Biyernes Santo - 10 April 2020



Nauuhaw ako! (Juan 19:28)

Unang Pagbasa: Isaias 52:13-53:12

Mga Tauhan: P–Panginoon; TB–Babaeng Tagapagsalaysay; TL –Lalaking Tagapagsalaysay

TB –Sinabi ng Panginoon, 
P –Ang lingkod ko’y magtatagumpay sa kanyang gawain, mababantog siya at dadakilain. Marami ang nagitla nang siya’y makita, dahil sa pagkabugbog sa kanya’y halos di makilala kung siya’y tao. Ngayo’y marami rin ang mga bansang magugulantang; pati mga hari pag siya’y nakita ay matitigilan, makikita nila ang di nabalita kahit na kailan, at mauunawa ang di pa narinig ninuman! 
TB –Sagot ng mga tao, “Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito? Sino ang makapagpapatunay na pinahihintulutan ito ng Panginoon?” 
TL –“Kalooban ng Panginoon na ang kanyang lingkod ay matulad sa isang halamang natanim sa tuyong lupa, walang katangian o kagandahang makatawag-pansin, wala siyang taglay na pang-akit para lapitan siya. Hinamak siya ng mga tao at itinakwil. Nagdanas siya ng sakit at hirap.” 
TB&L –“Wala man lang nagtapon ng sulyap sa kanya. Hindi natin siya pinansin, para siyang walang kabuluhan. Tiniis niya ang hirap na tayo ang dapat magbata, gayon din ang kirot na tayo sana ang lumasap; akala natin ang dinanas niya’y parusa sa kanya ng Diyos. Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap. Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw; nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit inibig ng Panginoon na sa kanya ipataw ang parusang tayo ang dapat tumanggap.” 
TL –“Siya ay binugbog at pinahirapan, ngunit di tumutol kahit kamunti man; tulad ay korderong hatid sa patayan, parang mga tupang hindi tumututol kahit na gupitan, ni hindi umimik kahit gaputok man.” 
TB –“Nang siya’y hulihin, hatulan at dalhin sa dakong patayan, wala mang nangahas na ipagsanggalang, wala man lang dumamay. Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan. Siya’y inilibing na kasama ng masasama at mayayaman, bagaman wala siyang kasalanan o nagsabi man ng kasinungalingan.” Sinabi ng Panginoon, 
P –“Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko; inihandog niya ang sarili upang sa pamamagitan noon ay magkaroon ng kapatawaran. Dahil dito’y mabubuhay siya nang matagal, makikita ang lahing susunod sa kanya. At sa pamamagitan niya’y maisasagawa ang aking panukala. Pagkatapos ng pagdurusa, lalasap siya ng ligaya, malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis. Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan ang siyang tatanggap sa parusa ng marami at alang-alang sa kanya sila’y aking patatawarin. Dahil dito siya’y aking pararangalan, kasama ng mga dakila; pagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili at nilasap ang kaparusahan ng masasama. Inako niya ang mga makasalanan at idinalanging sila’y patawarin.” 

Salmo: Awit 30

Tugon: Ama, sa mga kamay mo 
            habilin ko ang buhay ko!

Sa iyo, O Poon, ako’y lumalapit upang ingatan mo, 
nang hindi malupig; sa mga kamay mo 
habilin ko’y buhay ko, 
Tagapagligtas kong tapat at totoo. 

Lahat kong kaaway ay humahalakhak, 
pati kapitbahay ako’y hinahamak; 
dating kakilala ay nagsisiilag, 
kung masalubong ko ay nagsisiiwas. 
Nilimot na akong tulad ng namatay, 
di na pinapansin, parang yagit lamang. 

Subalit, O Poon, ang aking tiwala ay nasasaiyo, 
Diyos na dakila! Sa iyong kalinga, umaasa ako, 
laban sa kaaway ay ipagtatanggol mo; 
at sa umuusig na sinumang tao. 

Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
 ingatan mo ako’t iyong pagpalain; 
iligtas mo ako at iyong sagipin, 
ng pag-ibig na di nagmamaliw! 
O magpakatatag ang mga nilikha, 
lahat ng sa Poon ay nagtitiwala.

Ikalawang Pagbasa: Hebreo 4:14-16; 5:7-9

Mga kapatid: Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Hesus na Anak ng Diyos. Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa’y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala.

Kaya’t huwag na tayong magatubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos, at doo’y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito. 

Noong si Hesus ay namumuhay rito sa lupa, siya’y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba. Bagama’t siya’y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang maganap na niya ito, siya’y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya. 

Mabuting Balita: Juan 18:1-19:42

Mga Tauhan: TB– Babaeng Tagapagsalaysay; TL –Lalaking Tagapagsalaysay; H–Hesus; Pd–Pedro; P–Pilato; B–Bayan, Judio, Punong Saserdote. 

TB –Noong panahong iyon: Umalis si Hesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis Cedron at pumasok sa isang halamanan doon. Ang lugar na ito’y alam ni Judas na nagkanulo sa kanya, sapagkat madalas magpunta roon si Hesus at ang kanyang mga alagad. Pumaroon si Judas, kasama ang ilang bantay sa templo at isang pangkat ng mga kawal na padala ng mga punong saserdote at mga Pariseo. May dala silang mga parol, sulo at sandata. Alam ni Hesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya’t sila’y sinalubong niya at tinanong, 
H –Sino ang hinahanap ninyo? 
B –Si Hesus na taga-Nazaret, 
TL –(tugon nila. Sinabi niya:) 
H –Ako si Hesus. 
TB –Kaharap nila si Judas na nagkanulo sa kanya. Nang sabihin ni Hesus na siya nga, napaurong sila at nabuwal sa lupa. Muli siyang nagtanong, 
H –Sino nga ba ang hinahanap ninyo? 
B –Si Hesus na taga-Nazaret, 
TL –(sagot nila.) 
H –Sinabi ko na sa inyong ako si Hesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito, 
TB –(wika niya.) Sinabi niya ito upang matupad ang kanyang salita, “Walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin, Ama.” Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng pinakapunong saserdote. Natigpas ang kanang tainga ng aliping yaon na ang pangala’y Malco. Sinabi ni Hesus kay Pedro, 
–Isalong mo ang iyong tabak! Dapat kong inumin ang kalis ng paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama. 
TL –Si Hesus ay dinakip at ginapos ng mga bantay na Judio at ng pangkat ng mga kawal sa pamumuno ng kanilang kapitan. Siya’y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas na pinakapunong saserdote nang panahong yaon. Si Caifas ang nagpayo sa mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan. Si Simon Pedro at ang isa pang alagad ay sumunod kay Hesus. Kilala ng pinakapunong saserdote ang alagad na ito, kaya’t nakapasok siyang kasama ni Hesus sa patyo ng bahay ng pinakapunong saserdote. Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan. Lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong saserdote, kinausap ang dalagang nagbabantay sa pinto, at pinapasok si Pedro. Si Pedro’y tinanong ng dalaga, 
B –Hindi ba’t isa ka sa mga alagad ng taong iyan? 
Pd–Hindi! 
TB –(sagot ni Pedro.) Maginaw noon, kaya’t nagpabaga ng uling ang mga alipin at mga bantay at tumayo sa paligid ng siga upang magpainit. Nakihalo si Pedro at nagpainit din. Si Hesus ay tinanong ng pinakapunong saserdote tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. Sumagot si Hesus: 
H –Hayagan akong nagsasalita sa madla; lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo ng mga Judio. Wala akong sinabing palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo’y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko. 
TL –Pagkasabi nito, siya’y sinampal ng isa sa mga bantay na naroroon. 
B –Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong saserdote? 
TB –(tanong niya. Sinagot siya ni Hesus:) 
H –Kung nagsalita ako ng masama, patunayan mo! Ngunit kung mabuti ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal? 
TL –Si Hesus na nagagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong saserdote. Samantala, naroon pa rin si Simon Pedro at nagpapainit. Siya’y tinanong nila, 
