Ikalimang Linggo ng Kuwaresma - 29 Marso 2020



“Lazaro, lumabas ka!” (Juan 11:43)

Unang Pagbasa: Ezekiel 37:12-14

Ito ang sinabi ng Panginoong Diyos: “Magpahayag ka. Sabihin mong ipinasasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako ang Panginoon. Hihingahan ko kayo upang kayo’y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayun, malalaman ninyo na akong Panginoon ang nagsabi nito at aking gagawin.”

Salmo: Awit 129

Tugon: Sa piling ng Poong Diyos 
           may pag-ibig at pagtubos.

Sa gitna ng paghihirap, tinawag ko’y Panginoon, 
Panginoon, ako’y dinggin pagkat ako’y tumataghoy, 
dinggin mo ang pagtawag ko’t paghingi ng iyong tulong. 

Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan, 
lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan. 
Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot, 
pinatawad mo nga kami upang sa ’yo ay matakot. 

Sabik akong naghihintay sa tulong mo, Panginoon, 
pagkat ako’y may tiwala sa pangako mong pagtulong. 
Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa, 
sa serenong naghihintay ng pagsapit ng umaga. 

Magtiwala ka, Israel, magtiwala sa iyong Diyos, 
matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot, 
lagi siyang nahahandang sa sinuman ay tumubos, 
ililigtas ang Israel, yaong kanyang mga hirang. 
Ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan. 

Ikalawang Pagbasa: Roma 8:8-11

Mga kapatid: Ang mga nabubuhay ayon sa laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Kristo’y wala sa isang tao, hindi siya kay Kristo. Ngunit kung nasa inyo si Kristo, bagamat patay na ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil sa pinawalang-sala na kayo. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Hesukristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.

Mabuting Balita: Juan 11:3-7. 17. 20-27. 33b-45

Noong panahong iyon: Nagpasabi kay Hesus ang mga kapatid na babae ni Lazaro, “Panginoon, ang kaibigan mong minamahal ay may sakit.” Ngunit nang marinig ito ni Hesus ay sinabi niya, “Hindi magwawakas sa kamatayan ang sakit na ito. Nangyari ito upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito’y maparangalan ang Anak ng Diyos.” 

Mahal ni Hesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunma’y pinaraan pa niya ang dalawang araw matapos mabalitaang may sakit si Lazaro bago sinabi sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” Pagdating ni Hesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. Nang marinig ni Marta na dumarating si Hesus, sinalubong niya ito; ngunit si Maria ay naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po’y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid. Ngunit nalalaman kong kahit ngayo’y ibibigay sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” wika ni Hesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya’y mabubuhay uli sa huling araw, sa muling pagkabuhay.” Sinabi naman ni Hesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang nananalig sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay, at sinumang nabubuhay at nananalig sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?” “Opo, Panginoon!” sagot niya. “Nananalig ako sa inyo. Kayo po ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas na inaasahang paparito sa sanlibutan.” 

Si Hesus ay napahimutok. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong niya. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Hesus; kaya’t sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Ngunit sinabi ng ilan, “Nakapagpadilat ng bulag ang taong ito. Bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?” 

Muling napahimutok si Hesus pagdating sa libingan. Ito’y yungib na natatakpan ng isang bato. “Alisin ninyo ang bato,” sabi ni Hesus. Sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.” Sinabi ni Hesus, “Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung mananalig ka sa akin ay makikita mo kung gaano kadakila ang Diyos?” At inalis nila ang bato. Tumingala si Hesus at ang wika, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, sapagkat dininig mo ako. Alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinabi ko ito dahil sa mga taong nasa paligid ko, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito, sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro; napupuluputan ng kayong panlibing ang kanyang mga kamay at paa, at nababalot ng panyo ang kanyang mukha. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya, at nang makalaya.” 

Marami sa mga Judiong dumalaw kay Maria ang nakakita sa ginawa ni Hesus at nanalig sa kanya. 

Mga kasulyap-sulyap ngayon: