 Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. 37 Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”


15 Pebrero 2020
Pagbasa: 1 Hari 12:26–13:34; Salmo: Awit 106:6-22;
Mabuting Balita: Marcos 8:1-10

1 Nang mga araw na iyon, marami rin ang sumama sa kanya at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: 2 “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain 3 at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.”

4 Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para pakainin sila sa ilang na ito?” 5 Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.”  

6 Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. 7 Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito.

8 Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso – pitong bayong. 9 Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. 10 Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.

09 Peb
10 Peb
11 Peb
12 Peb
13 Peb
14 Peb
15 Peb

Mga kasulyap-sulyap ngayon: