(Sulat, Salmo - Aleluya at Mabuting Balita)
Ebanghelyo At Mga Pagbasa
Mahal Na Araw 2020
““Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Hesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, sapagkat siya’y muling nabuhay tulad ng kanyang sinabi.” (Mateo 28:5-6)
Mga kapatid: Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabinyagan kay Kristo Hesus ay nabinyagan sa kanyang kamatayan? Samakatwid, tayo’y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng binyag upang kung paanong binuhay na muli si Kristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama’y mabuhay sa isang bagong pamumuhay.
Sapagkat kung nakaisa tayo ni Kristo sa isang kamatayang tulad ng kanyang kamatayan, tiyak na makakaisa niya tayo sa isang muling pagkabuhay tulad ng kanyang pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Ngunit tayo’y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Kristo kung namatay tayong kasama niya. Alam nating si Kristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Nang siya’y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay niya ngayo’y para sa Diyos. Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwat buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Kristo Hesus.
Salmo: Awit 117
Tugon: Aleluya! Aleluya! Aleluya!
O pasalamatan ang D’yos na Panginoon, pagkat siya’y mabuti;
ang kanyang pag-ibig ay napakatatag at mananatili.
Ang taga-Israel, bayaang sabihi’t kanilang ihayag,
“Ang pag-ibig ng Diyos ay hindi kukupas.”
Ang lakas ng Poon, ang siyang nagdulot ng ating tagumpay
sa pakikibaka sa ating kaaway.
Aking sinasabing di ako papanaw, mabubuhay
ako upang isalaysay ang gawa ng Diyos na Panginoon ko.
Ang batong natakwil ng nangagtatayo ng tirahang-bahay, sa lahat ng bato’y higit na mahusay. Ang lahat ng ito ang nagpamalas ay ang Panginoong Diyos. Kung iyong mamasdan ay kalugud-lugod.
Mabuting Balita: Mateo 28:1-10
Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, pagbubukangliwayway ng unang araw ng sanlinggo, pumunta sa libingan ni Hesus si Maria Magdalena at ang isa pang Maria. Biglang lumindol nang malakas. Bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, iginulong ang batong nakatakip sa libingan, at naupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakasisilaw na parang kidlat at kasimputi ng busilak ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay at nabulagtang animo’y patay nang makita ang anghel.
Ngunit sinabi nito sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Hesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito, sapagkat siya’y muling nabuhay tulad ng kanyang sinabi. Halikayo, tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Lumakad na kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya’y muling nabuhay at mauuna sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! Tandaan ninyo ang sinabi ko sa inyo.” At dali-dali silang umalis ng libingan. Pinagharian sila ng magkahalong takot at galak. At patakbong nagpunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari.
Ngunit sinalubong sila ni Hesus at binati. At lumapit sila, niyakap ang kanyang paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Hesus, “Huwag kayong matakot! Humayo kayo at sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea at makikita nila ako roon!”