“Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.” (Mateo 5:20)
Unang Pagbasa: Sirac 15:15-20
Kung gusto mo, masusunod mo ang utos ng Panginoon; ikaw ang magpapasiya kung magiging tapat ka sa kanya o hindi. Naglagay siya sa harapan mo ng tubig at ng apoy, kunin mo ang iyong maibigan. Makapipili ka ng alinman sa dalawa: buhay o kamatayan; ang iyong mapili ang siya mong tutunguhan.
Dakila ang Karunungan at kapangyarihan ng Panginoon, nakikita niya ang lahat ng bagay. Nalalaman niya ang lahat ng ginagawa ng bawat tao, at kinakalinga niya ang mga may takot sa kanya. Kailanma’y wala siyang inutusang magpakasama, o pinahintulutang magkasala.
Salmo: Awit 118
Tugon: Mapalad ang sumusunod
sa utos ng Poong Diyos!
Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay,
ayon sa utos ng Poon ang gawain araw-araw.
Mapalad ang sumusunod sa kanyang kautusan,
buong puso ang pagsunod sa utos na ibinigay.
Ibinigay mo sa amin iyang iyong mga utos,
upang aming talimahin at sundin nang buong lugod.
Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat;
susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat.
Itong iyong abang lingkod, O Diyos, sana’y pagpalain,
upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin.
Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan,
yaong buting idudulot sa akin ng iyong aral.
Ituro mo, Panginoon, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako’y nabubuhay.
Ituro mo ang batas mo’t sisikapin kong masunod,
buong pusong iingata’t susundin nang buong lugod.
Ikalawang Pagbasa: 1 Corinto 2:6-10
Mga kapatid: Sa mga may sapat na gulang sa pamumuhay espirituwal, karunungan ang ipinangangaral namin, subalit hindi karunungan ng sanlibutang ito o ng mga tagapamahala sa ngayon na nakatakdang malipol. Ang tinutukoy ko ay ang panukala ng Diyos, na nalihim sa tao; itinalaga niya ito para sa ating ikadarakila, bago likhain ang sanlibutan. Isa man sa mga tagapamahala sa kapanahunang ito’y walang nakaunawa sa panukalang iyon. Sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang dakilang Panginoon. Ganito ang sinasabi ng Kasulatan, “Hindi pa nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, hindi pa rin sumasagi sa isip ng tao, ang inihanda ng Diyos sa mga umiibig sa kanya.” Subalit ito’y inihayag ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Nasasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na panukala ng Diyos.
Mabuting Balita: Mateo 5:20-22.27-28.33-34.37
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo: kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga eskriba at mga Pariseo, hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Diyos.
Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang makamatay ay mananagot sa hukuman. Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang mapoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman.
Narinig ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang makikiapid.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: ang sinumang tumingin nang may mahalay na pagnanasa sa isang babae, sa isip niya’y nakiapid na siya sa babaing iyon.
Narinig pa ninyo na noong una’y iniutos sa mga tao, ‘Huwag kang sisira sa iyong pinanumpaang pangako bagkus ay tupdin mo ang iyong sinumpaan sa Panginoon.’ Ngunit ngayo’y sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong sumumpa kung nangangako kayo. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi; sapagkat buhat na sa Masama ang ano mang sumpang idaragdag dito.”