B –Hindi ba’t alagad ka rin ng taong iyan? 
Pd–Hindi! 
TB –(sagot ni Pedro.) Tinanong naman siya ng isa sa mga alipin ng pinakapunong saserdote, kamaganak ng lalaking tinagpasan niya ng tainga, 
B –Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Hesus sa halamanan? 
TL –Muling itinatwa ito ni Pedro. Siya namang pagtilaok ng manok. Mula sa bahay ni Caifas, si Hesus ay dinala nila sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo ng gobernador upang sila’y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng Hapunang Pampaskuwa. Kaya’t sa labas sila tinanggap ni Pilato at tinanong, 
P –Ano ang sakdal ninyo laban sa taong ito? 
TB –(Sumagot sila:) 
B –Kung hindi po siya gumawa ng masama, hindi namin siya dadalhin sa inyo. 
TL –(Sinabi sa kanila ni Pilato:) 
P –Dalhin ninyo siya, at hatulan ayon sa inyong kautusan. 
TB –(Sumagot ang mga Judio,) 
B –Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman. 
TL –Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Hesus tungkol sa paraan ng kanyang pagkamatay. Si Pilato’y pumasok uli sa palasyo at tinawag si Hesus. 
P –Ikaw ba ang Hari ng mga Judio? 
TB –(tanong niya. Sumagot si Hesus:) 
H –Iyan ba’y galing sa inyong sariling isipan, o may nagsabi sa inyo? 
P –Ako ba’y Judio? 
TL –(tanong ni Pilato.) 
P –Ang mga kababayan mo at ang mga punong saserdote ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo? 
TB –(Sumagot si Hesus:) 
H –Ang kaharian ko’y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa sanlibutang ito ang aking kaharian! 
P –Kung gayon, isa kang hari? 
TL –(sabi ni Pilato. Sumagot si Hesus:) 
H –Kayo na ang nagsasabing ako’y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan: upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan. 
P –Ano ba ang katotohanan? 
TB –(tanong ni Pilato.) Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, 
P –Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo kung araw ng Paskuwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio? 
B –Hindi! 
TL –(sigaw nila.) 
B –Huwag siya, kundi si Barrabas! 
TB –Si Barrabas ay isang tulisan. Kaya’t ipinakuha ni Pilato si Hesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng halamang matinik, ginawang korona, at ipinutong kay Hesus. At sinuutan siya ng balabal na purpura. Isa’t isa’y lumalapit sa kanya at ang wika: 
B –Mabuhay ang Hari ng mga Judio! 
TL –At siya’y pinagsasampal. Lumabas uli si Pilato at sinabi sa kanila, 
P –Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan niya! 
TB –At inilabas si Hesus na may koronang tinik at balabal na purpura. Sinabi sa kanila ni Pilato: 
P –Narito ang tao! 
TL –Pagkakita sa kanya ng mga punong saserdote at ng mga bantay, sila’y sumigaw: 
B –Ipako siya sa krus! Ipako sa krus! 
TB –(Sinabi ni Pilato:) 
P –Kunin ninyo siya, at kayo ang magpako sa kanya. Wala akong makitang kasalanan niya. 
TL –(Sumagot ang mga Judio:) 
B –Ayon sa aming kautusa’y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya’y nagpapanggap na Anak ng Diyos. TB –Lalong natakot si Pilato nang marinig ang mga pananalitang ito. Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Hesus, 
P –Tagasaan ka ba? 
TL –Subalit hindi tumugon si Hesus. 
P –Ayaw mo bang makipag-usap sa akin? 
TB –(ani Pilato.) 
P –Hindi mo ba alam na maaari kitang palayain o ipapako sa krus? 
TL –(At sumagot si Hesus,) 
H –Kaya mo lamang magagawa iyan ay sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito. 
TB –Nang marinig ito ni Pilato, lalo niyang hinangad na palayain si Hesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, 
B –Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ni Cesar! Sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Cesar. 
TL –Pagkarinig ni Pilato sa pangungusap na ito, inilabas niya si Hesus. At siya’y lumuklok sa hukuman, sa dakong tinatawag na “Ang Plataporma.” Gabata sa wikang Hebreo. Araw noon ng Paghahanda sa Paskuwa, at mag-iikalabindalawa na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio: 
P –Narito ang inyong hari! 
TB –(Sumigaw sila:) 
B –Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus! 
P –Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari? 
TL –(tanong ni Pilato. Sumagot ang mga punong saserdote:) 
B –Wala kaming hari kundi ang Cesar! 
TB –Kaya’t si Hesus ay ibinigay sa kanila ni Pilato upang ipako sa krus. Kinuha nga nila si Hesus. At lumabas siya na pasan ang kanyang krus, patungo sa lugar na kung tawagi’y “Dako ng Bungo.” Golgota sa wikang Hebreo. Pagdating doon, siya’y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa – isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Sumulat si Pilato ng ganitong pangungusap at ipinalagay sa krus: “Si Hesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego at marami sa mga Judio ang nakabasa nito, sapagkat malapit sa lunsod ang dakong pinagpakuan kay Hesus. Kaya’t sinabi ng mga punong saserdote kay Pilato, 
B –Huwag ninyong isulat na Hari ng mga Judio, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, ako ang Hari ng mga Judio.’ 
TL –(Sumagot si Pilato:) 
P –Ang naisulat ko’y naisulat ko na. 
TB –Nang maipako na ng mga kawal si Hesus, kinuha nila ang kanyang kasuutan at pinaghati-hatian ng apat. Kinuha rin nila ang kanyang tunika; ito’y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nag-usap-usap ang mga kawal, 
B –Huwag nating punitin ito; magsapalaran na lamang tayo para malaman kung kanino ito mauuwi. 
TL –Nangyari ito upang matupad ang isinasaad ng Kasulatan, “Pinaghatihatian nila ang aking mga kasuutan at ang aking damit ay kanilang pinagsapalaran.” Gayon nga ang ginawa ng mga kawal. Nakatayo sa tabi ng krus ni Hesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae nitong si Maria, na asawa ni Cleopas. Naroon din si Maria Magdalena. Nang makita ni Hesus ang kanyang ina, at ang minamahal niyang alagad sa tabi nito, kanyang sinabi, 
H –Ginang, narito ang inyong anak! 
TB –At sinabi sa alagad, 
H –Narito ang iyong ina! 
TL –Mula noon, siya’y pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay. Pagkatapos nito, alam ni Hesus na naganap na ang lahat ng bagay; at bilang katuparan ng Kasulatan ay sinabi niya, 
–Nauuhaw ako! 
TB –May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Itinubog nila rito ang isang espongha, ikinabit sa sanga ng isopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip ni Hesus ang alak ay kanyang sinabi, 
H –Naganap na! 
TL –Iniyukayok niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga. (Luluhod ang lahat at mananahimik sandali.) Noo’y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pamamahinga sapagkat dakila ang Araw ng Pamamahingang ito. Kaya’t hiniling nila kay Pilato na ipabali nito ang mga binti ng mga ipinako sa krus, at alisin doon ang mga bangkay. Naparoon nga ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Hesus. Ngunit pagdating nila kay Hesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang binti. Subalit inulos ng sibat ng isa sa mga kawal ang tagiliran ni Hesus, at biglang dumaloy ang dugo at tubig. 
TB –Ang nakakita nito ang nagpapatotoo – tunay ang kanyang patotoo at alam niyang katotohanan ang sinabi niya – upang kayo’y maniwala. Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” At sinabi naman ng ibang bahagi ng Kasulatan, “Pagmamasdan nila ang kanilang inulos.” 


TL –Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Hesus. Si Jose’y isang alagad ni Hesus, ngunit palihim nga lamang dahil sa takot sa mga Judio. At pinahintulutan siya ni Pilato; kaya’t kinuha ni Jose ang bangkay ni Hesus. Sumama sa kanya si Nicodemo, may dalang pabango – mga sandaang libra ng pinaghalong mira at aloe. Siya ang nagsadya kay Hesus isang gabi. Kinuha nila ang bangkay ni Hesus, at nilagyan ng pabango habang binabalot sa kayong lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Sa pinagpakuan kay Hesus ay may isang halamanan, at dito’y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Yamang noo’y Araw ng Paghahanda ng mga Judio, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Hesus.

Mga kasulyap-sulyap ngayon: